Matagal akong naghahanda sa loob ng aking silid para sa araw na ito. Ang sabi ni papa, maglilibot kami sa kabilang municipalidad na hindi pa nila napupuntahan. Maagang tumawag si Josh para ipaalam sa ’kin na hindi siya makakasama sa lakad namin ngayong araw dahil may importante rin siyang lalakarin. Sinabihan ko na naman siya na ayos lang at mag-iingat kung saan man siya pupunta.
Bumaba ako dala-dala ang bag na may lamang damit at iba pang importanteng bagay subalit hindi ko inasahan na madadatnan ko ulit doon si Fourth. Buhat-buhat niya ang ilang karton ng mga flyers na ipamimigay namin mamaya.
Nang makita ako, saglit niya lamang akong tinapunan ng tingin at dumiretso sa labas para ihatid ang mga karton. Mabilis din siyang nakabalik agad bago pa man ako tuluyang makababa sa hagdanan.
“Good morning,” bati ko sa kaniya.
Napakurap-kurap ako nang hindi man lang niya ako tiningnan. Ni hindi siya bumati pabalik.Anong problema niya?
“Sasama ka ngayong araw?” subok kong tanong.
“Yes.”
Napakagat-labi ako sa tipid niyang sagot.
“Utos ni papa?”
Tumigil siya sa ginagawa at kunot-noo akong nilingon.
“Sa tingin mo mauutosan ako ng papa mo?” masungit niyang saad bago bumalik sa ginagawa.“Ah sige,” pagsuko ko na. Mukhang wala talaga siya sa mood ngayon. Ayoko rin namang ipilit. Hindi ko lang talaga maintindihan kung bakit pa siya sasama. Pero... ano naman kung sasama siya hindi ba?
Nagkibit-balikat ako at akmang aalis nang magsalita siya.
“Sasama ang boyfriend mo?”
Nagtataka ko siyang tiningnan ulit. Madilim ang kaniyang mukha habang may buhat ulit na dalawang karton.
Madiin ang pagkakabigkas niya sa salitang ‘boyfriend’ na para bang may tinutukoy talaga siyang tao.“Sino?”
“What’s that guy’s name again? Josh?”
Marahan akong umiling at sumunod sa kaniya nang lampasan niya ako naglakad palabas.
“Hindi ko alam kung saan mo napulot ang balitang iyan pero malapit na kaibigan ko lang si Josh,” paliwanag ko. Napakurap-kurap ulit ako at agad na napahinto nang huminto siya at nilingon ako.“Palagi kayong nakikita ng mga tao na magkasama kahit saan man kayo magpunta. Dinala mo rin siya sa paborito mong lugar. And you didn’t eat last night dahil kumain ka na sa kanila. Now you’re telling me that you and that kid are just friends?” mahaba niyang lintaya at bahagya pa akong inirapan. Padabog niya pang ibinagsak ang mga kahon sa isa sa mga sasakyan namin.
Hindi ko siya maintindihan. Bakit ba siya nagagalit? At papaano niya nalaman na dinala ko si Josh sa kung saan kami unang nagkita? Nagsumbong ba sa kaniya sina Mang Kanor at Aling Matilda?
“Hindi na bata si Josh kaya pakiusap, huwag mo siyang matawag-tawag na bata. Kagaya nga ng sinabi ko, magkaibigan lang kami. Napalapit na ako sa pamilya niya kaya nasanay na akong sa kanila tumatambay at kumakain.” Hindi ko alam kung bakit pa ako nagpapaliwanag. Wala naman akong obligasyon na ipaliwanag sa kaniya ang mga haka-haka niya ngunit ayokong iba ang naiisip niya tungkol saamin ni Josh.
Hindi ko rin nagustuhan ang pagtawag niya kay Josh na bata. Halos magkasing-edad lang kami ni Josh kaya para niya na rin akong tinawag na bata. Pero kung sabagay, tinawag niya rin naman talaga akong bata noon. Hindi lang siguro ako makapaniwala na ganoon pa rin ang tingin niya sa ’kin ngayon.
“Whatever,” masungit niyang sabi bago tinahak ang daan pabalik sa loob ng bahay para kunin ang natitirang kahon.
Napabuntong hininga ako at lumapit kay Dani na kasalukuyang nagtitipa sa hawak niyang cellphone.
“You two talked?” bungad niya nang makita ako.
