Chapter 25

5 1 0
                                    

CHAPTER 25

"THIS is insane, Gala!" kinakabahang bulalas ni Mandy pagkatapos niyang makausap si Richard sa cell phone. Pabalik-balik siya sa paglalakad sa harapan ni Galina na ngayon ay namumutla habang nakaupo sa hospital bed. Medyo umayos na ang pakiramdam nito dahil napainom na ito ng gamot at natingnan na ng doctor. At dahil sa medyo okay na ito ay may lakas na naman ulit ito para gumawa ng kalokohan. "Tawagan ko kaya ulit si Chad at sabihing joke lang ang lahat?" sabi pa ni Mandy. Sobra itong tutol sa pinaplanong pagpapanggap ni Galina.

Isinandal ni Galina ang ulo sa unan habang hinihilot-hilot ang sentido. "Pumirme ka nga, Mandy. Nahihilo ako sa 'yo," nanghihina niyang sabi. "Tumayo ka na lang diyan sa labas at baka dumating na siya." Kasabay kasi ng pagbalik ng ulirat niya kanina matapos mahimatay ay ang pagbabago ng isip niyang sukuan si Richard. Naisip niya na gamitin ang pagkakasakit niya na isang oportunidad para mapaamin ito sa tunay nitong nararamdaman para sa kaniya.

"We're not even sure kung darating siya. Ni hindi nga siya kumibo nang sabihin kong nandito ka sa ospital," nakasimangot na sabi ni Mandy. Matapos niya kasing tawagan si Richard ay binabaan lang siya nito.

"Darating 'yon... Alam ko." Nahiga na si Galina at ipinikit ang mga mata. "Sa labas mo na siya hintayin, please?"

"Gala, kinakabahan ako!" Napapadyak si Mandy.

Napangiti si Galina. Hindi niya akalain na mapapapayag niya si Mandy na maging kasabwat niya dahil lang sa sinabi niyang last dying wish niya iyon. "Galingan mo ang acting mo, ha?" nakapikit niyang sabi.

Wala na ring iba pang nagawa si Mandy kundi ang lumabas ng silid ni Galina para abangan si Richard. Labis-labis ang kabang nararamdaman niya. Nanginginig ang mga binti na naupo siya sa bench sa tabi ng silid ni Galina at iginala ang tingin. Sumandal siya at mariing pumikit habang nginangatngat ang mga kuko sa daliri.

Ilang minuto siyang nanatili sa ganoong posisyon hanggang sa narinig niya ang mabibilis na yabag na nag-e-echo sa tahimik na pasilyo. Nang iminulat niya ang mga mata at tumingin sa direksyon kung saan nagmumula ang mga yabag ay hiniling niya na sana lamunin na lang siya ng lupa. Dumating na si Richard at mabilis itong tumatakbo palapit sa kaniya.

"Act natural, Mandy... Act natural," paulit-ulit niyang sabi sa sarili. Pinilit niyang tumayo sa kabila ng pangangatog ng kaniyang mga binti. Hinihingal na huminto sa harapan niya si Richard. Nagtatanong ang mga tingin nito sa kaniya. Hindi siya nakapagsalita. Pakiramdam niya ay nalunok niya ang kaniyang dila. Gamit ang nanginginig na kamay, tumuro siya sa pinto ng silid ni Galina. Walang salita na iniwan siya ni Richard at mabibilis ang mga hakbang na pumasok na ng silid ni Galina. Nanghihina at pabagsak siyang napaupo ulit sa bench. "Diyos ko, ano ba 'tong gulong pinasok ko?"

Napako sa kinatatayuan si Richard nang datnan niya si Galina na payapang natutulog sa hospital bed. Pinilit niyang humakbang palapit dito kahit labis na nanghihina ang mga binti niya. Hindi alam kung dahil ba iyon sa mabilis niyang pagtakbo o dahil sa labis na panlulumo na nararamdaman niya ngayon. Naupo siya sa gilid ng kama at pinakatitigan ang mukha ni Galina. Halos mawalan na ito ng kulay dahil sa pamumutla.

Panlulumo. Pagsisi. Takot. Takot na anumang oras ay bigla na lang mawala si Galina. Mariin siyang napapikit. Huminga nang malalim habang pilit na pinatatag ang kalooban.

Narinig niya ang pagpasok ni Mandy sa loob. Nilingon niya ito sandali bago ibinalik kay Galina ang tingin. "Ano'ng nangyari?" Sinubukan niyang idampi ang kamay sa bandage na nakapulupot sa ulo ni Galina subalit binawi niya rin agad iyon sa takot na baka masaktan ito kapag hinawakan niya. Nilingon niya ulit si Mandy nang hindi ito sumagot. Para itong tuod na nakatayo lang sa tabi ng pinto.

Tumikhim si Mandy bago nagsalita. "She hits her head. Ang sabi ni Doc, mababa ang chance na magising pa siya ulit."

Sandaling hindi nakaimik si Richard. Halos hindi pa rin ma-absorb ng utak niya ang sinabi ni Mandy. "Kahapon muntik na siyang malunod tapos ngayon nabagok naman? Bakit? Bakit ito nangyayari sa kaniya?"

End Up With You (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon