Pansin ko sa rearview mirror ang mga mata ni kuya Marvin nang mapatingin ito sa akin. Para bang ang dami nitong gustong sabihin. Ang dami ko tuloy gustong itanong sa kanya.
Sa tingin ko kasi hindi pa talaga handang magkuwento si Sir Aki sa akin. Kaya naman tinanong ko rin ang sarili ko kung handa na rin ba akong ikuwento sa kanya ang love story namin ni Ken Ken? Napailing ako, at may kung anong maliit na bagay na kumiliti sa loob ng dibdib ko.
Naalala ko tuloy si John Ken Lee. Ang aking Ken Ken. Noon. Naalala ko noong una kaming magkita. First day ko sa klase. 7th grade. Magkatabi ang arm chairs na inupuan namin. Destiny siguro. First day na first day may tinta na agad siya ng bolpen sa mukha para mapansin ko talaga agad siya. Sobrang clumsy. Bakit naman kasi pati mukha niya ay magkakatinta ng bolpen, 'di ba? Napatitig ako sa kanang palad niya na puno rin ng tinta ng bolpen. Siguro nga'y doon nanggaling ang dumi niya sa mukha. Noon ko siya unang nakausap.
"Salamat. Itong bolpen ko kasi, nagtatae. Ano palang name mo?" nahihiya niyang sabi. Doon ko rin siya unang nakitang ngumiti. At dahil seatmate ko siya ay naging mas close kami sa isa't isa.
Pagdating ng 8th grade hanggang 9th grade ay 'di ko na siya naging kaklase. Natatanaw ko na lang siya sa malayo, sa tuwing sumasayaw ang dance troupe nila sa iba't ibang events sa school. Nagkita na lang ulit kami noong 10th grade dahil nga sa naging magkaklase ulit kami. Doon ko na naramdaman ang kakaiba sa loob ng dibdib ko. Noong una, inakala ko lang na sepanx 'yon. Baka dahil na-miss ko lang siya, sabi ko sa sarili.
"Mek-Mek, it's been a while," bati nito sa 'kin. "Tulad ng dati, tabi ulit tayo. Na-miss kita," sabi nito sa akin na ikinagulat ko. Akala ko kasi nakalimutan na niya ako. Ang laki na ng pinagbago niya. Binatang-binata na siya agad. Basag na ang boses nito, at wala nang tinta ng bolpen sa kanang palad at maging sa mukha niya.
"Sure ba," tugon ko rito. "Good job pala, nakabalik ka sa star section," dugtong ko.
"Kailangan e. May gusto kasi akong makasama." S'yempre feeling ko noon ako na ang tinutukoy niya hanggang sa inamin din niya sa 'kin ang lihim niyang pagtingin sa class valedictorian namin, si Andrea. Hindi lang siya matalino, ubod din ng ganda. And yes, it broke my heart. Pero dahil kay Andrea kaya mas naging close kami ni Ken Ken. Noong una ay napilitan akong maging tulay sa panliligaw niya rito. Hanggang sa sobrang karupukan ng tulay ay tuluyan na itong bumagsak. Naramdaman ko rin naman na habang tumatagal ay nag-iiba na rin ang pakikitungo sa 'kin ni Ken Ken, bagaman tuloy pa rin ang panliligaw nito kay Andrea. Lagi kasi kaming magkasama.
Kaya naman bago magtapos ang taon ay may inabot siya sa aking sulat. Sadyang binabasa ko ang mga sulat na ipinabibigay niya kay Andrea, dahil kailangan ng mga ito ng approval ko. "O basahin mo muna. Gusto ko malakas ha, para mas dinig ko," utos pa niya sa akin. Ang isa rin sa mga nagustuhan ko sa lalaking 'to ay ang pagiging mahusay niya sa pagsusulat ng love letters. 'Yung tipong kahit hindi para sa 'yo ang sulat ay mai-in love ka rin sa kanya. At 'yon nga ang nangyari sa akin.
Ako namang si gaga, s'yempre sunod agad sa gusto niya, at mabilis na binasa ang mismong mga salitang sinulat niya sa papel na iyon, kahit na inaasahan kong masasaktan din ako sa mga mababasa ko.
Dear Mica, ang basa ko. Nagulat ako sa mga salitang lumabas sa bibig ko. Malakas pa kasi ang pagkakabasa ko. Ito ang unang pagkakataong nakita ko ang pangalan kong nakasulat sa greeting ng isang love letter. Saka 'di niya ako tinatawag na Mica. Nanlamig ang mga kamay ko, at para akong maiiyak habang tinatapos ko ang sulat niya na para pala talaga sa akin.
Hindi na masama na hindi ako ang naging class valedictorian dahil sa nalaman kong gusto rin pala ako ni Ken Ken, ang aking first love.
***
BINABASA MO ANG
One Day He Wrote My Name (PUBLISHED)
ChickLitMek is a hopeless romantic and she is determined to write her own destiny. 'Tapos makikita niya ang pangalan na nakasulat sa isang piraso ng papel na testing-an ng ballpen sa paboritong bookstore. Sa bookstore kung saan niya nakita ang kyut na lalak...