“Mayaman ang pamilya niyo bago pa man tumakbo ang papa mo sa pagka-mayor. Naging malapit siya sa mga tao rito. Lalo na ang mama mo. Naging malapit ang papa ni Fourth at ang mama mo sa isa’t-isa. Ngunit iba ang naging pagtingin ni Yohann sa pagkakaibigan nila. Nang mamatay ang mama mo dahil sa sakit, nagkaroon din ng sakit si Fourth. Kakapanalo pa lamang ng papa mo sa pagka-mayor noon at palaging bumabagyo kaya hindi namin nagagawang pumalaot sa dagat. Nagbakasakali siyang matulongan ni Yohann kaya siya pumunta sa inyo. Bata ka pa lang nun kaya siguro hindi mo na naaalala.”
Diyan siya nagkakamali. Oo, bata pa lamang ako noon pero may nakita ako sa labas ng bahay namin sa isang maulan na gabi. Isang lalaki na basang-basa sa ulan na nagsisigaw sa labas. Hindi ko maaninag ang mukha niya dahil nga sa malakas na buhos ng ulan pero sigurado akong iyon ang tinutukoy niya.
“Hindi tinulongan ng papa mo si Fernando dahil nga sa selos. Iyon ang naging dahilan kaya ka niya nagawang kidnapin.”
Napasinghap ako ulit. Ang papa ni Fourth ang kumidnap sa ’kin noon? Mahina akong napailing.
Bumabalik ang mga alaala noong gabing iyon.Malakas ang buhos ng ulan. Buhat-buhat ako ng isang lalaki. Umiiyak akong sumisigaw ng tulong subalit natatabunan lamang iyon ng tunog ng kulog at kidlat. Pagod na pagod ang buo kong katawan pero mas lalo pa akong naiyak nang marinig ang hampas ng mga alon.
Lulunorin niya ba ako? Itatapon sa dagat?
Iyon ang mga tanong na nasa isip ko sa sandaling ‘yon.
“Tinangka kang ilayo ni Fernando hangga’t hindi natutulongan ng papa mo si Fourth na noon ay nag-aagaw buhay na sa Hospital subalit naabutan ka ng papa mo kasama ang mga pulis at iba niya pang tauhan.”
Bumuhos ang mga luha ko dahil patuloy na bumabalik sa isip ko ang nangyari noon. Akala ko nakalimutan ko na. Pinilit kong kinalimutan iyon.
Sigaw ni papa ang narinig ko habang buhat-buhat ako ng lalaki. Nakapiring ang mga mata ko kaya hindi ko matukoy kung nasaan kami. Pero malakas ang hampas ng mga alon kaya nasisiguro kong malapit lang kami sa dagat.
Nagsigawan sila. Masyado pa akong bata para maintindihan ang mga nangyayari kaya puro iyak lang ang nagawa ko hanggang sa may narinig akong putok ng baril. Bumagsak ako sa tubig pero agad ko ring naramdaman ang pag-angat. Kinuha ni papa ang piring ko at niyakap ako nang mahigpit. Pagkatapos nun ay wala na akong maalala.
“Nabaril ang papa ni Fourth na agad din niyang ikinamatay”
Muli akong napasinghap. “Si papa ba ang bumaril sa kaniya?” umiiyak kong tanong.
Bumuntong hininga si Aling Matilda.
“Oo, Ysa. Ang sabi dadaplisan lang sana ng papa mo si Fernando para pigilan siyang ilapag ka sa isang bangka at maanod sa dagat ngunit napatid siya ng isang bato kaya niya nabaril sa dibdib”“S-Sa dibdib?” ginamit ko ang mga kamay para tabunan ang mukha at umiyak nang umiyak. Kung ganoon, kasalanan nga ni papa. Kahit saang anggulo tingnan, kasalanan niya. Kung sana ay tinulongan niya si Fourth, kung sana ay hindi siya nagpadala sa selos, edi sana hindi iyon nagawa ng papa ni Fourth.
“Tinulongan ng papa mo si Fourth pero nang malaman niya ang nangyari, nagtanim siya ng galit sa papa mo at sa pamilya niyo. Nagalit din siya sa amin dahil hindi namin pinakilos ang kaso. Wala naman kasi kaming magagawa laban kay Yohann, Ysa. Kontrolado niya lahat. Isang taon pa nga lang ang nakalipas ay nakalimutan na iyon ng mga tao”
Kaya siya naghihiganti ngayon. Pero bakit pa niya pinatagal? Bakit pa niya hinayaan ang sarili na mapalapit sa pamilya namin kung sa huli ay ganoon pa rin naman ang plano niya?
Para ba mas masakit?“Inampon siya ng mag-asawang Villamor na nawalan din ng anak. Dinala nila si Fourth sa Manila ngunit bago siya umalis, ipinangako niya sa puntod ng papa niyang babalik siya para maningil.”
“Pero, Ysa...” itinaas ko ang ulo nang yakapin ako ni Aling Matilda para aluin. “Aaminin namin, nang bumalik si Fourth dito, hindi namin siya nakilala dahil malaki ang ipinagbago niya. Masyado siyang galit sa mundo. Pero ikaw...” hinawakan niya ang mukha ko at ngumiti.
“Ikaw ang dahilan kaya siya bumalik sa dating Fourth na kilala namin. Ikaw, Ysa. Sa bawat araw na nakakasama ka niya, ramdam naming unti-unting nawawala ang galit na inipon niya sa kaloob-looban niya. Kaya maniwala ka sana sa amin ngayon. Walang kinalaman si Fourth sa nangyari sa pamilya niyo”
Umiling ako at iwinaksi ang kamay niya. Hindi ko alam kung sino dapat ang paniwalaan.
“Ma’am, kailangan na nating umalis” inakay ako ng mga tauhan ni lola sa pagtayo.
“Ysa, maniwala ka sana! Walang kinalaman si Fourth!” pag-uulit ni Aling Matilda habang lumalayo kami roon.
Naghahalo-halo ang iba’t-ibang emosyon sa dibdib ko ngayon. Sarado rin ang isip ko kaya hindi ako sigurado kung maniniwala ba akong walang kasalanan si Fourth lalo na’t alam ko na ang dahilan kung bakit siya lumapit sa ’min.
Sumakay ako sa bangka at tumingin sa dalampasigan kung saan nangyari ang lahat.
Mapait akong ngumiti. Pinapangako ko, babalik ako para alamin ang katotohanan. Babalik ako para bawiin ang nawala. Gagawin ko iyon kapag handa na ako.
Sa ngayon...
Kailangan ko munang harapin ang walang kasiguraduhang bukas. Wala na si mama. Pati si papa ay wala na rin. Kailangan kong maging matatag.
Para sa amin ni Dani, at para sa kinabukasan namin.Nang makatuntong sa barko ay hinanap ko si Dani. Pero ang sabi ng isa sa mga tauhan ni lola ay gusto niya munang mapag-isa. Ayaw ko siyang pilitin kaya tinanaw ko na lamang ang dagat habang unti-unti kaming lumalayo sa Santa Cruz. Ang lugar kung saan ako nagkamalay.
Inilabas ko ang cellphone mula sa bulsa at hinayaan ‘yung mahulog sa tubig. Mariin akong pumikit at hinayaan ang mga luhang tumulo habang dinadama ang malamig na hangin.
Tama si Dani sa sinabi niya noon.
Wala akong karanasan sa pag-ibig kaya madali akong nauto ni Fourth.
BINABASA MO ANG
Through the Waves of Tomorrow
RomanceHindi maitatanggi ang pagkahumaling ni Ysabelle sa dagat. Sa bawat paghampas ng mga alon ay naaalala niya ang pumanaw na ina. Dito rin niya unang nakilala ang lalaking bumihag sa bata niya pang puso. Sa pagdaan ng mga taon, at sa muli nilang pagtata...