Pandora 18: The Intruder

445 36 1
                                    

PANDORA

"Hello po, Ms. Marize," bati ni Noel sa babaeng kapapasok pa lamang ng dormitory. Mabilis siyang bumalik sa kaniyang ginagawa sa kompyuter at tinapos ang kinakailangan tapusin, dahilan para hindi niya mapansin ang tunay na pagkatao ng nakasalamuha kani-kanina lang.

Suot-suot ang maskarang napili niya nang araw na 'yon, walang hirap si Pandora na sumakay ng elevator at tumungo agad sa pinakamataas na palapag—ang penthouse. Gamit ang pekeng access card na nakuha niya mula sa patron na si Cancer, nagawa niyang malagpasan ang mechanism na nilagay niya sa mismong suite na 'yon. Hindi nagtagal, nakarating na siya sa dulo ng pasilyo at hinanda na ang sarili niya. Inayos niya ang kaniyang mahabang buhok at nagsuot ng isang inosenteng ngiti. Inayos niya rin ang postura ng katawan niya ngayong nakasuot siya ng ballet shoes, katulad na lamang ng ginagaya niyang estudyante.

Binuksan niya na ang pinto at sinalubong na siya ng iisang taong naroroon. Halos mapaatras siya nang may biglang siyang dambahan ng yakap nito.

"Marize! Nakabalik ka na! Sa wakas, may kasama na ako rito!" bulalas ni Catherine. Hinimas-himas ni Pandora ang buhok ni Catherine bago ito marahang pinalayo. Hindi iyon ang unang pagkakataong makasalamuha ni Pandora ang isa sa mga Seven Deadly Sins, lalong-lalo na si Catherine.

Kung tutuusin, naging matalik din silang kaibigan noong nagpanggap siya bilang isang estudyante noon. Iyon din ang naging daan upang mabigay niya kay Catherine ang isang pwesto ng mga Royals. Walang iba kung hindi ang Boar Sin's of Gluttony.

"Matagal ka na ba rito?" masiglang tanong ni Pandora. Tumango-tango naman si Catherine at inalok siya ng kinakain na tinapay.

"Unfortunately, oo. Aaminin ko na nag-enjoy naman ako nang husto dahil akin lang ang lahat ng ito." Sinenyas ni Catherine ang buong magarbong suite. "Pero malungkot pa rin mag-isa! Gusto ko rin ng kasama para may kalaro naman ako sa switch ko. Buti nalang ikaw 'yong naunang dumating!"

Lihim na napataas ng kilay si Pandora dahil sa narinig. Wala pa pala roon ang dalawang estudyanteng nais niyang obserbahan: sina Karen at Jules. Sandali siyang napaisip kung tama bang iwanang mag-isa si Marize sa kaniyang opisina nang ilang araw, kahit alam niya na nilunod niya ito sa droga.

"Mamaya nalang," tugon ni Pandora kay Catherine at tinuro ang bagahe niya. "Mag-aayos muna ako."

Tinapik ni Catherine ang kamay niyang may hawak na bagahe at hinatak siya sa may sofa. "Ano ka ba, Marize? Tagal nating hindi nagkita, tapos uunahin mo pa iyan!"

Hindi makapaniwala si Pandora sa inaakto ng dati niyang matalik na kaibigan tungo kay Marize. Batay sa kaniyang pagkakaalala, wala sa ugali ni Catherine ang ganito kakulit at kaingay. Isa lamang siyang batang tahimik at laging nakatulala noon. Ang natatanging pagkakataon lamang na nagkakaroon ng buhay ang mukha nito ay sa tuwing binibigyan siya ng pagkain.

Malaki ang pinagbago ni Catherine mula nung una silang magkita, at lalo na nung iwan niya ito bilang Kiyuena.

Nagkibit-balikat si Pandora at mas pinili na lamang na sumakay sa gusto ni Catherine. Hindi naman siya pwedeng umatras ngayo't nasa katauhan siya ni Marize Monteverde at hindi pwedeng maghinala ang isang 'to sa kaniya. Kailangan niya na lamang na mag-intay upang maisagawa ang plano niya nang maayos.

***

Lumipas ang dalawang araw at hindi pa rin dumarating ang iniintay niyang mga estudyante. Hindi man bakas sa maskarang suot niya ang kaniyang pagkainip, hindi na makapag-antay pa si Pandora na matapos na ang kaniyang pakay.

"Marize, bakit agang-aga nakabusangot ka?"

Napapikit nang mariin si Pandora. Sa nakaraang dalawang araw din kasi, hindi siya tinigilan ni Catherine. Ganoon na lamang ang pagsisisi niya kung bakit si Marize Monteverde pa ang pinili niyang gayahin sa mga ito.

Pandora's Academy: Blood & SplendorTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon