Chapter XIX

93 19 11
                                    

Labing isang taon na ang nakalilipas.

Kararating lang ng pamilya Villaruz sa Prague para sa isang international piano competition. Kakapanalo lang din ni Thiago sa isang prestihiyosong patimpalak sa Japan nang muli siyang makatanggap ng imbitasyon mula sa isang tanyag na organisasyon sa Europe. At hindi iyon pinalampas ng mga magulang niya.

Dalawang araw pa bago ang kompetisyon. Kaya naman minabuti muna ng mga magulang ni Thiago na libutin ang lugar. Hindi naman na bago sa lugar ang ama ni Thiago. Dahil kagaya niya, ay napalaban na rin ang ama noon sa iba't-ibang lugar sa Europe kasama na lugar kung nasaan sila ngayon.

Masaya ang pamilya ni Thiago. Halos lahat ay nasa kanila na. Katanyagan, talento, at kayamanan. Masaya si Thiago kapag nakikita niyang masaya ang mga magulang niya. Lalo na tuwing nananalo siya sa mga kompetisyon. Kaya naman talagang pinagbuti niya sa bawat piano competition na sinasalihan niya.

Isang araw bago ang kompetisyon ay naimbitahan ang ama ni Thiago na mananghalian kasama ang mga sikat rin na pianista. Hindi noon sumama si Thiago dahil kailangan niyang makapagpahinga matapos mag-ensayo. Naiwan siya sa kanyang ina, na naging abala naman sa pag-ayos ng biglaang problema ng kanilang negosyo. Kaya naman nawalan ito ng oras para asikasuhin siya. At dala ng pagiging bata, ay ninais ni Thiago na malibot ang hotel kung saan sila naka-check in.

Sampung taon pa lang si Thiago noon, at kahit na kilala bilang isang magaling na pianista ay hindi maikakaila sa kanyang mga kilos na isa pa rin siyang bata. Isang bata na may itinatagong kulit at kolokohan.

Pumunta si Thiago sa kusina ng hotel. Abala ang mga tao doon at mainit, kaya naman naghanap siya ng mas interesanteng lugar. Hanggang sa makarating siya sa roof top. Mahangin doon at kitang-kita niya ang halos kabuuan ng siyudad at talagang namangha siya ng husto. Umupo lang siya sa isang kahon na gawa sa kahoy at pinagmasdan ang paligid. Ni hindi na niya na malayan ang oras. Hanggang sa mapansin niyang papalubog na ang araw at naisip niyang baka hinahanap na siya ng kanyang ina.

Dali-daling bumaba si Thiago. Kailangang bumaba gamit ang hagdan bago makarating sa palapag na may elevator. Nasa dalawang palapag din ang kailangang babain. At noong nasa kalagitnaan ng panghuling hagdanan na siya ay bigla siyang natalisod sa pagmamadali. Gumulong si Thiago pababa at naipit ng kanyang katawan ang kanang kamay noong bumagsak siya. Namilipit sa sakit si Thiago. Pakiramdam niya ay napilayan siya, pero tiniis niya iyon at pinilit niyang pigilan ang pag-iyak. Natakot din siyang mapagalitan kaya inilihim niya sa ina ang nangyari.

Matagumpay na naitago ni Thiago ang aksidente. Hanggang sa dumating na ang araw ng kompetisyon.

Kahit masakit ang kanang kamay ay pinilit ni Thiago ang sarili na tumugtog. Ayaw niyang masayang ang ipinunta nila doon ng dahil sa kanya. At ayaw niyang mapahiya ang kanyang mga magulang sa harap ng napakaraming mga tao. Lalo na at karamihan sa mga nanunuod, at maging mga hurado ay kaibigan ng kanyang mga magulang.

Nagsimula na siyang tumugtog at ang lahat ay humanda ng makinig. Pero sadyang masakit ang kamay ni Thiago at nahihirapan siyang igalaw ng maayos ang daliri niya. Nasa kalahati na siya ng piyesa na tinutugtog nang biglang sumakit ng husto ang kanyang kamay at bigla siyang napahinto. Kasunod naman noon ay napuno ng bulungan ang bulwagan. At si Thiago ay tila napako sa kanyang kinauupuan . Hindi siya nakakilos, hindi niya alam ang gagawin. Pinipigilan niya ang umiyak, pero hindi nagpapigil ang mga luha niya. Hanggang sa umakyat sa entablado ang kanyang ama, at inakay siya sa likuran. At doon niya ipinagtapat sa ama kung anong nangyari sa kanya.

Nag-concede sila Thiago sa kompetisyon na iyon. At iyon ang unang talo sa karera ni Thiago bilang isang piyanista. At iniwan nila ang bulwagan na dismayado kahit maulan pa noon.

"It's your fault!" bulyaw ng ama ni Thiago sa katabing asawa habang nagmamaneho sila pabalik ng hotel. "Kung binantayan mo lang sana ng maigi ang anak natin, hindi sana nangyari itong kahihiyan na ito."

"How come it's my fault? Nag-asikaso ako ng business natin. Samantalang ikaw, you just had fun with your so called friends na wala namang mga kwenta! Sinabi ko na sa'yo na may aayusin akong problema, pero umalis ka pa rin," kaagad namang balik ng ina ni Thiago na mas mataas na ang boses kaysa sa asawa.

"Thiago is going to need connections in the future. You know this industry. Hindi pwedeng puro talent lang."

"The hell I care! Thiago is talented enough to conquer every piano competition there is! Mas magaling siya sa iyo, at mas magaling siya sa kahit sino mang kilala mo! Ang sabihin mo, masyado ka lang pasikat!"

"There you go again. Iniiba mo naman ang usapan, eh."

"Then stop blaming me!"

"Then who should I blame?! Ikaw ang kasama ni Thiago! Ikaw ang may kasalanan nito!" malakas na sigaw ng ama ni Thiago.

Gustong pigilan ni Thiago ang mga magulang sa pagtatalo. Pero natatakot na siya sa mga ito. Natatakot siyang mapagalitan at masigawan. At natatakot siyang masumbatan. Kaya naman pinili na lang niyang manahimik habang pinipigilan ang pag-iyak sa backseat ng sasakyan.

Pero hindi tumigil ang mag-asawang Villaruz sa pagtatalo. Hanggang sa nauwi na sa sumbatan at ungkatan ng nakaraan ang usapan. Wala ng nais makinig sa kanila, sabay na silang sumisigaw na parang wala ng pakialam kung masaktan man nila ang damdamin ng isa't-isa. Tuluyan nang nawalan ng pag-asa si Thiago na pigilan ang mga magulang, at tinakpan na pang niya ng kamay ang mga tainga niya.

"Stop the car," biglang sabi ng ina ni Thiago. Pero hindi nakinig ang ama ni Thiago. Sa halip ay mas binilisan pa nito ang pagmamaneho. "Allan! What the hell?! Stop this freaking car!"

Kinabig ng ina ni Thiago ang manibela para pilit na itabi ang sasakyan. Pero hindi iyon ang nais ng ama ni Thiago. Kaya naman binawi nito ang manibela at itinaboy ang kamay ng asawa. Sandaling nawalang ng kontrol sa sasakyan ang ama ni Thiago, dahilan para mapahiga si Thiago sa upuan sa likuran. Pero kahit ganoon ang nangyari ay hindi pa rin tumigil sa pagtatalo ang mag-asawa.

Muling kinabig ng ina ni Thiago ang manibela, at sa pagkakataong ito ay muling nawalan ng kontrol ang ama ni Thiago dahilan para mapunta sila sa kabilang lane ng kalsada kung saan pasalungat ang takbo ng mga sasakyan sa kanila.. Dito na natigil ang dalawa sa pagtatalo lalo na at humambala na ang sasakyan nila sa kalsada.

"Tignan mo ang ginawa mo!" sigaw ng ama ni Thiago.

Pero bago pa makasagot ang ina ni Thiago ay isang malakas na busina ang kanilang narinig. At kasunod noon ay ang nakabibinging tunog ng mga gulong na pilit na pinatitigil ng preno. Hindi pa sila nakakalingon, nang biglang salpukin ng isang rumaragasang trailer truck ang sinasakyan nila. Napatigil naman kaagad ang truck, ngunit nang dahil sa lakas ng pagkakabunggo nito ay tumilapon ang sasakyan nila Thiago. Ilang beses itong umikot-ikot, nabasag ang mga salamin, at nang huminto ay nakabaligtad na ito.

Kitang-kita ni Thiago ang mga magulang niya na duguan habang siya ay halos hindi na rin maikilos ang kanyang katawan. Nakabaliktad sila at kahit nahihirapan ay pilit niyang ginising ang kanyang mga magulang sa pamamagitan ng pagtawag sa mga ito. Pero hindi na sumagot ang mga ito, ni kumilos man. At wala nang nagawa si Thiago kung hindi ang umiyak na lang habang sinisi ang kanyang sarili sa nangyaring aksidente.

Naglapitan ang mga tao sa kanila. Mabilis na dumating ang mga paramedic, pati na rin ang mga pulis. Ngunit, nang makuha ang mga katawan ng mag-asawang Villaruz ay kapwa na sila walang buhay. At ang tanging nakaligtas lang sa aksidenteng iyon ay ang batang Thiago. Duguan ito, hindi makakilos, tulala at walang humpay sa pag-iyak. 

MU Series: The Snob Music Prodigy (Published)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon