Nagsimula bilang isang munting binhi
Tumubo at yumabong
Sa pamamagitan ng pagdilig at pagsaboy
Ng pagmamahal at pagmamalasakit
Umusbong ito at kumawala
Mula sa mahigpit na yakap ng lupa
At saka buong tikas na tumingala
Sa langit na matagal na niyang inaadhika
Bawat unos ay hinarap
Kinaya ang bawat paghampas ng hangin
Tiniis ang bawat bagyo
Ang lamig
Ang sobrang init
Maging ang pang-aalipusta
Sa tuwing binabali ang kanyang mga sanga
Nanatiling matatag
Gaano man kagaan o kabigat
Ang batang naglalambitin
O ang panungkit na humahatak sa mga bunga
Sapagkat alam niya
Na kahit magsilaglagan ang kanyang mga dahon
Na kahit ang mga sanga ay gawing panggatong
Muling susulpot ang panibagong hibla
Ng mga pangarap
At ng kaligayahan niya.
BINABASA MO ANG
Ang Alamat ng Nagtataeng Bolpen
PoetrySapagkat ang isipa'y malikot, ang imahinasyon ay umiikot. Sapagkat ang bawat malikhaing kamay ay miminsang nababahiran ng tinta, ng saya, at ng lungkot. Isang koleksiyon ng mga tula na sumasalamin sa kapangitan, kaengotan, kapalpakan, at kagandahan...