Chapter 63

5 2 0
                                    

CHAPTER 63

NAKANGIWING tumili si Galina nang wala sa sariling hinawakan niya ang nakasalang na kawali sa kalan dahil sa napakalalim na naman ng kaniyang iniisip. Mariin siyang napapikit nang makita ang namumulang mga daliri dahil sa pagkapaso.

Mag-dadalawang linggo na simula nang namatay si Richard. Isang linggo na rin ang lumipas nang mailibing ito. Sa bawat araw na dumaraan, ramdam na ramdam niya na ang unti-unting paglamon sa kaniya ng matinding kalungkutan dahil sa pangungulila rito.

Hinugasan niya ang napasong kamay sa lababo pagkatapos, malalim ang buntonghiningang naupo sa stool sa counter. Inilibot niya ang tingin. Tahimik na at siya na lang mag-isa sa bahay. Noong nakalipas kasing linggo ay puno ng mga taong nakikiramay ang bahay nila. At ngayong nailibing na si Richard ay mag-isa na lang siya ulit.

Napatulala siya sa larawan nila ni Richard na nakasabit sa dingding. Ngumiti siya subalit hindi siya mukhang masaya. Ramdam niyang may kulang sa kaniya. Si Richard? Maaari. Pero may iba siyang nararamdaman. Nang pumanaw si Richard ay tila may bahagi niya rin na kasabay nitong nawala. Hindi niya mapangalan kung ano.

Simula noong unang araw ng burol ni Richard bagama't nalulungkot ay hindi siya umiyak. Nakangiti niyang sinalubong at pinasalamatan ang mga taong nakiramay sa kanila. Nakipagkuwentuhan at nakipagbiruan pa nga siya sa ilan sa mga ito. Hindi naman maiwasang magtaka ng ilan. Hindi iyon ang inaasahan nilang makikitang reaksyon sa kaniya. Mas gusto siguro ng mga ito na makita siyang lugmok at umiiyak.

Kahit siya ay nagtataka rin kung bakit bigla na lamang siyang tumigil sa pag-iyak. Tila ba natuyo na ang lahat ng luha niya noong araw na tumigil na sa pagpintig ang puso ni Richard. Naisip niya na mas maigi na rin siguro na ganoon siya dahil nangako siya noon kay Richard na hindi siya iiyak kapag namatay ito.

Bumaling siya sa direksyon ng pinto nang tumunog ang doorbell. Pumunta siya sa salas at nang buksan niya ang pinto, bumungad sa kaniya ang biyanan niya. Bagama't nagluluksa pa rin sa pagkamatay ng anak, pinuntahan pa rin siya nito upang samahan siya sa pag-pa-pa-check-up sa doctor.

Inimbitahan niya sa loob ang ginang. Kaagad itong napakunot nang dumako sila sa kusina.

"Hindi ka pa nag-aagahan, dear?" tila gulat nitong tanong sa kaniya nang makita ang sunog na omelette sa kawali.

Matamlay ang ngiting naupo siya ulit sa stool. "Late na po kasi ako nagising," pagsisinungaling niya. Ang totoo'y ilang araw na siyang hindi nakakatulog.

Lumapit sa kaniya ang Mama Cora niya at nag-aalalang hinawakan ang kaniyang pisngi. "Nagpupuyat ka ba?" tanong ulit nito nang mapansin naman ang nangingitim na ilalim ng kaniyang mga mata. Nagbuga ng hangin ang ginang pagkatapos, matamlay na umiling-iling. "Nahihiya ako sa kuya mo, Gala. Nangako ako sa kaniya na babantayan kita pero heto, napapabayaan kita. Dapat siguro tinulungan ko na lang siya sa pagkumbinsi sa iyo na sumama ka sa kaniya abroad."

Nang namatay si Richard, kaagad na umuwi ang Kuya Hiro ni Galina kasama ang asawa nito. Sinamahan siya nito hanggang sa nailibing na si Richard. Dahil din sa nangyari ay inalok siya ng kapatid na sumama na sa pag-uwi nito dahil hindi ito panatag na iwanan siya nang mag-isa.

Hindi siya pumayag sa gusto ng Kuya niya. Ayaw niyang umalis dahil naroroon ang lahat ng alaala ng namayapang asawa. Kahit na alam niyang pawang kalungkutan lang ang hatid ng mga bagay na nakapagpapaalala sa kaniya kay Richard ay mas pinili niyang manatili roon. Ayaw niyang mawaglit ang asawa nang kahit saglit sa isip niya.

At dahil sa hindi na kaya pang baguhin ng kuya niya ang desisyon niya, nakiusap na lamang ito sa Mama Cora niya na alalayan siya. At iyon naman ang ginawa ng ginang.

Nginitian ni Galina ang Mama Cora niya at hinawakan ang kamay nito. "Ma, hindi niyo po ako pinapabayaan. Ako nga po itong nahihiya dahil nakadagdag pa ako sa alalahanin ninyo."

End Up With You (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon