Gusto ko ng umuwi
At maranasang makapaglaro
Ng tumbang preso, taguan, at piko
Nais kong maramdaman ang paglukso ng puso
Nais mabatid kung ano ang mahikang nakatago
Gusto ko ng umuwi
At makita kung may nakahain ba sa mesa
Kung may tinapay, kanin, o de lata
Kung ang mga kapatid ko ba ay nagsikain na
O kung ang nasa hapag ay puro pangtoma ni Ama
Gusto ko ng umuwi
Mga paa ko'y namimintig na sa kakalakad
Mga kamay ay ngalay na sa kakalahad
Sikmura ay kumakalam at bumabaliktad
Bulsa'y malamig nang kapain ng aking palad
Gusto ko ng umuwi
Sa lamig ay nanginginig ang payat na katawan
Tsinelas ay napatid nang matalisod sa daan
Nais ng mahiga sa papag na higaan
Habang naghihintay kay Inang galing sa pasugalan
Gusto ko ng umuwi
Ang simbaha'y tahimik na
Tila nakauwi na ang mga parokyano't parokyana
Nakapanlulumo pagkat walang nabawas ni isa
Sa paninda kong kwintas na Sampaguita.
BINABASA MO ANG
Ang Alamat ng Nagtataeng Bolpen
PoetrySapagkat ang isipa'y malikot, ang imahinasyon ay umiikot. Sapagkat ang bawat malikhaing kamay ay miminsang nababahiran ng tinta, ng saya, at ng lungkot. Isang koleksiyon ng mga tula na sumasalamin sa kapangitan, kaengotan, kapalpakan, at kagandahan...