Nang Madapa Ako't Kanyang Ibinangon

97 8 12
                                    

Nalulunod, naliligaw

Paa'y manhid, bibig ko'y uhaw

Madilim ang paligid– wala ni katiting na liwanag

Sinag ng pag-asa ay di na nababanaag


Katawa'y hapo, pagtakbong walang patutunguhan

Umaagos ang pait: mga luha ng kamalian

Ulo ko'y umiikot, umuugong

Tila itinakwil kaya't walang kumakalong


Mga nanghihinang paa tuluyang bumigay

At nagpaalam sa kaluluwa kong ngalay

Nahuhulog, bumabagsak

Damdaming lugmok sa lupa ay lumagpak


Ngunit


Bago pa tuluyang kanlungin ng lupa

Mga kamay niya sa akin ay sumalo ng kusa

Iniahon mula sa piitan ng karimlan

At ang bahaghari ay muli kong nasilayan


Sa kalinga nya, buhay ko'y muling pumintig

Sa kanyang pagtangis, kaluluwa ko'y naantig

Sa init at higpit ng mga yakap

Ay natagpuan ko ang mundong hinahanap


Naligaw sa daan dahil payo niya'y di pinakinggan

Nadapa, at nagtila isang krus na pasan

Sumuway at naging pasakit

Wari'y isang nota na humiwalay sa saliw ng awit


Gayunpaman


Ang pagmamahal mo, Ina, ay walang pinipili

Pagdating ng gabi sa tahana'y iuuwi

Ang liwanag mo ay gabay sa gitna ng dilim

Pagkalinga mo'y tanglaw sa bagyong makulimlim


Ikaw ang saliw ng musikang matimyas

Halimuyak ng pagmamahal mo'y dalisay at wagas

Ikaw ang batis ng malinaw na agos

Pagkat tunay kang biyaya at kaloob ng Diyos.


Ang Alamat ng Nagtataeng BolpenTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon