Biyahe

42 3 3
                                    

Malamig na panggabing hangin

Dumadampi sa maputlang mukha

Mabuti na lang at maluwag ang nasakyan kong dyip

Kaya't maaaring makapag-isip at sumandal

Maaaring pumikit at umidlip

Ngunit pinili kong manatiling mulat

Sapagkat ang mga ilaw sa aking dinaraanan

Ay lubhang nang-aakit

At sinasabing sila'y tingnan at aking pagmasdan


Umaalog-alog, miminsa'y hihinto

Patuloy sa pagsulong ang mga gulong

Na pares ng ating buhay

Minsa'y baku-bako ang dinaraanan

At madalas na magpreno dahil naubusan pala

Ng pag-asa, ng lakas ng loob

Subalit magpapatuloy pa rin

Dahil naiisip natin ang mga pasaherong naghihintay

At ang patutunguhang inaasam


Buhok ko ay sumasayaw

Mata ko ay nagniningning

Pakiramdam ko ay magaan na tila balewala lamang

Na kanina, ang almusal ko'y panaginip

At ang tanghalian ay ang aking mga pangarap

Oo, maaaring ako ay salat ngunit pasasaan ba't

Matitikman ko rin

Kung gaano ba kasarap ang umani ng mga bunga

Ng bawat butil ng pawis ko't luha


"Manong, para po!"

Dalawang kanto pa ang layo mula sa aming bahay

Ngunit kulang kasi ang aking pamasahe

Kaya't hanggang dito na lamang

At kailangang lakarin ang natitira pang milya ng buhay

Nakakapagod pero nakakapagpalakas

Matagal pero natututo ng lubos

Upang sa natitirang tatlong hakbang pauwi

Lilingon ako at mamamahinga ng nakangiti.


Ang Alamat ng Nagtataeng BolpenTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon