BELLA P.O.V
Hindi pa sumisikat ang araw nang magising kami ni Lolo sa umalingawngaw na putok ng baril mula sa di kalayuan.
Isang engkwentro na naman ng mga militar at rebelde ang nagaganap.
Ang ganitong pangyayari ay hindi na bago sa aming mga taga-Balencia.
Halos buong buhay ko dito sa bukid ay iyan na ang karaniwang eksena. Kung minsan, ayaw ko na lang magbukas ng radyo dahil ang laman ng balita ay iisa lang—walang katapusang bakbakan at patayan sa pagitan ng militar at rebelde.
At sa bawat gulo na iyon, laging may nadadamay.
Mga inosenteng sibilyan.
Mga taong wala namang kinalaman sa kanilang laban.
"Lo, hanggang kailan ba tayo mamumuhay nang ganito?" mahina kong tanong.
Napabuntong-hininga si Lolo.
"Hangga't may mga taong nasa posisyon na sakim sa pera, apo, hindi matatapos ang gulo sa bayan na ito."
Napatingin ako sa labas ng bintana ng kubo.
"Hindi ba sila napapagod, Lo? Hindi ba sila naaawa? Ang daming inosenteng tao ang nadadamay sa walang katapusang patayan dito sa atin. Para saan? Para sa kapayapaan? Hindi naman ito ang kapayapaan na alam ko."
Hindi ganito.
Hindi ganito na wala kang kalayaan at bawat kilos mo ay kailangang nakaayon sa gusto nila—dahil kung hindi, babalikan ka nila... at papatayin.
Hindi ganito na kailangan mong ibigay lahat ng hinihingi nila dahil kung hindi, buhay mo ang kapalit.
Hindi ganito ang kalayaan.
Malayong-malayo sa ganito.
"Apo," mahinahong sabi ni Lolo, "sumunod na lang tayo sa gusto ng kilusan. Wala naman tayong laban sa kanila. Gusto mo bang mangyari sa atin ang nangyari sa pamilya ng mga kaibigan at kaklase mo sa bayan?"
Napatahimik ako.
Tama si Lolo.
Iyon ang masakit na katotohanan.
Parang nakakulong kami sa gubat na ito, kasama ng kilusan.
Maswerte na nga lang kami dahil hindi nila basta-basta masasaktan si Lolo.
Isa siyang mangagamot dito sa bundok.
Kailangan nila siya, lalo na't malayo kami sa bayan at hindi rin sila basta-basta makapunta sa mga ospital doon.
Ang pagiging mahusay na albularyo ni Lolo ang nag-iisang dahilan kung bakit hindi kami ginagalaw ng mga rebelde.
Pero kahit ganoon, hindi pa rin sila pinagkakatiwalaan ni Lolo.
Alam niya kung gaano ka-halang ang bituka ng mga rebelde dito sa Balencia.
Kaya tinago niya ako sa kanila.
Ang alam ng lahat... kasama akong namatay sa mga magulang ko noong sinunog nila ang bahay namin sa kabilang sitio.
Pinatay nila ang mga magulang ko dahil lang sa balitang impormante daw si Tatay ng militar.
Isang kasinungalingan na hindi man lang nila inimbestigahan.
Hindi nila alam na kinuha na ako ni Lolo bago pa ang gabing iyon.
Bago sila sumugod sa bahay namin.
Bago nila pinagbabaril sina Inay at Itay.
Hindi pa sila nakontento.
BINABASA MO ANG
ARROWS OF THE FOREST [ON-GOING]
RomanceSynopsis: In a world where fear comes in many forms ghosts, snakes, darkness. Isabella Blanza fears only one thing: humans. Because she has seen what they are capable of. Growing up surrounded by violence, betrayal, and bloodshed, Isabella learne...
![ARROWS OF THE FOREST [ON-GOING]](https://img.wattpad.com/cover/342899268-64-k471544.jpg)