Chapter Title: A Warning in the Dark
ISABELLA BLANZA P.O.V
Alas-siyete na ng gabi, pero hindi ko pa rin nararamdaman na nakauwi na si Lolo Tasyo galing sa bayan.
Tahimik pa rin ang kubo sa itaas ng basement namin. Wala pa ring kaluskos na maririnig tanging ang huni ng mga insekto sa paligid ang bumabasag sa katahimikan ng gabi.
Napatingin ako kay Shadow.
"Tingin mo ba, Shadow, puwede tayong lumabas ngayong gabi?"
Tumayo ang dalawang tenga niya, parang indikasyon na sumasang-ayon siya sa sinabi ko.
"Halika na. Lumabas tayo at silipin natin ang bundok. Baka makita natin kung bakit hindi pa nakakauwi si Lolo."
Agad siyang tumayo.
Sa aming dalawa, siya ang mas gustong lumabas tuwing gabi. Siguro para makalanghap ng sariwang hangin at makakita ng ibang tanawin.
Kung tutuusin, nababagot din naman ako minsan sa basement.
Apat na sulok lang ng madilim na silid na ito ang palagi kong nakikita.
Limitado rin ang hangin dito sa loob. Wala kasing bintana ang basement. Isang maliit na siwang lang ang nagsisilbing daanan ng hangin para makahinga kaming dalawa ni Shadow.
Agad kong sinuot ang maitim kong jacket at pantalon.
Makakatulong iyon para mas madali akong magtago sa dilim ng gubat.
Kagaya ni Shadow, kailangan kong humalo sa kadiliman lalo na kung sakaling makasalubong namin ang mga rebeldeng ISIS na nagtatago sa makapal na kagubatan ng Balencia.
Dito mismo sa Sitio Waling-Waling.
Kung gaano kaganda ang pangalan ng lugar namin, ganoon naman kasalungat ang buhay dito.
Matagal nang kilala ang lugar na ito bilang pugad ng mga rebelde.
Marami na ring pwersa ng militar ang sumubok na hulihin sila. Pero palagi lang nauuwi sa engkwentro ang mga operasyon dito sa bundok.
At sa dami ng mga sundalong naipadala rito...
Wala ni isa ang nakahuli sa pinuno ng mga rebelde.
Paano nga naman mahuhuli ang isang taong protektado ng gobernador ng Balencia?
Nakakaawa nga ang mga sundalong dinadala rito.
Para lang silang ginagawang pain.
Kadalasan pa sa kanila ay mga bagong sundalo mga batang buhay na hindi pa handa sa giyera.
Isinukbit ko ang pana at mga palaso ko.
Si Lolo ang gumawa nito para sa akin.
Bata pa lang ako, tinuruan na niya akong pumana. Para kung sakaling dumating ang oras ng kagipitan, kaya kong ipagtanggol ang sarili ko kahit walang baril.
May nakasukbit din akong maliit na patalim sa loob ng sapatos ko.
Dahan-dahan kong inangat ang pinto ng basement.
Medyo mabigat ito dahil natatakpan ng mga kahoy na panggatong.
Ito ang nagsisilbing disguise ng lihim naming silid.
Para kahit may pumasok man sa kubo ni Lolo, hindi nila mahahalata na may basement sa ilalim.
Pinauna kong umakyat si Shadow palabas.
Siya ang nagsisilbing mata at ilong ko sa kadiliman.
Sa galaw lang ng mga tenga o katawan niya, alam ko na kung may panganib sa paligid.
BINABASA MO ANG
ARROWS OF THE FOREST [ON-GOING]
RomanceSynopsis: In a world where fear comes in many forms ghosts, snakes, darkness. Isabella Blanza fears only one thing: humans. Because she has seen what they are capable of. Growing up surrounded by violence, betrayal, and bloodshed, Isabella learne...
![ARROWS OF THE FOREST [ON-GOING]](https://img.wattpad.com/cover/342899268-64-k471544.jpg)