TINAPUNAN ko ito ng isang matalim na tingin. Nang lumao'y naramdaman ko rin ang tila ba'y pagbabalik nito ng tingin sa akin. Para tuloy gusto ko na itong lapitan. Pero alam kong 'pag ginawa ko iyon, baka lalong hindi na ito maalis sa isip ko. Baka hindi ko na mapigilan ang sarili ko at piliting bilhin ito-ang first edition ng unang libro ni JB Tomlinson. Iba talaga ang tingin ng isang ito sa akin at hindi ko sinasadyang mabulyawan ito, "Wala akong pera, tigilan mo ako." Ayoko namang mangutang kay Ara Sue-ang aking dakilang BFF na hindi pa rin nagre-reply sa sunod-sunod ko nang texts sa kanya. Ang sabi niya hihintayin niya raw ako sa Kismet Bookshop. Pero mga benteng minuto na siguro akong naghihintay roon. Nakalimutan ko na nga na hindi ang mga librong nakikita ang sadya ko.
Ang paboritong bookstore ay nakapuwesto sa loob ng isang mall na malapit sa pamantasang noo'y pinapasukan. Masasabi kong malawak ang lugar, at may apat na kuwadranteng bumubuo rito. Bawat kuwadrante ay may ilang hanay ng mga nagtataasang istante at bawat isa ay may kanya-kanyang cashier. At mula nga sa ngayo'y kaharap na hilera ng magkakatabing mga libro, ibinalik ko ang tingin sa lumang libro na mag-isa na lang sa pitak na kinalalagyan nito. Ang librong kanina ko pang pinagmamasdan. Wala na itong balot na plastik at may kaunting tupi sa gilid ng lumang pabalat. Nakaramdam ako ng kakaibang lungkot. Isang pamilyar na pakiwari. Parang kinurot ang puso ko dahil para bang naramdaman ko ang nais nitong sabihin, na para bang wala nang gustong magmahal sa kanya. Parang ako... na walang Ken-ken.
Kaya naman 'di ko napigilan ang sariling makialam sa madramang buhay ng librong iyon. Mabilis ko itong inilipat sa kabilang istante kung saan nakahilera ang mga bagong libro ng mga paborito kong author. Para hindi na ito malungkot. Para hindi na ito muling mag-isa. At para makita na rin ito ng taong naghahanap sa kanya.
Bibili lang naman talaga sana ako ng bolpen. Wala sa isip kong bilhin ang bagong book ni Alma Young na How To Find Your Destiny in Five Dares? Pati na rin ang book 2 ng Meet Your Meteor ni Mara Moral. Gustong-gusto ko ang thrill at mysteries sa stories ni Alma Young at kung gaano siya ka-mysterious bilang isang manunulat. Pero mas gusto ko ang style ni Mara Moral sa pagsusulat. At pati nga ang mga libro ng mga paborito kong author ay iba rin ang titig sa akin ngayon.
"Mica, tandaan mo, bolpen lang ang sadya mo rito," paalala ng konsiyensya ko kaya naman naglakad na rin ako patungo sa seksyon ng mga school supplies. Ngunit kusang huminto ang mga paa ko nang matanaw ang isang lalaking nakatayo sa may istante ng mga bolpen. Bigla akong nakaramdam ng pamilyar na kaba. Bumilis ang pintig ng puso ko. At sa sandaling iyon ay tuluyan ko nang nakalimutan si Ken-ken, o kahit ang crush kong si Tonton noong 4th grade. May dalang misteryo ang presensiya ng lalaking nakikita. Para siyang isang karakter sa libro ni Alma Young na lumabas para lang makilala ko.
Nanatili akong nakatayo sa harap ng katapat nitong istante at nagpanggap na kuwaderno ang pakay ko. Nang lumaon, sumulyap ulit ako sa lalaking namimili ng bolpen. Hindi ko alam kung pamilyar lang ba talaga siya sa akin o talagang kapansin-pansin lamang ang pang-matinee idol na itsura nito. Hindi ako ang tipo ng babaeng madaling ma-attract sa mga good-looking na lalaki at lalong hindi ako naniniwala sa love-at-first sight pero hindi ko talaga maipaliwanag ang nararamdaman ko nang makita ito. Alam kong may kakaiba sa kanya. Alam kong may dahilan kung bakit ko siya nakita. Habang palihim itong sinisilip, napansin ko na rin ang maamong mukha nito na dahil siguro sa nangungusap nitong mga mata. Nakasuot din ito ng beanie para lalo siyang magmukhang cool sa mga mata ko. Tapos, flannel shirt ang pang-itaas nito at bahagyang nakabukas ang kwelyo. Gusto ko rin ang suot niyang itim na chino, skinny at rugged ito, na nag-complement sa itim niyang leather chucks.
"Bakit kaya pareho kami ng bibilihin sa bookstore na 'yon, 'di ba? It means something," pilyang sabi ko sa sarili. Palihim ko pa rin siyang pinagmasdan. At laking gulat ko nang bigla na lang siyang lumapit sa akin. Nakatingin ba siya sa akin? Lagot, napansin niya yata na kanina ko pa siyang pinagmamasdan. At habang kinakausap ang sarili, biglang ilang dipa na lang ang layo namin sa isa't isa. Teka, mas palapit pa siya nang palapit sa akin. Mas g'wapo pala siya sa malapitan. Mabilis kong inayos ang naka-tuck in kong shirt at ang mga takas kong buhok na gusto nang magtago sa likod ng tainga ko. Ngumiti ako nang masiguro ko sa sariling nakatingin nga ito sa akin. Pero mabilis na naputol ang panaginip na iyon nang may magsalitang babae mula sa may likuran ko.
"Yes, sir," bungad ng echoserang babae. At saka ko rin napagtanto na may mali nga sa suot ko. Napagkamalan lang ba akong sales lady ng lalaking ito dahil sa suot kong white polo shirt? Kahawig kasi ito ng suot na damit ng babaeng kinakausap na niya ngayon. Bakit ba kasi sinabi pa sa 'kin ni Ara na magsuot kami ng org shirt ngayong araw? At bakit sinabi ni mama na i-tuck in ko iyon?
"Ah, I just need a scratch paper. Wala kasi akong mapag-testingan ng pen na 'to? Do you have any?" untag ng g'wapong lalaki na agad ding bumalik sa harap ng istante ng mga bolpen.
"Sige po, sir. Dadalhan ko po kayo," magalang na tugon ni ateng sales lady na halatang 'di maitago ang kilig na nararamdaman. At ang mas nakakagulat pa, lahat ng sales lady sa store ay nakatingin sa kanya, na parang hinihintay ang bawat kilos nito. Hindi naman siya artista. Minsan na rin akong nag-part-time bilang sales lady doon sa isang putso-putsong tindahan sa may bayan na nagtitinda ng mga class-A na sapatos kaya alam ko ang feeling kapag may g'wapong customer na magpapa-assist sa 'yo.
Mabilis ngang nadala ni ateng sales lady ang isang piraso ng blankong papel sa lalaking kanina ko pang pinagmamasdan. Hanggang sa magsimula na siyang mag-testing ng bolpen doon, binabantayan ko pa rin ang bawat kilos nito. Para talagang nakita ko na siya noon pa at hindi ko lang maalala. Pero may kaunting inis pa rin akong nararamdaman dahil sa pag-eexpect ko kanina. Ang hindi ko lang maintindihan ay kung bakit sobrang tagal niyang pumili ng bolpen. Sa isip-isip ko, kailangan ko na rin kasing makapili ng para sa akin. Baka ma-late pa ako sa exam ko mamaya.
Bago ko pa patulan ang destiny thoughts ko na sabayan na siyang pumili ng bolpen, hindi ko na namalayan ang tuluyang pag-alis ni kuyang naka-beanie. Kaya naman dali-dali kong tinungo ang istante ng mga bolpen para mabili na ang sadya ko. Pero nahihirapan akong mamili ng bolpen. Ang tanong ko sa sarili-ano kaya ang binili ni kuyang naka-beanie at 'yun na lang din ang bibilhin ko? As if naman na afford ko kung mamahaling bolpen ang binili nito.
Bumagsak ako sa pinakamurang bolpen na hawak-hawak ko na. Handa na akong testingin ang tinta nito nang bigla akong napamulagat dahil sa nakita kong nakasulat sa scratch paper na nakahara roon. 'Di ba 'pag nagte-testing naman tayo ng bolpen, either scribble lang o 'di naman kaya ay pangalan lang natin ang isinusulat natin doon? Pero sa scratch paper na 'yon, walang kahit anong scribble na nakatatak. Pangalan ko lang naman ang nakasulat dito: M-I-C-A.
Sinong nagsulat nito? Siya na kaya ang destiny ko? Ang daming tanong na gumulo sa sistema ko. Paulit-ulit kong binasa ang pangalan kong nakasulat doon sa takot na baka mabago pa 'yon. Nawala ang takot at napalitan nang abot-taingang ngiti sa mukha dahil nanatili ang nakasulat na. Alam kong kalalagay lang ni ateng sales lady sa scratch paper na 'yon. At bukod sa akin, isang tao pa lang ang napapadpad doon. Si kuyang naka-beanie.
"Ah, baka naman Mica lang din sadya ang pangalan nito," dismayadong sabi ko sa sarili para kilatisin ang naiwang piraso ng papel. At hindi ko inaasahang mas matindi pala ang kabang mararamdaman ko 'pag binaligtad ko ang papel na 'yon. May isa pa palang linyang nakasulat dito. "Please, find me."
Ha? Nagpapahanap ba siya sa 'kin? Pero bakit? Dahil ako ang soulmate niya? Bumagyo ng soulmate theories at destiny thoughts sa utak ko. Marahil ay gusto nilang lahat marating ang puso ko. At nang makarating doon, hindi ko na napigilan ang sarili kong hanapin ang lalaking tinatawag ng mga ito.
Pero kahit nalibot ko na ang buong bookstore, hindi ko na siya muling makita. Pipila na sana ako sa dulong cashier para bayaran ang napili kong bolpen nang muling magpakita ang lalaking hinahanap na palabas na ng bookstore. Kaya naman agad akong kumaripas ng takbo para maabutan siya. Siksik dito, tulak doon. Hindi ko dapat palampasin ang pagkakataong ito, humyaw ng mga obaryo ko. Not again.
Opo, may kakapalan nga ang mukha ko at hinarap ko siya. Kung naniniwala kayo sa destiny, maiintindihan n'yo ako. Malakas kasi ang kutob ko na siya na talaga ang lalaking matagal ko nang hinihintay. At alam ko, hindi rin naman ako mapapakali 'pag hindi ko ito sinubukan.
"Kuyang naka-beanie! Hi. I just wanna ask you something? Ikaw ba 'yung nagsulat sa...?"
"Who are you?" suplado niyang tanong. Ang presko ng mukha niya.
"I'm y-your destiny," tugon ko rito. Proud and happy, feeling pretty.
✖✖✖ ODHWMN ✖✖✖
AN: Hey you, salamat at pinansin n'yo ang kuwentong ito. Marami pa kayong dapat abangan sa mga susunod na bahagi nito. May mga inihanda akong sorpresa para sa inyo. Please share your thoughts below para naman makilala rin kayo ni Mica. And if you enjoy this, please vote (click the star below) and might as well share this to your pals.
PS: To learn more about JB Tomlinson and his books, read #OneDayHeWroteMyStory.
BINABASA MO ANG
One Day He Wrote My Name (PUBLISHED)
ChickLitMek is a hopeless romantic and she is determined to write her own destiny. 'Tapos makikita niya ang pangalan na nakasulat sa isang piraso ng papel na testing-an ng ballpen sa paboritong bookstore. Sa bookstore kung saan niya nakita ang kyut na lalak...