27. The Gift 🎁

5.6K 145 76
                                    

Handa na ang sopas na ipinangako sa akin ni mama nang sumapit ang maginaw na umaga ng Lunes. Alam kong hindi sapat ang isang mangkok ng sopas o kahit ang magdamag para makatakas sa isang masalimuot na panaginip. Galit na galit ako kay Mary noon dahil sa ang akala ko'y inagaw niya sa akin si Ken. Tapos ngayon naman, ipinaparamdam sa akin ng mga pangyayari na ako ang umagaw kay Aki mula kay MM. Nangyayari ba 'to para iparanas sa akin ni destiny ang naramdaman ni Mary noon?

"Makakapasok ka ba ngayon, Mek?" usisa ni mama nang maihayin niya ang sopas na niluto. Paborito namin ito ni papa lalo na 'pag umuulan.

"Ma, bakit mag-isa lang ako? Ang lungkot kasi," saad ko. Hindi ko rin masabi sa kanya na hindi ko na balak pumasok.

"Ha? 'Andito naman ako ah," sagot ni mama. Bahagya niyang iniusod ang mangkok ng sopas papalapit sa akin.

"I mean, bakit wala akong kapatid?" paglilinaw ko habang dinadama ang init ng mangkok sa mga kamay ko. Naalala ko tuloy si Aki nang mag-almusal kami sa isang convenient store sa tapat ng Tower 2 ng FATE building nang matulog ako sa kuwarto niya.

Gustong-gusto niyang hawakan ang mainit na cup ng instant soup na binili niya. Malakas ang AC sa store at parehas kaming nalalamigan. Laking gulat ko na lang nang maramdaman ko ang mainit niyang mga palad na dumampi sa mga tainga ko. "Nilalamig ka pa?" tanong pa niya.

Bigla akong napahawak sa mga tainga ko. Siguro nga, ang init ng mga palad niya ay magiging bahagi na lamang ng mga alaala ko.

"Ngayon mo na lang ulit 'yan natanong 'nak. Pero tulad ng sinasabi ko sa 'yo nang bata ka pa, may problema ako sa matris ko. 'Di ba dalawang beses akong nakunan no'n bago ka nabuo? Kaya naman nang makapanganak ako sa 'yo, ako na yata ang pinakamasayang nanay sa buong mundo. Totoo 'yan, Mek."

"Kung nabuhay pala sana ang dalawa kong kapatid, mas masaya 'no, ma?"

"Oo naman anak. Pero kahit pa gano'n ang nangyari, thankful pa rin kami ni papa mo dahil hinayaan niyang kami ang maging mga magulang mo. Na ikaw ang iniregalo niya sa amin." Pansin ko ang namumuong mga butil ng luha sa mga mata niya.

"Ma, naman. Lalo akong naiiyak."

At bigla na lang siyang tumayo mula sa pagkakaupo niya na para mayakap ang nag-iisang anak. "Handa ka na bang magkuwento?"

Tumango ako at muling dinamdam ang hapding kumukurot-kurot dito sa loob ko.

Sinimulan ko ang kuwento sa Lovers' Maze, kung saan kami unang nagkita ni Aki. Doon niya unang nakita si MM. At noon din naman nakilala ni Ken si Mary. Naalala ko tuloy ang sinabi ni Alma Young sa libro niya ng soulmate theories. Sabi niya, sa bawat limang tao raw sa mundo, lagi raw may isang taong masasaktan sa pag-ibig. Sa sitwasyon namin nina Aki, MM, Ken at Mary, ako yata 'yung isang taong 'yon.

Hindi ko na rin naman itinago ang katotohan kay mama na nagpakalasing ako nang bonggang bongga sa CNBar nang maghiwalay kami ni Ken. Ang gabi kung kailan daw ako nakita ni MM na nakikipaghalikan kay Aki. Detalyado ko ring ikinuwento kay mama ang eksena ng huling pagkikita namin ni Aki sa Kismet Bookshop bago siya nagka-amnesia. Matatandaang naghahanap lamang ako ng bolpen noon pero future boyfriend pala ang makikilala ko.

Itinuloy ko ang kuwento ko do'n sa moment na nagkita ulit kami nito sa isang Italian resto sa loob ng mall nila after akong ma-reject ng Zhyx Media. This time may amnesia na siya. Hanggang sa magulat akong siya pala ang magiging boss ko sa FATE.

"ANO ANAK, MAY CONDO KA?" Translation: Mayaman na tayo, 'nak?

"Opo, ma. Sorry, ngayon ko lang nasabi. Isu-surpresa ko pa kasi sana sa inyo 'yon."

"Galing talaga 'yon sa FATE? Kahit kailan talaga anak, suwerte ka sa 'min ng papa mo."

"Kaya nga 'ma, nahihirapan akong magdesisyon. Para namang nakakahiya sa FATE na basta na lang akong hindi papasok dahil sa personal issues ko." Translation: Hindi ko po talaga kayang humarap muli kay Aki.

One Day He Wrote My Name (PUBLISHED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon