Chapter 55

4 2 0
                                    

CHAPTER 55

UMAALINGAWNGAW ang halakhak ni Galina sa garden sa likod ng kanilang bahay.

Magkatabing nakaupo ang mag-asawa sa malaking swing habang nanonood ng isang nakakatawang pelikula. Tiningala ni Galina si Richard at sinubuan ng popcorn pagkatapos, yumakap siya sa braso nito. "Hindi mo gusto ang movie? We can change it," suhestiyon niya nang mapansing tahimik lamang si Richard.

Umiling-iling naman si Richard pagkatapos, hinalikan siya sa noo. "I like it. It makes you laugh."

Napangiti naman siya sa sinabi nito. Inilapit niya ang mukha sa lalaki at ginawaran ito ng halik sa labi. "Hindi ka ba naninibago na tayo na lang ang magkasama sa bahay?" tanong niya nang nailayo niya na ang mukha sa lalaki.

"Naninibago... But I like this change."

"Ako rin." Tumangu-tango siya bilang pag-sang-ayon. "Pero dalawin pa rin natin sila nang madalas, ha? I'm sure naninibago rin sina Mama Cora na wala na tayo ngayon sa kanila."

"Oo naman. Should we do it every weekend?"

"Sige," pagpayag niya, saka bumalik na sa panonood.

"Gala..." Dahan-dahang inalis ni Richard ang nakayakap niyang mga braso sa braso nito. "Pasok lang ako sandali. I need to use the restroom," alanganin ang ngiting paalam nito. Hindi na nito hinintay ang tugon niya. Tumayo na ito at wala nang lingon, lingon pa na pumasok na ng bahay.

*****

MABIGAT na isinandal ni Richard ang mga palad sa lababo. Nahihilo siya at pinagpapawisan ng malamig. Nagulat siya nang pag-angat niya ng tingin sa salamin, nakita niyang may tumutulo na namang dugo mula sa kaniyang ilong. Napapadalas na iyon.

Mabilis niyang binuksan ang gripo at hinugasan ang dumudugong ilong.

Habang hinihintay na tumigil sa pagdurugo ang ilong ay hindi niya na napigilan ang mapaluha.

"Pakiusap... Kaunting oras pa... Kaunti pa," nanginginig at umiiyak niyang usal.

Kaagad siyang nagpalit ng t-shirt nang mamantsahan ng dugo ang dati niyang suot. Pabalik na siya sa likod ng bahay nang napansin niyang umuulan. Nagmamadali siyang lumabas at nadatnan si Galina na nakasilong na sa gilid ng bahay habang yakap-yakap ang laptop. Napangiti ito nang nakita siya.

"What took you so long?" tanong nito, saka inilapag sa maliit na mesa sa tabi ang laptop. Napakalapad ng ngiti nito nang muling tumingin sa kaniya. "May gusto akong gawin, Richy."

"Ano iyon?"

Humahagikhik na lumapit sa kaniya si Galina. Nagulat siya ng hawakan nito ang kamay niya at hinila siya sa gitna ng ulan. "Na miss kong maglaro sa ulan!"

Naiiling siyang tumawa. "Matanda na tayo, Gala, para maglaro sa ulan."

Ngumuso si Galina, hawak pa rin ang kamay niya. "Kung gano'n, sumayaw na lang tayo!"

Bago pa man siya makapagreklamo ay tumakbo na sa gitna ng garden si Galina at mabilis na pinaikot ang sarili habang tumatawa. Hindi nito alintana ang tilamsik ng putik.

Malungkot siyang napangiti habang pinagmamasdan ito. Nararamdaman niya na bilang na lang ang mga sandali na makikita at maririnig niya ang mga tawa nito.

Dahil sa buhos ng ulan, naikubli niyon ang mga luhang nagsimula na namang gumapang sa kaniyang pisngi.

Pagkaraan ng ilang sandaling nakatitig sa tumatawang si Galina, awtomatikong kumilos ang mga paa niya palapit dito. Nang huminto siya sa harapan nito ay mabilis niyang hinapit ito sa baywang at inilapat ang mga labi sa malalambot nitong labi. Ramdam niya ang gulat nito subalit hindi rin nagtagal, lumambitin na ito sa batok niya at tinugunan ang kaniyang mga halik.

He was crying in between of their kisses. Hindi niya tiyak kung alam ba iyon ni Galina.

"Mahal na mahal kita, Gala," sabi niya nang maghiwalay ang mga labi nila. Hindi nagsalita si Galina. Nanatili lamang nakatitig sa mga labi niya ang namumungay nitong mga mata. Ilang sandali pa ay muli siya nitong hinalikan. Mariin ngunit maingat.

Pabigat nang pabigat ang hininga ni Galina at ramdam niya rin ang panginginig ng mga kalamnan nito.

Sa isang iglap, namalayan niyang nasa loob na ulit sila ng bahay at papasok na sa kanilang silid. Buhat niya si Galina at hindi pa rin sila tapos sa pagpapalitan ng maiinit na halik.

Maingat niyang inihiga si Galina sa malambot na kama. Pansamantala niyang pinaghiwalay ang kanilang mga labi. Kapwa sila naghahabol ng hininga. Tinitigan niya ang mga mata ni Galina. She was staring at him as well. Ilang sandali pa, sumilay ang maliit na ngiti sa mga labi nito pagkatapos, marahang tumango. At nang pumikit ito, hindi na siya nag-atubili pang muling sakupin ang mga labi nitong uhaw sa kaniya.

*****

MALALIM na ang gabi ngunit hindi pa rin magawang makatulog ni Galina. Nakangiti siya at tahimik na pinanonood sa kaniyang tabi ang nahihimbing nang si Richard. Kaagad na pinagpulahan siya ng pisngi nang maalala na naman ang pinagsaluhan nila kanina. Mariin niyang tinakpan ang bibig sa takot na bigla siyang mapabungisngis at marinig iyon ni Richard.

Huminga siya nang malalim. Nahiga siya nang tuwid at itinuon ang mga mata sa kisame. Muli niyang tinakpan ang bibig dahil hindi niya pa rin mapigilan ang kaniyang kilig.

Sa pangamba na magising si Richard. Nagpasya siyang lumabas na lang muna ng kanilang silid. Nagtungo siya sa kusina at uminom ng malamig na tubig. Malamig na tubig sapagkat hanggang ngayon ay iniinitan pa rin siya. Pakiramdam niya nga ay nag-aapoy na ang buo niyang mukha dahil sa sobrang init.

Pagkatapos sa kusina, pumasok naman siya sa banyo para umihi subalit nang makita ang kaniyang repleksyon sa salamin ay hindi niya na napigilan ang mapabungisngis. Katulad ng nasa isip niya, pulang-pula nga ang mukha niya at hindi rin maalis-alis ang ngiti niya kahit ilang beses niyang subukan.

Tinapik-tapik niya ang kaniyang magkabilang pisngi. "Kumalma ka, Gala. Huwag kang malandi," tangka niyang saway sa sarili subalit kahit ano'ng gawin niyang pagsaway hindi niya mapigilan ang sarili.

Mas lalo pang lumapad ang ngiti niya nang bumaba ang tingin niya sa malaking t-shirt ni Richard na suot niya. Tanging ang damit na iyon lamang at panty ang suot niya. Kagat ang labi na niyakap niya ang sarili at inamoy-amoy ang damit.

Ibinaba niya ang takip ng bowl at naupo roon. Nakangiti niyang dinama ang tiyan. Napasinghap siya sa biglang naisip. "Magkakalaman na kaya 'to?" Bigla siyang napatingala at itinaas ang magkalapat na mga palad. "Lord, please?! Pwede na po ba?" sabi niya.

Natawa siya bigla sa pinaggagagawa. Para na siyang nababaliw. Nakangiting napailing-iling siya.

Akmang tatayo na siya nang nahagip ng mata niya ang nakausling bagay sa loob ng trash bin. Nakakunot siyang lumapit sa maliit na basurahan at tiningnan ang laman niyon. Nagtaka siya nang makita ang napakaraming gusot na tissue na sa tingin niya ay hindi naman nagamit. Tinanggal niya ang mga iyon.

Tutop ang bibig na bagsak siyang napaupo sa sahig nang makita ang pinaka ilalim ng basurahan. Naglaho ang kaniyang mga ngiti at mabilis na napalitan ng pag-aalala. Parang hihiwalay sa katawan niya ang puso sa sobrang lakas ng pagtibok niyon. Kinakabahan siya. Natatakot.

Nanginginig ang kamay na dahan-dahan niyang kinuha sa loob ang basang t-shirt ni Richard na may mantsa ng maraming dugo. "Oh, Richy..."

End Up With You (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon