Sa matuling agos ika'y sumasabay
Sa maputik na kumunoy, mumuntikang lumubog
Nagtatampisaw, nagpapakasarap
At ano ang napala?
Burak, dumi
Dungis ng pagkatao
Sapagkat akala mo'y madali lang ang lahat
Nagpapabuyong sa kintab at kinang na iyong nakikita
Akala mo ito ay isang pambatang laro
Kaya't nagtitila isang paslit
Na hahakbang muna bago mag-isip
At saka ngangawa kapag nasugatan
Manginginig sa takot na baka lumabas ang kanin sa nahiwang laman
Sa iyong pagkakadapa, sa iyong paghalik sa lupa
Nawa'y maramdaman mo ang hapdi
Ng nagasgas na tuhod
At pait ng pagkakapahiya sa mga taong nakapalibot
Upang sa gayon, sa susunod na ika'y sasabay sa agos
Ay pipiliin mong mabuti kung aling ilog
Ang lalanguyan, ang pagtatampisawan
Upang sa gayon, hindi lamang basta laro
Kundi may kaakibat na intensiyon
Ng pagkatuto, ng pagbabalak, ng pag-iingat
Na tulad ng isang marunong na tao
Mag-iisip muna bago humakbang
Magtatanong muna bago sumagot at humatol
Ang mga pagkakamali natin sa buhay
Ay hindi kailanman dahilan
Upang maging talunan at mapag-iwanan ng sinuman
Hindi rin dapat maging sanhi ng kawalang pag-asa
O ng maghapong pag-iyak sa sulok at paninisi sa iba
Sapagkat ang mga pagkakamaling ito
Ay tila isang papel de liha na gumagasgas, humihilod, kumakaskas
Upang sa gayon ang itim na pwet ng kaldero o ang ulingang kawali
Ay bumalik sa dati nitong anyo
Bago, makintab, malinis, kaiga-igaya
Dahil tulad sa iyo, ang mga pagkakamali ay mahapding humihiwa
Kumikirot ang bawat pagdampi
Nag-iiwan ng maitim na mantsa
Ngunit sa mga pagkakamaling ito, natuto ka
At ang mga ito ang magsisilbi mong papel de liha
Upang bukas makalawa, ang dati mong lampa at batang mundo
Ay magtataglay ng matibay, pantas, at kapita-pitagang pagkatao.
BINABASA MO ANG
Ang Alamat ng Nagtataeng Bolpen
PoetrySapagkat ang isipa'y malikot, ang imahinasyon ay umiikot. Sapagkat ang bawat malikhaing kamay ay miminsang nababahiran ng tinta, ng saya, at ng lungkot. Isang koleksiyon ng mga tula na sumasalamin sa kapangitan, kaengotan, kapalpakan, at kagandahan...