“Oo,” tipid kong sagot.
“Bakit parang hindi ka okay?”
“Hindi ko kasi siya maintindihan,” sumbong ko sa kaniya. “Bakit nga pala ‘yun kasama?”
Nagkibit-balikat siya at tumingin kay papa. “Ewan ko rin. Tanong mo na lang kay papa. Hindi ko nga rin maintindihan kung bakit palagi ‘yun nakabuntot kapag pumupunta rito. Sa pagkakaalam ko, humingi lang naman siya ng permiso noon para sa ipinapasok nilang negosyo rito hindi ba? Bakit parang nagfe-feeling parte na ng pamilya ‘yan?” nakangiwi niyang sabi at sumulyap pa sa papalabas na si Fourth.
Marahan ko siyang siniko dahil papalapit na si papa.
“Ysa, kay Jacques ka makisabay”
“P-Po?” gulat kong tanong.
Malaki naman ang sasakyan namin ah? Kakasya pa ako.“Wala siyang kasama kaya samahan mo para may makausap naman siya. Mahaba-haba pa ang byahe”
Palihim na ngumiwi ulit si Dani.
“Good luck”Nakanguso akong lumapit kay Fourth na katatapos lang magpasok ng iba pang gamit sa kotse niya.
“Sabi ni papa sa ‘yo raw ako sasabay”
Tipid siyang tumango at binuksan ang pintuan ng kotse niya.
“Get in,” matigas niyang utos na agad ko ring sinunod. Napalunok pa ako nang malaki nang maamoy ko ang pabango niya. Mabilis niya ‘yung isinara at nilapitan muna si papa para kausapin saka bumalik at pumasok sa loob ng kotse niya.“Are we going to wait for your boyfriend?”
Napatutop ako ng labi para mapigilan ang emosyong dumadaloy sa kaloob-looban ko. Ilang ulit ko bang sasabihin na hindi ko boyfriend si Josh?
“Hindi siya makakasama,” sagot ko na lamang. Wala rin namang saysay kung igigiit ko ulit ang katotohanan na ‘yun. Parang nakatatak na sa isip niya na boyfriend ko si Josh.
“Disappointed?” dagdag niya pa na mas lalo pa yatang nakadagdag sa iniisip ko.
“Magmaneho ka na lang, pakiusap”
Bumuntong hininga muna siya bago pinaandar ang sasakyan. Isinuot ko ang seatbelt at humilig sa bintana saka pumikit.
Hindi ko alam kung ano ang gagawin.
Kung ano ‘yung nararamdaman ko noon sa tuwing malapit siya ay nararamdaman ko pa rin hanggang ngayon. Pero kahit ganoon, nasisiguro kong may nag-iba na. Siguro dahil ilang taon din kaming hindi nagkita. Nakatulong iyon sa ’kin.Pero ayoko nang magpaloko pa. Hindi na ako bata. Siguro nga madali niyang nakuha ang loob ko noon dahil sa mga ginawa niya para sa ’kin pero hindi ko na hahayaan na mangyari ulit ‘yun ngayon.
‘Di bale na kung iisipin man niya na bata parin ako. ‘Di bale na kung hindi pa rin ako mature sa paningin niya. ‘Di bale na kung hindi ako pasok sa standards niya.
Wala na akong pakialam doon. Ang gusto ko lang ngayon ay tantanan niya ako kung hindi rin naman ako kayang panindigan.
“I’ll be staying here for months,” pagbasag niya sa katahimikan.
Hindi ako sumagot pero mas lalo pang naging magulo ang isip ko sa sinabi niya.Halos isang linggo nga lang siya nag-stay noon at nagustuhan ko na agad siya tapos ngayon mananatili siya rito nang ilang buwan?
Huminga ako nang malalim.
Desidido na ako. Kailangan ko siyang iwasan. Hanggang sa makaalis siya.
Kasi kung hindi ko ‘yun gagawin, tiyak na masasaktan na naman ako.
BINABASA MO ANG
Through the Waves of Tomorrow
RomanceHindi maitatanggi ang pagkahumaling ni Ysabelle sa dagat. Sa bawat paghampas ng mga alon ay naaalala niya ang pumanaw na ina. Dito rin niya unang nakilala ang lalaking bumihag sa bata niya pang puso. Sa pagdaan ng mga taon, at sa muli nilang pagtata...