Nilakbay Ko Ang Pilipinas Para Sa'yo

182 4 2
                                    

Isang tula ang ihahandog ko sa iyo

Tulang singhaba ng Tulay ng San Juanico

Kasing-cool ng klima sa Baguio

Sintayog ng tuktok ng Bundok Apo


Isang tula ang hinahabi ng aking panaginip

Kahulugan ay mas malalim pa sa Philippine Deep

Kasingkumplikado man ng mga kwebang masisikip

Singganda naman ng kumpol ng mga coral reefs


Isang tula ang aking isisigaw

Habang sinasakyan ang mga alon ng Siargao

Kasing-engrande ng mga palayan ng Ifugao

Misteryoso at sagradong paris ng Bundok Banahaw


Isang tula ang aking ipapangalandakan

Malakas na tila tubig ng Pagsanjan

Singlinaw ng mga katubigan ng Palawan

Tanyag na tila Boracay Beach sa Aklan


Isang tula ang aking pinapantasya

Nakaiigayang tulad ng pamayanan ng Sagada

Hindi magmamaliw gaya ng Vigan sa Ilocandia

Singkulay ng mga parol at ilawan ng Pampanga


Isang tula ang sa isip ay ikikintal

Tulang singsaya ng Masskara Festival

Maliit mang ituring gaya ng Bulkang Taal

Makasaysayan namang tila bantayog ni Rizal


Isang tula ang aking ibabandera

Na kasingrikit ng mga hardin ng Pasonanca

Singlawak ng mga palayan ng Nueva Ecija

At singhalaga ng Talon ng Maria Cristina


Isang tula ang sayo'y iaalay

Yun lamang ay sinayang mo at nilustay

Puso ko ngayon ay puno ng luha at lumbay

Gaya nitong bansang unti-unting pinapatay.


Ang Alamat ng Nagtataeng BolpenTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon