Inipon ko ang barkada
Upang magpatulong na mangharana
Kinikilig-kilig pa ako kapag naaalala
Kung gaano karikit ang babaeng sinisinta
Puspusan ang aming pag-eensayo
Bumili pa nga ako ng bagong terno
Gagawin ang lahat upang mapasagot ko
Ang pinakamagandang dilag sa aming baryo
At kinagabihan nga, ang tropa ay lumarga
Pinagpapawisan ng malamig ng dahil sa kaba
Yakap-yakap ang aking lumang gitara
Na tinungo ang malawak na bakuran nila
Mga kasamahan ko ay mabilis na nagsitakbo
Nang magsilabasan ang kanilang mga aso
Isa, tatlo, lima, anim, pito!
Ito na ba ang katapusan ng aming mundo?
Namamaos na ang boses ko sa kakasigaw
Takot na lumingon sa mga humahabol na pitong halimaw
Maraming pwedeng mangyari sa isang maling galaw
Isa lang ang sigurado: Ayaw ko pang pumanaw
Laking tuwa ko nang may mga tumulong na tambay
Mga mababangis na aso ay kanilang sinaway
Habol ang hininga para sa aming mga buhay
Natatawa sa mga mukha naming walang kulay
Ano bang kamalasan ang sa aki'y dumapo?
Di pa man nagsimula ang harana ay agad ng nabigo
Pangarap kong pagsinta'y tuluyan na bang maglalaho?
Hindi. Bukas ay magdadala ako ng isang malaking pamalo.
BINABASA MO ANG
Ang Alamat ng Nagtataeng Bolpen
PoetrySapagkat ang isipa'y malikot, ang imahinasyon ay umiikot. Sapagkat ang bawat malikhaing kamay ay miminsang nababahiran ng tinta, ng saya, at ng lungkot. Isang koleksiyon ng mga tula na sumasalamin sa kapangitan, kaengotan, kapalpakan, at kagandahan...