Chapter 47

3 2 0
                                    

CHAPTER 47

"JACKIE, pwede bang ikaw na ang magpasa nito kay Sir Digz?" pakisuyo ni Jude kay Jackie habang iniaabot ang hawak na folder. "Jackie?" ulit niya nang hindi man lang umimik ang kausap. Napakamot siya sa batok nang makitang nakatanaw lang ito sa malayo at tila ba napakalalim ng iniisip. Nakapagtataka rin na kasama nila ito ngayon sa beehive gayong dapat ay nasa klase ito ngayon.

Sunod niyang nilingon si Cheyenne na nakaupo sa desk nito. Hindi pa man siya nakapagsasalita para makisuyo rito ay ikinaway na nito ang kamay na sinabayan pa ng pag-iling.

Kaagad naman siyang napangiti nang makita si Galina papasok ng pintuan.

"Gala, pwede bang ikaw na ang magpasa nito kay Sir?" Sinalubong niya na ito sa pintuan, saka nilingon si Richard na nagbabasa ng libro sa sulok ng office. "Sama na lang kayo ng bebe mo," may panunukso pa niyang dagdag. Hinintay niya itong sumagot subalit nanatili lamang itong seryosong nakatitig kay Richard. "Gala?"

Bumuntonghininga si Galina, saka walang imik na kinuha ang folder na iniaabot niya at lumabas na ng beehive.

Naguguluhang tiningnan niya ang mga kasama. Lahat ng mga ito ay walang kabuhay-buhay tingnan. Napakunot siya nang makitang masama ang tingin sa kaniya ni Cheyenne. Nakangiwi ito at umiiling-iling na para bang sinasabi nito na may kapalpakan na naman siyang ginawa.

Bumaling siya kay Richard na nakatuon lamang ang mga mata sa librong binabasa. "Nag-away na naman ba kayo ni Gala?” tanong niya subalit tila bigla ulit itong bumalik sa pagiging malamig sa kanila.

Napalingon siya kay Kiko na himalang tahimik ngayon. Nakaupo ito sa sofa at seryosong nakatitig kay Richard. Ilang sandali pa, napailing-iling ito na tila ba may gumugulo sa isip pagkatapos ay tumayo na at walang imik na lumabas ng beehive.

*****

(Galina's P.O.V)

"HOW can he be so fine after what happened yesterday?" Naiinis kong sinipa ang maliit na bato na nakaharang sa dinaraanan ko.

Naiinis man, higit na mas nangingibabaw pa rin sa akin ang sakit. Bakit parang ako lang ang apektdo sa nangyari? Bakit parang ako lang ang nasaktan? Alam kong hindi ginusto ni Chad ang mga nangyari. Alam ko rin na para sa kapakanan ko itong ginawa niya. Pero bakit parang ang dali lang sa kaniya na magpatuloy ulit?

Sa gitna ng pag-e-emote ko, napalingon ako sa mga trabahador na nagtatrabaho sa harapan ng gymnasium. Naririndi kong tinakpan ang tainga ko dahil sa ingay na nililikha ng mga makinang ginagamit nila sa pagbubungkal ng lupa.

Lumapit ako sa lupang binubungkal nila and to my surprise, it was quite deep. Napailing-iling ako. Dapat lagyan nila doon ng harang dahil baka may estudyanteng maaksidente at mahulog doon.

Napakislot ako nang biglang may humawak sa braso ko. Napanguso ako nang makita ang nakangising si Kiko. "Ginulat mo naman ako."

Kiko opened his mouth and was saying something pero hindi ko 'yon maintindihan dahil sa ingay ng mga makina. "Ano'ng sabi mo?!"

Humalakhak siya at iginiya ako palayo sa maingay na lugar. "Ang sabi ko sasamahan na kita," aniya, saka nakangiting kinuha sa akin ang folder.

Pagkatapos maihatid kay Sir Digz ang folder, habang pabalik sa beehive ay muli kaming napadaan ni Kiko sa gymnasium. Ganoon pa rin ang sitwasyon doon.

"Ano ba'ng inaayos diyan?!" tanong ko sa kaniya sa malakas na tinig. Kinailangan kong sumigaw dahil matatakpan ang boses ko sa ingay ng mga makina.

"May itatayo raw silang mga poste!" pasigaw ding sagot ni Kiko pagkatapos, tinitigan niya ako na para bang may gusto siyang sabihin pero nag-aalangan.

"Bakit?" Bahagya ko nang ibinaba ang boses ko nang nakalayo-layo na kami sa gym.

Yumuko siya at naiiling na ngumiti. Naguguluhan ko siyang tiningnan at siniko sa braso. "Alam mo kung ano man 'yang tinitira mo, ngayon pa lang itigil mo na. Maawa ka sa kinabukasan mo," biro ko saka nauna na sa paglalakad. Napalingon ako sa gilid ko nang humabol siya.

"Wala akong tinitira kahit ano'ng chemical, Gala." Ngumiti siya at ginulo-gulo ang buhok ko. Dahil sa ginawa niya ay naalala ko na naman si Chad. Madalas niya rin kasing gawin iyon sa buhok ko. Napailing ako at napabuntonghininga. "Naguguluhan lang ako sa inyo ni Richard."

Napahinto ako sa paglalakad. Marinig ko lang ang pangalan ni Chad, bumibigat na ang dibdib ko.

"Huwag mo na kaming problemahin. Kahit ako, hindi ko na rin maintindihan ang nangyayari sa 'min."

"Kung ano man 'yang pinagdadaanan niyo, maaayos din 'yan. Tiwala lang." Malapad ang ngiting itinaas niya ang kaniyang kamao. Sa kabila nang pagpapalakas niya sa loob ko ay hindi niyon naibsan ang bigat ng nararamdaman ko.

Matamlay akong ngumiti at ibinaba ang kamao niya. "Wala na kami, Kiko."

Agad na naglaho ang ngiti niya at napalitan iyon ng pagtataka.

"What do you mean? Hiwalay na kayo?!" gulat niyang tanong.

Tumango ako at nagpatuloy na sa paglalakad.

“Pero bakit?”

"Basta."

"Pero mahal mo siya, 'di ba?"

Napahinto ako ulit at malungkot siyang nginitian. "Maybe my love wasn't enough to make him stay," sabi ko. Hindi nakapagsalita si Kiko at nanatiling nakatitig sa akin habang nakaawang ang bibig. I already feel bad about Chad leaving me pero nang makita ko ang pagkaawa sa mga mata ni Kiko para sa akin, it made me feel worst. I let out a fake laugh to lighten up the mood. "Okay na rin naman siguro 'yon. Mas mabuti nang magkahiwalay kami kaysa naman ma-stress siya lagi sa akin. Baka ako pa ang maging dahilan para mapabilis ang oras niya."

"Dahil ba sa sakit niya?" tanong ni Kiko. Hindi na ako sumagot at ngumiti na lang ulit. "Okay ka lang?" dagdag pa niyang tanong.

Gusto ko siyang sapakin sa tanong niya. Kasasabi ko lang sa kaniya na mahal ko si Chad. Sino'ng magiging okay pagkatapos hiwalayan ng taong mahal niya?!

"Oo naman," pagsisinungaling ko.

Huminto siya sa paglalakad at pinigilan ako sa braso. "You’re crying." Tinuro niya ang mukha ko.

Napahawak ako sa magkabila kong pisngi at napagtantong basa na pala ang mga iyon ng luha. Napatungo ako at napangiti nang mapait. Pambihira! Paanong hindi ko namalayang umiiyak na naman ako?

"Hindi ako umiiyak, noh! Tears of joy lang 'to!" Pilit akong tumawa kahit alam kong nagmumukha na akong tanga sa harapan niya.

Malungkot ang mga matang tinitigan ako ni Kiko. "Huwag mong pigilan."

Suminghot-singhot ako habang pinapahid ang mga luhang patuloy na dumadaloy sa pisngi ko. "Ang alin?"

Bumuntonghininga siya. "Umiyak ka hangga't gusto mo. Tao ka lang, Gala. Nasasaktan. Ilabas mo 'yang nararamdaman mo."

Naramdaman ko ang biglang paninigas ng magkabila kong pisngi at ang panginginig ng aking mga labi. "P***** *** naman, Kiko! Pinipigilan ko na nga, eh, tapos gusto mo namang ilabas ko!" inis kong sabi hanggang sa tuluyan na nga akong napahagulgol sa harapan niya. "Ang sakit, sakit, Kiko!" Nasapo ko ang dibdib ko sa sobrang bigat at sakit.

Hindi na nagsalita pa ulit si Kiko. Hinayaan niya akong umiyak at maglabas ng mga sama ng loob ko kay Chad at sa unfairness ng mundong 'to sa amin. The last thing I remember, nakasalampak na ako sa lupa habang nakakulong sa mga bisig niya.

End Up With You (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon