Mariposa

72 3 3
                                    

Nais kong magdasal bago sumabak sa entablado

Ngunit napapaso ang bawat himaymay ng aking pagkatao

Simula't sapul ay bigo na ang kaluluwa

Ang lahat ay isinasawalang kibo at hindi iniinda


Sa sampung minutong pagkakatutok ko sa mga ilaw

Na ang pagkislap at pagpatay-sindi ay tunay na nakakasilaw

Tila sampal ang bawat naririnig na pagpalakpak

Tila dura ang bawat nakabibinging halakhak


Nais kong magdasal pagkatapos ng pagtatanghal

Ngunit manhid pa ang katawan kong pagal

Uunahin na muna ang pagtanggal ng kolorete sa  mukha

Pagkatapos ay isusunod ang bukong-bukong na namamaga


Bukas, mga pakpak ko ay nais ng iunat

Nang makawala na rito sa pusaling makalat

Madilim na kukun ay pangarap na lisanin

Upang humayo at lumipad sa malawak ng papawirin


Sana bukas ay matupad na ang mga ito

Sana bukas ay ibang sayaw na ang gagawin ko

Sana bukas ay makalaya na ang mariposang bilanggo

Bukas ay magdarasal na ako, pangako.


Ang Alamat ng Nagtataeng BolpenTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon