Tinta

500 14 9
                                    

Akala mo ang buhay ay perpekto

Maliwanag, maayos, maganda

Na tila isang blangkong papel na nakapatong sa mesa

Wala itong bahid, walang sulat

Simple, malinis, magaan

Sumasalimbay sa ihip ng hanging nagdaraan


Ngunit kung mamasdan

Mata'y maghahanap ng maraming bagay

Nasaan ang kwento? Nasaan ang timyas?

Nasaan ang mga ngiting dulot ng murang bigas?

Nasaan ang mga ulong nananakit dahil sa kakaisip

Kung paano mapapansin ng dalagang kapitbahay

O kung paano mapapalingon ang basketbolistang hinahangaan?

Nasaan ang mga halakhak na kasabay ng marahang paghampas,

Ng miminsang pagkasamid, ng pagbahing

Sa gitna ng maraming taong matatalas ang tingin?


Nasaan ang mga luha, ang mga pawis

Na parehong tumutulo kapag puso ay hapo na at hapis?

Nasaan ang mga pakiusap at mga matatalinhagang salita

Upang ang Bumbay na naniningil ay humayo na at

Tumigil sa kanyang panggigisa?

Nasaan ang mga pulang bumbunan?

Ang mga umuusok na tenga?

Nasaan ang nanggagalaiting tsismosa at ang kanyang nanlalaking mga mata?


Nasaan ang maputlang mukha

Nang muntikang masagi ng rumaragasang BMW?

Nasaan ang mapaghiganting awra

At umuusok na butas ng ilong dahil nalinlang ng mahiwagang 'I Love You'?

Nasaan ang mga paang natapilok dahil sa napakataas ng takong?

Nasaan ang mga bata, mga gusgusin at siga

Na kapag nalingat, pitaka mo ay lulubog na parang bula?

Nasaan ang mga tumotoma, mga basagulero't mga nagdodroga?

Nasaan ang mga kagalang-galang na Manong

Na tunay na disente sa suot na barong

Ngunit sa ilalim ng mesa ay matutuklasan mo

Na ang kanila palang puso ay nasa pwitan at ang mga utak ay nasa sakong?


Sapagkat ang buhay ay hindi lamang nasusukat

Sa mga kariktan na ninanais makita

Ang buhay ay tunay na masalimuot, mapagbiro, at nakakaloka

Puno ng kalumbayan, ng tangis, at kahirapan

Isang lipunang hinahatak ng kumunoy

Mundong unti-unting nababalutan ng kadiliman

Na binabakbak ang hiwa ng kapangitan


Ang buhay ay hindi lamang puro saya

Hindi perpekto, at hindi rin maligaya

Kung ngayon ay may tuwa, bukas makalawa iyan din ay mawawala

Pangit, madilim, malamig, at mapait

Nakakahilo, magulo, mabigat, at kumplikado


Sa kabilang banda, ang buhay ay tila isang blangkong papel

At ikaw ang magsisilbing tinta

Maaari mo itong sulatan, dumihan, at dungisan

Maaaring wasakin, lukutin, at itapon sa basurahan

Sa bawat pag-apak sa maputi nitong mukha

Tandaan na buhay mo ang iyong nililikha

Kwento mo ang bawat titik na naisusulat

Kinabukasan mo ang bawat linyang inililimbag


Nasaan ang kwento? Nasaan ang timyas?

Nasaan ang mga ngiting dulot ng tagumpay na wagas?

Ikaw ang tinta. Ikaw ang Poeta.

Kaya't sikaping ang buhay mo ay maging

Isang matagumpay na obra.


Ang Alamat ng Nagtataeng BolpenTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon