Lincoln
Kanina pa ako nakakaramdam ng matinding kaba magmula nang makapasok ako sa loob ng bahay- I mean mansyon ng mga Saavedra. Parang may kung anong mabigat na nakadagan sa dibdib ko na hindi ko maipaliwanag, isang premonisyon na ang gabing ito ay hindi matatapos nang payapa.
Napakaganda at napakalaki ng mansyon nila. Noong nasa labas pa lang ako, hindi ko na mapigilang mapanganga, pero ngayong nasa loob na ako, mas lalo akong nilamon ng karangyaan nito, pakiramdam ko ay lulutang ako sa sobrang lawak. It was easily a four-story building. Gosh! Parang mall na yata ang bahay nila sa sobrang lawak. Malalaman mo agad na alaga ang bawat sulok dahil sa sobrang kintab ng mga tiles na nadadaanan namin, para na itong salamin dahil kitang-kita ko ang sarili kong repleksyon sa bawat hakbang. Pero sa likod ng kintab na iyon, may kung anong lamig akong nararamdaman na dumarating hanggang sa buto ko.
Mas lalo akong hindi mapakali sa kinauupuan ko kanina sa dining room. Ramdam ko ang matatalim na titig ni Miss Veronica sa amin ng katabi ko, si Miss Cassandra na kanina pa ako sinusubuan at pilit na ipinapakitang masaya kami, kahit siya lang naman talaga ang nag-e-enjoy. Bawat subo sa akin, bawat tawa ni Miss Cassandra, parang isang sampal sa hangin na tanging kami lang ni Miss Veronica ang nakakaramdam. At ang mas nakakatakot? Nakikita ko ang pag-igting ng panga ni Veronica, ang pagpigil niya sa emosyon na anumang oras ay sasabog. Ayoko ng nagkakaganito siya, baka isipin niya gusto ko ang mga nangyayari ngayon.
Napalunok ako nang marinig ko ang biglang pagdadabog niya. Hindi na ako nag-abalang mag-angat ng tingin dahil sa takot.
"No! Enjoy your heavenly dinner. Sana mabulunan kayong lahat!"
Gagi?
Ang boses niya... Diyos ko, parang punyal na bumaon sa pandinig ko. Galit na galit siya, pero bakit parang may kasamang panginginig? Napasunod ang tingin ko sa kaniya habang mabilis siyang naglalakad palayo, at lalong bumigat ang dibdib ko dahil hindi nakaligtas sa paningin ko na agad siyang sinundan ni Sir Chris, ang kaniyang asawa, na may madilim na ngiti sa mga labi.
Sundan ko kaya?
Kailangan kong sundan sila. Kailangan kong malaman kung bakit ganito ang nararamdaman ko.
"CR lang po ako," mahinang bulong ko kay Ms. Cassandra.
Ngumisi lang siya sa akin, isang ngisi na tila ba alam niya ang iniisip ko, bago itinuro ang daan patungo sa banyo. Mabilis akong tumayo at magalang na tumango sa kanila bago lumabas ng dining room.
Pero hindi ako nagpunta sa CR.
Huminga ako nang malalim, pilit na pinapakalma ang mabilis na tibok ng puso ko. Alam kong masamang magsinungaling, pero kailangan kong malaman. Gusto kong malaman kung ano ang mangyayari sa pagitan nina Miss Veronica at Sir Chris. May kung anong instinct sa loob ko ang nagsasabing hindi pwedeng basta-basta na lang silang dalawa ang magkausap. Hindi pwedeng masaktan na naman si Veronica.
Napangiwi ako habang naglalakad sa hallway. Puro basag na bagay ang nadadaanan ko. Bawat hakbang ko, may tunog ng maliliit na bubog, mga pira-pirasong kristal na dating mamahaling dekorasyon pero ngayon ay basura na lang sa sahig. Napapaigtad ako sa gulat sa tuwing may naririnig akong malakas na kalabog o bagsak ng gamit mula sa di-kalayuan.
Galit na galit ba siya?
Napatigil ako at mabilis na nagtago sa likod ng isang malaking poste nang mamataan ko sila sa dulo ng pasilyo. Nagtatalo na ang mag-asawa. Nakatayo si Miss Veronica habang si Sir Chris ay nakaharang sa kaniya, tila isang predator na kinokorner ang biktima nito.
"Sabihin mo nga sa akin, Veronica," panimula ni Chris, ang boses niya ay kalmado pero puno ng lason. "May gusto ka na ba sa Lincoln na iyon? Is that why you're acting like a spoiled brat who lost her favorite toy?"
