Ang pagtitiwala ko sayo ay walang kapara
Sa'yo O, bolpen kong may malaking sulat at itim na tinta
Tunay kitang kasangga sa hirap man o ginhawa
Sa bawat pagtaktak ko sayo, ang dulot ay pag-asa
Naaalala mo ba noong isang araw
Nang sa sobrang hiya ay muntikan na akong pumanaw?
Kapag bumagsak sa pagsusulit ay may parusang ipapataw
Mabuti na lang at kasama kita habang naka-squat at nilalangaw
Sa bawat pagkopya ko sa assignment ng kaklase
Sa bawat pag-compute ng mga hindi maintindihang detalye
Sa bawat pagsulat ko sa mga hinahangaang babae
Ikaw ang kadikit ko maging kapag iginuguhit ang katabi kong mukhang kapre
Nais kong humingi ng tawad sa iyo aking kaibigan
Dahil hindi lang minsan ngunit madalas kitang mabitawan
Malaman mo sana na hindi ko ito sinadya kailanman
Pagkat hindi ko nais na basta ka na lang itapon sa basurahan
Ngunit maintindihan mo sana ang desisyong aking kinakaharap
Na kahit ganito ako ay mayroon din namang pangarap
Mahalaga ka pagkat sais pesos ang bili ko sayo doon sa harap
Patawad dahil ang kasikatan ng sign pen ay tuluyan ng lumaganap.
BINABASA MO ANG
Ang Alamat ng Nagtataeng Bolpen
PoesíaSapagkat ang isipa'y malikot, ang imahinasyon ay umiikot. Sapagkat ang bawat malikhaing kamay ay miminsang nababahiran ng tinta, ng saya, at ng lungkot. Isang koleksiyon ng mga tula na sumasalamin sa kapangitan, kaengotan, kapalpakan, at kagandahan...