Erase All You Can

68 4 9
                                    

Alam mo yung nakakabadtrip? Yung malapit mo ng mapuno yung harap at likod ng papel para sa written report mo tapos magkakamali ka kaya't kailangan mong ulitin mula sa umpisa. O kaya naman, yung ma-wrong send ka ng "I love you too, Babe" sa girlfriend mo na tinatawag mong Sweetiepie. Yung puro itlog na iskor sa mga quizzes. Yung tinderang uulit-ulitin pa talaga, ng malakas, na bumibili ka ng tigpi-pisong tawas. Nakakaloka!


May nagtext. Hmmpft! Akala ko pa naman galing dun sa crush ko na taga-ibang section. Yung kaklase ko lang pala na mahilig mag-Inglis eh puro naman wrong spelling at wrong grammar. Sa pagkainis ko, dinelete ko yung message sabay blacklist sa number nya. Sa wakas, hindi na ulit lilitaw ang pangalan at numero nya sa phone ko. Bwahaha-aayyyy! Yung mga messages sa inbox ko nabura lahat. Huhu! Napindot ko yung "Delete all" button. Si klasmeyt kase pampa-badvibes eh yan tuloy nadamay pati yung mga inosenteng mensahe. Ambilis ng mga pangyayari, naganap ang lahat ng iyon ng wala mang isang minuto. At ang masaklap yung mga naburang mensahe na nakatago sa Inbox ko ay hindi na muling maibabalik pa.


Sa kabilang banda, napaisip tuloy ako na sana sa realidad ay kaya din nating burahin ang anumang bagay na kinaiinisan, inaayawan, at kinabubwisitan natin. Yun bang kahit hindi ka magreview ay kampante ka dahil kung sakaling bumagsak ka man ay maaari mong burahin yung araw na nagtest kayo. Yun bang kapag sawa ka na sa kakabunganga ng iyong nanay ay kukunin mo lang ang iyong magic pambura at *pooof!* wala na ang iyong ina.


Ang saya siguro ng ganun. Kontrolado mo ang mundo, ang mga pangyayari, maging ang buhay ng kahit na sino. Wala ng mga palakol na grado sa card, wala na ring Algebra, Chemistry, at yung nakakaantok na History. O kaya pati lahat ng mga schools burahin na din natin para mas masaya. Hayahay ang buhay!


Naalala ko tuloy si crush. Kung wala ng school, paano pa kami magkikita? Kunsabagay, kahit magkita kami ay di naman ako nakakalapit dahil laging may mga babaeng nakadikit sa kanya. Mga atribida! Pero wag sila dahil kayang-kaya ko silang burahin mula sa mundong ibabaw. Hah! Ang galing talaga, masosolo ko na si crush!


Yung mga pulubi sa kalye, isasama ko sa mga buburahin. Ang sakit sa mata eh, pakalat-kalat kung saan-saan. Tapos pag nagkataong hindi mo nalimusan, kung makatingin sayo eh akala mo ang laki ng kasalanan mo sa kanila. Nakakabwisit noh? Parang yung mga pulitiko lang natin. Buburahin ko lahat ng mga kurakot at ititira yung mga iilang tapat sa bayan pero sa kaunting pagkakamali nila ay pasensyahan na lang. Tapos maglilibot ako sa mga bayan-bayan at lahat ng mga tanawing di ko magustuhan ay didispatsahin.


Ang sarap siguro sa pakiramdam kung perpekto ang lahat. Walang iniintindi, walang mga pagkakamali, walang maninita. Malaya tayo na gawin ang ating nais tapos parelax-relax lang at walang kalungkutan.


Ngunit, masaya nga ba talaga ang isang perpektong mundo? Masarap nga bang mabuhay kung ang lahat ay umaayon sa pansarili nating kagustuhan?


Siguro, napaka-monotonous ng buhay kung ang lahat na lang ay tama. Walang puwang para sa pagbabago. Walang paraan para malaman nating tayo'y nagkamali at nangangailangan ng ibayong pagsisikap. Walang mga second chances. Hindi natin mararanasan yung hapdi ng pagkakadapa at galak sa pagbangong muli. Hindi natin mararamdaman ang tamis na dulot ng pagkatuto. Walang taong magpupursige dahil walang maninita sa kanya at dahil wala siyang kakumpitensya. Kung walang mga pulubi, hindi natin maaapreciate kung gaano tayo kapalad na nakakakain ng tatlo o kaya'y limang beses sa isang araw. Kung walang nagkakamaling mga pulitiko, hindi tayo magkakaroon ng pagkakataon na ipaglaban ang hustisya at ang katotohanan. Di tayo matututong magpahayag at manindigan.


Kung walang mga pangit na bagay sa ating paligid, hindi tayo matututong magmasid at pumuna. Kung ang lahat ay maganda, makukuntento na tayo at hindi na maghahangad pa ng mas magagandang mga bagay. Ang mga kamaliang nakikita natin sa paligid ang siyang nagbibigay sa atin ng kakayahang magpahalaga sa tama.


Kadalasan, ang mga bagay na pinakainaayawan at kinaiinisan natin ang siyang magbibigay determinasyon para ayusin natin ang ating mga buhay, na huwag tumulad sa mga pagkakamali at maling halimbawa ng iba, at laging mangarap, gising man o tulog. Upang sa susunod ay hindi ka na bumagsak, hindi ka na bubungangaan ng iyong nanay, hindi ka na aantukin sa History, at hindi ka na maro-wrong send kay Sweetie.


Upang sa gayon, kung dati ay bumibili ka ng tawas, ngayo'y deodorant na. At kung dati'y di ka pinapansin ni crush, ngayo'y hinahabol ka na.



Note: Wew! So far, ito ang pinakamahabang akda na naisulat ko dito sa AANNB. Sana po ay di kayo nagsasawang magbasa ng mga gawa ko at may napupulot tayong mga kapakipakinabang na mga aral. Thanks! :)


Ang Alamat ng Nagtataeng BolpenTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon