Dumating na naman ang mga araw
Na kung saan ang hangin ay may dalang ginaw
Mga kapitbahay ko ay pawang nakangiti
Mga magkaaway ay nagkakabati-bati
Sikat ng araw ay mas maliwanag
Saan man tumingin, kagalaka'y mababanaag
Ihip ng hangin ay may dalang kiliti
Isang mundong walang puwang para sa pighati
Bawat bahay na aking nadaraanan
Nililinis, inaayos, at dinadamitan
Pagkatapos nito ay kanilang sasabitan
Iba't ibang ornamento na kanilang iilawan
Biglang sumagi sa aking isipan ang isang bahay
Walang sigla, wala ni katiting na buhay
Tila manhid sa kagalakan ng kanyang paligid
Anong abang kapalaran ang dito ay bumulid!
Nang maggagabi na ay nagpasya na akong umuwi
Binuhat ko ang mga panindang bukas ay ilalakong muli
Laman pa rin ng isipan ang bahay na nakita ko
Kung kaya't bumuo ng isang mumunting plano
Mabilis ang mga hakbang na tila ako'y hinahabol
Dala-dala ang isang tig-sampung pisong parol
Sana, kapag isinabit ko ito sa pintuan ng aming kubo
Ay makakaranas ako ng isang maligayang Pasko.
BINABASA MO ANG
Ang Alamat ng Nagtataeng Bolpen
PoetrySapagkat ang isipa'y malikot, ang imahinasyon ay umiikot. Sapagkat ang bawat malikhaing kamay ay miminsang nababahiran ng tinta, ng saya, at ng lungkot. Isang koleksiyon ng mga tula na sumasalamin sa kapangitan, kaengotan, kapalpakan, at kagandahan...