Kabanata 2

211 38 16
                                    

“Ysa!”

Napalingon ako para tingnan kung sino ang tumawag sa ’kin. Ngiting-ngiti na tumakbo si Josh palapit sa ’kin at nang nasa harap ko na siya ay agad na napakamot sa batok.

“Uuwi ka na?” tanong niya habang namumula. Kumunot naman ang noo ko at itinaas ang kamay para mahawakan ang noo niya. Nanlaki ang mga mata niya at mas lalo pang pumula. Hindi naman siya mainit ah?

“A-Anong—”

“May sakit ka ba?” putol ko sa sasabihin niya at ibinaba ang kamay. Mabilis siyang umiling at napakamot ulit sa batok.

“W-Wala...”

“Ah, okay. Oo, uuwi na ako. Hinihintay ko lang si Manong. Ikaw ba? Gusto mong makisabay?” aya ko dahil naalala kong madadaanan naman namin ang bahay nila.
Katulad ng ibang estudyante rito, normal lang ang pamumuhay nila. Hindi mayaman, pero hindi rin mahirap. Pero kadalasan ko siyang nakikitang naglalakad lang pauwi at nilalampasan lang ng kapatid niyang naka-motor. Hindi ko alam kung anong meron pero sa tingin ko ay magkaaway sila.

“Ayos lang ba?”

Agad akong tumango. “Oo, ayos lang. Sasabihan ko si Manong mamaya na isasabay kita. Kumusta nga pala ang score mo sa quiz kanina? Akin may mali ako, lima. Pero ayos na rin. Hindi naman kasi nakapag-review kagabi kaya inaasahan ko na ‘yun,” saad ko habang nakatingin sa mga dumadaang sasakyan. Hindi kasi ako halos makatulog kagabi at bumabagabag pa rin sa ’kin ang nangyari kahapon. Papaano kaya kung wala siya roon? Papaano kung hindi niya ako nailigtas? Siguro tuluyan na talaga akong nalunod.

Kumabog nang husto ang dibdib nang maisip iyon. Panigurado masasaktan si papa. At si Dani pati na rin si Tita. Hindi rin naman matutuwa si mama na makita ako sa kabilang buhay. Ang sabi niya noon, palagi akong mag-iingat.

“Buti nga ikaw lima lang ang mali. Kalahati lang ang score ko sa quiz kahit na nag-review naman ako,” aniya at ngumuso.
“Hindi ko alam kung anong klaseng utak ang meron ka pero kapag nagkapera ako, bibili rin ako niyan,” dagdag niya pa at tumawa nang bahagya.

Napangisi ako sa sinabi niya. “Ayos na naman ‘yang utak mo. Kulang lang sa hasa. Magbasa ka lang nang magbasa pero dapat iniintindi mo rin ang binabasa mo. Ganoon ang ginagawa ko”

Kumunot ang noo ko nang may humintong kotse sa harapan namin. Maya-maya pa ay lumabas mula roon si Fourth. Gulat akong napaamang. Tumingin siya sa ’kin pero nang balingan niya si Josh, nagtagpo ang dalawang kilay niya sa gitna.
“Pinasusundo ka na ng papa mo,” panimula niya sa matigas na boses.

Marahan akong siniko ni Josh kaya ako nagising mula sa pagkagulat.
“H-Hinihintay namin si Manong,” sagot ko at lumingon-lingon, umaasa na dadating na nga si Manong driver.

“He’s sick. Ang sabi ng papa mo sunduin kita”

Nagtataka ko siyang tiningnan ulit. Kilala siya ni papa? Papaano niya nalaman na may sakit si Manong? At bakit siya ang inutusan ni papa na sumundo sa ’kin?

Nakita niya yata ang pagtataka sa mukha ko kaya siya napabuntong hininga.
“Just hop in. Malalaman mo rin mamaya”

Marahan na lamang akong tumango at hinawakan ang braso ni Josh. Agad namang sumunod ang tingin niya sa ginawa ko.
“Isasabay ko siya kung ayos lang. Gumagabi na kasi at delikado kong hahayaan ko siyang maglakad lang pauwi,” paalam ko at ngumiti konti. Mas lalong nangunot ang noo niya pero kalaunan ay tumango na rin.

“Sa backseat tayo,” aya ko kay Josh.
Agad naman kaming pumasok sa kotse niya.

“Sino ‘yan?” bulong ni Josh. Nagkibit-balikat lamang ako. Pinanuod namin siyang umikot at pumasok saka umupo sa driver’s seat. Bahagya niya pa akong sinulyapan mula sa salamin bago pinaandar ang kotse para makaalis na.

“Ang sabi half day lang tayo bukas. May gagawin ka ba sa hapon?”

“Hindi ko alam, Josh. Siguro kung papayagan ako ni papa, pupunta ulit akong tabing dagat”

Hindi naman siguro magagalit si papa. Kilala naman niya si Josh dahil minsan ko na rin siyang dinala sa bahay para tulungan akong gumawa ng project namin. Wala naman siyang kahit na anong tanong noon.
Isa pa, kaibigan ko si Josh kaya ayos lang naman siguro. Sa pagdaan ng ilang taon, medyo nagbago na rin naman si papa. Hindi na siya masyadong galit sa mga hindi namin kapantay.

“Sige ba. Na-miss ko na rin maligo sa dagat, e” aniya at ngumiti.

“Pero magpapaalam pa ako kaya sasabihin ko na lang sa ‘yo bukas kung matutuloy ba tayo,” napahawak ako sa likuran ng upuan ni Fourth dahil nakita kong malapit na kami sa bahay nila Josh.
“Pakihinto na lang po riyan. Bababa na si Josh,” magalang kong sabi. Kita ko ang pag-igting ng panga niya at huminto sa tapat ng bahay.

Binalingan ko si Josh at ngitian.
“Bye, Josh. Bukas na lang ulit,” paalam ko.
Binuksan niya ang pintuan ng kotse at winagayway ang kamay.

“Bye. Salamat sa paghatid”

Nang umandar ulit ang kotse, saka ko lamang naramdaman ang kaba sa dibdib ko. Humilig ako sa upuan at inilabas ang cellphone para naman may mapagkakaabalahan. Hindi ko alam kung papaano siya kakausapin kaya mas mabuting maging tahimik na lang hanggang sa makarating sa bahay.

“Your boyfriend?” pagbasag niya sa katahimikan. Napahawak ako nang mariin sa cellphone at umiling.

“Kaibigan lang,” maikli kong sagot.
Tumango siya at nagpatuloy sa pagmamaneho. Napakagat labi ako nang dumaan ulit ang katahimikan.
“Uh... Salamat ulit sa pagsagip mo sa ’kin kahapon”

“Ginawa ko lang kung ano ang nararapat,” sagot niya at pinaliko ang sasakyan. Napatango-tango naman ako. Sabagay, kahit sino naman siguro gagawin ang ginawa niya hindi ba? Kasi ako, kapag may makita man akong nangangailangan ng tulong, agad ko rin namang tinutulungan.

“Kumusta na nga pala ‘yung isda? Masarap ba?” nahihiya kong tanong. Wala na akong maisip na tanong, e.

“She’s fine. Hindi ko siya niluto,” nahihimigan ko ang pilit niyang pagseseryoso nang sabihin iyon.

“Talaga?” may pagkamangha kong tanong. Akala ko niluto niya talaga, e. Sa itsura niya kasi, hindi halatang nag-aalaga siya nun. Isa pa, mahina na yata ang isdang nahuli ko kahapon dahil sa pagkakabingwit.

“Oo”

Nabanggit niyang babae ang isda. Papaano niya nalaman? Gusto ko sanang itanong iyon ngunit nakita kong nakarating na kami sa pupuntahan. Bumukas ang malaking gate at agad niyang minaneho papasok ang kotse. Nauna akong lumabas nang makita kong nasa labas na si papa, naghihintay saamin.

“Pa,” tawag ko at nilapitan siya para magmano. “Kumusta si Manong? Balita ko may sakit daw”

“Ayos lang siya. Pinagpahinga ko muna,” sagot niya at tumingin kay Fourth. “Salamat sa pagsundo sa anak ko, Jacques. Pumasok ka muna nang mapag-usapan na natin ang gustong iparating ng papa mo”

Jacques? Akala ko ba Fourth?
Nagtataka akong sumunod sa kanila papasok ng bahay. Baka totoong pangalan niya iyon? Pero saan galing ang pangalang Fourth? Bakit iyon ang tawag sa kaniya nina Mang Kanor at Aling Matilda kahapon?

“Magbihis ka na, Ysa. Hihintayin ka namin para sabay na tayong makapaghapunan,” utos ni papa na agad ko ring sinunod. Umakyat ako patungo sa silid ko at mabilis na nag-ayos. Gusto kong malaman kung anong ginawa niya rito ngayon.

.

Through the Waves of TomorrowTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon