Pandora 27: Confrontation

433 44 5
                                    

ASEL JULES CARSON

Puting kisame ang sumalubong sa akin sa pagmulat pa lamang ng mga mata ko. Dahan-dahan kong nilagay ang kamay ko sa ibabaw ng aking dibdib at hinabol ang aking hininga. Bumangon ako mula sa pagkakahiga at tinignan ang kalagayan ng katawan ko. Agad akong napasinghap at siniksik ang sarili ko sa gilid ng kama nang makita ko ang mga braso ko.

"No..." bulong ko. "This isn't happening..."

Butas. Marami silang butas. Mga butas na tila nagmula sa mga karayom na tinarak sa akin. Bukod pa roon, may mga sugat ding nakaguhit sa aking balat na para bang hiniwa at ginupit sila upang makagawa ng nakakakilabot na mga obra.

Napatakip ako sa aking bibig nang sumagi muli sa aking isipan ang mga alaalang pinakita sa akin ni Lucy. Hindi ko na napigilan ang sarili ko at hinatak ang malapit na basurahan upang doon isuka lahat ng sama ng aking loob. Hinugot ko ang isa sa mga tuwalyang nakahanda sa tabi ng higaan at pinunas 'yon sa bunganga ko.

Pinakiramdaman ko ang sarili ko at hindi ko maiwasang kilabutan. Bawat ugat ng katawan ko, ang dugong dumadaloy sa sistema ko, at ang laman na mayroon ako, kahit alam kong naririto sila at binibigyang katuturan ang buhay ko, sinisigaw ng buong pagkatao ko na hindi sila sa akin.

Ninakaw na ng iba ang karapatan ko sa sarili kong katawan.

Napatakip ako sa aking mga tenga nang marinig ko ang mga palahaw ng batang babae na nakita ko sa aking memorya. Ang batang babae na si Lucinda na sumisimbolo sa nawala kong memorya. Ang batang babae na kumumpleto sa buong pagkatao ko.

Pero bakit ganito?

Pakiramdam ko, mas lalo akong nadurog.

Na kahit anong pulot ko sa bawat parte ng aking katauhan, hinding-hindi ko na mabubuo pa ang sarili ko.

Pansamantala man akong nalayo sa impyernong 'yon, ngayong naalala ko na ang lahat ng nangyari, para na silang mga markang nakatatak sa isipan ko. 'Yong sakit, 'yong poot, 'yong lungkot, ni hindi ko magawang maiyak sa bigat ng nararamdaman ko.

Lucinda Rapha Verlice.

Iyon ang tunay kong pangalan, subalit ano pang silbi ng kapangyarihan ng pangalan ko kung katumbas naman nito ang sakit ng tila libo-libong patalim na tumatarak sa aking puso? Na kung subukan ko mang umabante ngayon, mawawalan lamang ako ng lakas at babagsak sa sahig kung saan ako itinali at iginapos ng kapalaran.

Sana hindi ko na lamang naalala ang lahat.

Kaya kong sikmurain ang naging takbo ng buhay ko magmula nang palakihin ako ng mga nakilala kong magulang. Hindi ko man naramdaman na may pakielam talaga sila, alam kong sinubukan nilang maging mapagpasensya habang lumalaki ako sa puder nila. Kahit kating-kati na nila akong palayasin sa mga buhay nila.

Pero ito? Kahit sabihin pang matagal na nangyari, ninakaw ang oras sa akin. Wala akong ginugol na panahon upang gumaling sa mga sugat ng kahapon, dahil pinilit itong kinalimutan ng utak ko. Binaon sa isang kahon ng limot.

At ngayong binuksan na muli ang kahon na 'yon, para akong napaliligiran ng kadiliman. Malamig. Tahimik. Ligaw. Tanging ang maingay lamang na presensya ng sakit ang nangingibabaw. Ang pananakit ni Ate Lydia at ang pagbubulag-bulagan ni Lufian sa katotohanan ang tila mga higanteng pader na kumukulong sa akin sa kadilimang 'yon.

Bakit ganoon? Bakit ang mga taong minahal ko at tiningala ko noon ang nakagawa sa akin nang ganito? Ano bang ginawa ko upang maranasan ang lahat nang ito? Bakit tila napakadali lamang kay Ate Lydia na itutok ang kaniyang karayom at kutsilyo sa akin na parang isa lamang akong hayop na pwede niyang paglaruan? Bakit hinayaan ni Lufian na manatili ako sa impyernong 'yon?

Pandora's Academy: Blood & SplendorTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon