Chapter 60

5 2 0
                                    

CHAPTER 60

(Galina's P.O.V)

Nanlamig ang buo kong katawan nang natagpuan ko ang sariling nakababad sa malaking bath tub. Bumangon ako at mabigat ang hiningang pinasadahan ng tingin ang pamilyar na lugar. Nandito ako ngayon sa dati naming bahay. Ang bahay kung saan nagsimulang gumuho ang mundo ko.

Nilisan ko ang bath tub at lumabas ng banyo. Rinig sa paligid ang malalaking patak ng tubig sa sahig mula sa basa kong kasuotan.

Tinalunton ko ang madilim na pasilyo sa ikalawang palapag ng bahay kung saan naroroon ang aming mga silid. Huminto ako sa tapat ng master's bedroom nang may narinig akong malakas na kalabog sa loob niyon. Awtomatikong nanginig ang kalamnan ko at napuno ng luha ang mga mata ko. Why am I feeling this familiar feeling again?

Kahit na may kutob na ako sa dadatnan, pinili kong buksan ang pinto at pumasok sa loob.

Natutop ko ang bibig ko nang bumungad sa akin ang nakabigting si Mama. Tirik ang mga mata at nangingisay.

"No!" Mabilis ko siyang nilapitan at sinubukang iangat upang huwag siyang masakal ng lubid sa kaniyang leeg. "Please, don't do this! I'm sorry! Hindi ko sinasadya ang mga sinabi ko! Don't die!" umiiyak kong pakiusap.

Sa isang iglap, biglang huminto si Mama sa pangingisay. Nang tumingala ako, nakita kong wala na siyang buhay.

Nanghihina akong napasalampak sa sahig. Luhaan. Hindi ko na mabilang kung ilang beses ko na siyang nakitang mamatay sa mga panaginip ko. Gustuhin ko mang gumising pero hindi ko alam kung paano.

Sa isang iglap, nag-ibang bigla ang paligid ko. Bumaling ako sa likuran ko nang marinig ang mga pamilyar na boses. Natagpuan ko sina Kiko, Jude, Cheyenne, Jackie, Dr. William, at Mama Cora. Luhaan silang lahat habang nakatayo sa harapan ni Chad na payapang nakahiga sa kaniyang kama.

Lalapitan ko sana sila subalit natigilan ako nang makitang dahan-dahang itinakip ni Dr. William kay Chad ang isang puting kumot. Tutop ang bibig na napaluhod ako at napasigaw.

"Gala..."

Nahigit ko ang hininga ko nang marinig ko ang kaniyang tinig. Lumingon ako at nakita si Chad. Malungkot ang ngiting nakatitig siya sa akin.

Tumayo ako upang lumapit subalit bago pa man ako makahakbang, unti-unti siyang nilamon ng nakasisilaw na liwanag na nagmumula sa kaniyang likuran.

"Chad, sandali!" Pilit kong iniaabot sa kaniya ang kamay ko subalit tuluyan na siyang naglaho sa paningin ko.

Pawisan at hinihingal akong napabalikwas sa aking kama. Inilibot ko ang aking tingin sa madilim kong kwarto—sa condo ni Mandy.

Nanginginig ang mga kamay na sinapo ko ang sumisikip kong dibdib. Mas bumigat pa iyon nang muli kong naalala ang mga napanaginipan ko.

*****

"OKAY lang po si Gala, Tita Cora. Huwag po kayong mag-alala, ako muna ang bahala sa kaniya," narinig kong sabi ni Mandy kay Mama Cora habang kausap niya ito sa cell phone. Nasa terrace siya samantalang ako naman ay nandito sa salas—kumakain ng ice cream at nanonood ng cartoon.

Mag-iisang linggo na ako sa condo unit ni Mandy. Alam kong malaking abala na naman itong pansamantalang pagtira ko sa kaniya pero wala na akong ibang pwede kong lapitan. Ayaw kong mag-stay sa bahay namin ni Chad dahil mas lalo lang akong malulungkot doon.

Dr. William was able to save Chad that afternoon. Masaya akong malaman iyon. Gano'n pa man, pagkatapos ng insidenteng iyon ay hindi na ako bumalik sa ospital.

End Up With You (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon