Naging usap-usapan ang gulo na iyon nang ilang araw. Inireklamo nina papa at tita Dette ang tatlo sa presinto na agad ding nahuli. Pareho nasa legal na kaya agad na kinasuhan. Wala sa sarili akong nakaupo sa higaan ko habang nakatanaw sa labas ng bintana. Bukas na ang kaarawan ko. Nararamdaman ko pa rin naman ang magkahalong kaba at excitement sa dibdib ko ngunit hindi lang talaga maalis sa isipan ko ang nangyari.
May parte sa ’kin ang naiintindihan na ang nararamdaman ni papa. Ayaw niya sa mga hindi ka-estado dahil ang iba ay gahaman sa pera at oportunidad. Tandang-tanda ko pa rin ang nangyari. Nagising na lamang ako sa Hospital noong araw ring ‘yon. May mga pasa ako sa katawan lalo na bandang leeg, braso at likuran kung saan nila ako hinawakan nang mariin para maidiin sa sahig. Ang sabi ng doctor ayos lang naman raw ako. Kailangan ko lang magpahinga.
Nag-alala ako kay Josh dahil baka sinisi rin siya ni papa. Pero nabalitaan ko kay Dani na pinasalamatan pa siya ni papa sa pagdalo sa ’kin nang bumagsak ako. Ganoon rin ang ginawa niya sa mga taong tumulong sa ’kin doon.
Ilang araw ko ring nakita si Fourth dahil bumalik na raw muna ito sa Maynila pero sinigurado ni papa na naipadala niya ang imbitasyon sa kaniya.
Nakarinig ako ng mahihinang katok mula sa pintuan kaya ako dahan-dahang tumayo para buksan iyon. Bumungad sa ’kin si papa.
“Bakit po, pa?” mahina kong tanong.
“Gusto ko lang kumustahin ka. Ayos ka na ba? Kung gusto mo, ipagpaliban muna natin ang party bukas para makapagpahinga ka pa”
Agad akong umiling. “Huwag na po. Ayos na naman ako. Isa pa, masasayang lang ang pinaghirapan niyo kung ipagpapaliban pa natin. Dagdag gastos rin iyon”
Tipid siyang ngumiti at hinawakan ang buhok ko sa ulo. “Pasensiya ka na at wala ako roon para ipagtanggol ka”
Napanguso ako at unti-unting namuo ang mga luha ko sa mata.
“Ayos lang po, naiintindihan ko naman ang trabaho niyo” sabay ngiti ko sa kaniya.
“Tama po kayo. May mga tao ngang ganoon. Pero naniniwala pa rin po ako na mas marami pang mabubuting tao sa mundo.”“At isa ka sa kanila,” aniya at binawi ang kamay. “Sige na, magpahinga ka pa para bukas. Sabihan mo lang kami kapag may kailangan ka pa”
“Uhm, pa?” pigil ko sa kaniya.
Muli niya akong binalingan.“Bakit?”
“Naipadala na po ba kay Josh ‘yung binili kong suit para sa kaniya?”
“Oo, huwag kang mag-aalala. Sinigurado niya rin na makakapunta siya bukas”
Mas lalo pa akong napangiti sa sagot niya.
“Sige po, salamat”“Magpahinga ka pa,” aniya bago ako tuluyang tinalikuran. Muli kong isinara ang pinto at bumalik sa higaan. Magiging ayos din lahat. Kailangan ko munang magpahinga para siguraduhing may sapat akong enerhiya para sa kaarawan ko bukas.
Ramdam ko ang kaba nang sabihin ni Dani na nagsisidatingan na ang mga bisita. Matapos akong malagyan ng mga kolorete sa mukha ay lumabas muna ako para masigurong dumating na ang mga bisita ko.
Naabutan ko si Cavin sa labas, may kausap na dalawang babae na kung hindi ako nagkakamali ay anak ng mga kakilala ni papa sa politika. Nang makita niya ako ay nagpaalam siya sa dalawa sabay lapit sa ’kin.“Hello there, pretty. What’s your name?” nakangiti niyang bati.
“Cavin, ako ‘to.” Hindi ko masabi kung nagbibiro lang ba siya o ano dahil nagulat siya sa sinabi ko.
“Ysabelle? Wow! You look stunning! Literal na Belle ka tonight”
Tipid akong ngumiti, nahihiya sa mga sinasambit niyang salita. “Salamat. Hindi pa ito ang final outfit ko ngayong gabi. May binago lang sila konti sa gown ko. Nasaan nga pala si Fourth?” sabay lingon ko sa mga tao. Kita ko naman na nandito na ‘yung karamihan sa mga inimbita ko. Alam kong gusto nilang lumapit kaya lang nahihiya. Lalo na’t alam nila ang ugali ni papa. Nasa tabi lang sila at takot makihalubilo sa mga bisita ni papa.
“Na kina Mang Kanor. Isasabay niya raw. I’m one of your 18 roses, right?”
Ngumiti ako. “Ah oo, kung okay lang sa ‘yo”
“Of course! It’s my pleasure to dance with you tonight, my Belle. Iyong regalo ko nga pala, naroon na kasama ng iba pa”
Medyo hindi na ako komportable sa mga salitang lumalabas sa bibig niya kaya nagpasalamat muna ako saka nagpaalam para puntahan ang iba.
“Hi! May mga pagkain nang nakahanda roon, kumuha muna kayo,” pagyayaya ko.
“Happy Birthday, Ysa!” bati ng iilan kong mga kaklase.
“Maligayang kaarawan, Ysabelle!”
“Mas lalo ka pang gumanda ngayon, iha,” sambit naman ni Manang Linda na nakilala ko rin sa tabing dagat.
Nahihiya akong ngumiti.
“Naku salamat. Nagugutom na po ba kayo? May pagkain na pong nakahanda roon,” pag-uulit ko sa sinabi ko kanina sabay turo sa kung saan ang mga pagkain.Agad silang umiling. “Hindi pa naman nagsisimula, iha. Nakakahiya naman. Hindi pa naman kami nagugutom kaya ayos lang”
“Huwag po kayong mahiya. Bisita ko po kayong lahat. Kung may kailangan po kayo, huwag po kayong mahihiyang magtanong sa kanila,” turo ko sa mga inatasan ni tita na tumulong ngayong gabi.
“Salamat, Ysa. Naibigay na nga pala namin ang dala naming regalo sa isa sa mga katulong niyo. Pagpasensiyahan mo na kung iyon lang ang nakayanan namin.”
“Tatanggapin ko ang kahit na ano basta po galing sa inyo. Maraming salamat”
Nang matapos ko silang kausapin, sinubukan ko ulit na hanapin si Fourth pero mukhang hindi pa talaga sila dumating.
Napagdesisyunan kong magpaalam kay papa para personal silang masundo tutal ay may isa’t kalahating oras pa naman bago magsimula ang party. Hindi rin naman ganoon kalayo ang bahay nina Mang Kanor. Lalakarin lang naman. Parte lang naman kasi ng resort ang pinagdaosan ng party ngunit nasa malapit din sa baybayin. Pinayagan naman ako ni papa nang sabihin kong babalik ako agad.Suot ang puting dress, nilakad ko ang daan patungo sa bahay nina Mang Kanor at Aling Matilda.
“Mang Kanor? Aling Matilda?” pagtawag ko nang nasa harapan na ako ng bahay nila.
“Ysa?”
Natigilan ako nang may magsalita sa likuran ko. Kilala ko ang boses na iyon.
“Fourth,” sabay ikot ko para makita siya.
Kita ko ang naghahalong gulat at pagkamangha sa mga mata niya nang makita ako. Namamangha ko rin siyang tiningnan pabalik. Mas lalo pa siyang gumwapo sa suot niya. Dagdagan pa ng bago niyang gupit na buhok.Napaka-perpekto niya sa paningin ko.
“Bakit ka nandito?” gulat pa rin niyang tanong at hindi maalis-alis ang tingin saakin. “Mang Kanor, Aling Matilda, nandito po si Ysa”
“Ano?” ramdam ko ang pagkabalisa sa boses ni Aling Matilda sabay dungaw niya saamin. “Jusko nandito nga si Ysa! Sinabi ko na nga ba Kanor narinig ko ang boses niya kanina. Hindi ka kasi naniwala,” pinagalitan niya pa ang asawa. “Maligayang kaarawan, iha! Pasensiya ka na. Mukhang matatagalan pa kasi si Kanor. Mauna muna kayong dalawa at susunod na lamang kami”
Binalingan ko muna si Fourth bago ibinalik ang tingin kay Aling Matilda.
“Sige po! Basta po pumunta kayo ha? Magtatampo ako kapag hindi kayo dumalo”“Naku huwag kang mag-alala, susunod agad kami, iha. Tutulongan ko lang itong si Kanor sa pagsuot sa dala ni Fourth”
Tumango ako at tiningnan si Fourth.
“Tara na?” Hindi siya sumagot kaya nilampasan ko na lamang siya at naunang naglakad. Ramdam ko naman ang agad niyang pagsunod.Umihip ang malamig na hangin. Kahit na rinig mula rito ang musika sa party ko ay mas nangingibabaw pa rin ang tunog ng mga alon. Huminto muna ako at humarap sa dagat bago huminga nang malalim para langhapin ang preskong hangin.
“Fourth...” pagtawag ko sa kaniya nang hindi siya nililingon.
“Hmm?” aniya sabay tayo sa tabi ko.
“Gusto mo bang sumayaw?” pagyayaya ko at hinarap siya. Kung gulat siya kanina nang makita ako, mas lalong rumihestro sa mga mata niya ang gulat ngayon.
“Isayaw mo ako, Fourth” sambit ko at inilahad ang kamay.
.
BINABASA MO ANG
Through the Waves of Tomorrow
RomanceHindi maitatanggi ang pagkahumaling ni Ysabelle sa dagat. Sa bawat paghampas ng mga alon ay naaalala niya ang pumanaw na ina. Dito rin niya unang nakilala ang lalaking bumihag sa bata niya pang puso. Sa pagdaan ng mga taon, at sa muli nilang pagtata...