Kabanata 7

120 39 15
                                    

Hindi na ako nagpahatid sa kaniya pauwi. Tinawagan ko na lamang si Manong para sunduin ako. Ayoko kasing baka may masabi na naman si Dani tungkol sa kaniya o ang mas malala, kapag si papa na ang nagtanong kung bakit kami magkasama.
Payapa akong nagpahinga sa silid ko matapos ang hapunan. Hindi ko matanggal sa labi ko ang ngiti habang inaalala ang nangyari kanina hanggang sa makatulog ako.

Kinabukasan, sumama ako kina Manang sa simbahan. Namalengke na rin siya habang ako naman ay pumunta sa isang grocery store dahil may gusto akong bilhin. Gusto kong kumain ng chocolates.

“Ysa?”

Lumingon ako para tingnan kung sino ang tumawag sa ’kin. Hindi ako magaling sa pagtanda ng mga pangalan pero kung hindi ako nagkakamali, siya ‘yung kasama ni Fourth noong iniligtas niya ako mula sa pagkakalunod.

“Cavin?” nag a-alangan kong saad.

Ngumiti siya at marahang hinawakan ang ulo ko. “Naalala mo,” sambit niya bago binawi ang kamay. Sumulyap siya sa hawak-hawak kong mga tsokolate at mas lalo pang ngumiti.

“Your cravings for today?”

Nahihiya akong tumango.

“Nice. ‘Yan rin ang gusto kong bilhin dito.
Masarap ba ang brand na ‘yan?”

“Oo. Paborito ko ito, e. Kaso ito na ang huli. Kung gusto mo, sa ‘yo na lang ‘tong dalawa?” sabay bigay ko sa dalawa. Nakangiti niya naman ‘yung tinanggap.
Pansin kong palagi siyang nakangiti. Hindi katulad ni Fourth na himala lang kapag napangiti mo kahit konti.

“You’re so kind. May boyfriend ka na?”

Napakurap-kurap ako sa tanong niya.
“Uh—” bago ko pa man matapos ang sasabihin ko, may tumikhim sa likuran kaya agad akong napalingon.

“Hey, bro. Nahanap mo na ang kailangan mong bilhin?” tanong ni Cavin sa kaibigan. Tipid na tumango si Fourth bilang sagot at binalingan ako.

“I saw your car outside”

Mabilis akong napatingin sa labas. Kumakaway na si Manang. Nakalimutan kong sinabi ko nga palang hintayin nila ako.
Kagat-labi ko ulit silang binalingan.

“Uh, sa counter na ako. Babayaran ko lang ang mga ‘to,” paalam ko sa kanila.

“Sige, Ysa. Thanks for the chocolates by the way”

“Walang anuman,” sagot ko kay Cavin bago sila iniwan doon. Nang makabayad, lumabas na ako saka sumakay sa kotse namin. “Pasensiya na kung natagalan ako, Manang,” paghingi ko ng paumanhin.

“Ayos lang, iha. Nakita ko si Jacques. Nagkausap kayo?”

“Opo. Siya po ang nagsabi sa ’kin na naghihintay kayo rito”

“Mabait na bata. Sa susunod na Linggo na ang kaarawan mo ah? Ang sabi ng papa mo magpapa-party siya para sa ‘yo. Gusto mo ba iyon?”

Umiwas ako ng tingin at bumuntong hininga. “Gusto ko nga po sanang simple lang magiging birthday ko. Kaya lang alam kong hindi rin naman iyon papayagan ni papa” Ang gusto ni papa ang palaging nasusunod. Bawat kaarawan namin ay palaging bongga kahit ayaw namin. Hindi naman kasi iyon masaya dahil puro mayayaman lamang ang imbitado.

“Baka may lugar kang gustong pagdaosan ng birthday mo?”

Natigilan ako sa tanong ni Manang. Tama, baka mapapayag ko si papa na sa tabing-dagat idaos ang party na gusto niya. “Meron po,” nakangiti kong sagot. Hindi na ako makapaghintay na umuwi at sabihin kay papa ang gusto ko. Sana pumayag siya.

Nang makauwi, nakita kong may kausap pa siyang mga tao kaya hinintay ko muna silang matapos saka ko siya nilapitan.
“Pa,” tawag ko at tumabi sa kaniya.

“Hmm?” aniya habang nakatuon pa rin ang mga mata sa papel na binabasa.

Huminga ako nang malalim, “Puwede po bang idaos ang nalalapit kong kaarawan sa tabing dagat?” Natigilan siya sa pagbabasa.
Ngumuso ako nang tumingin siya sa ’kin.
“Sige na, please? Alam kong nakaplano na ang lahat pero puwede pa naman siguro iyong mabago nang konti hindi ba? Gusto ko talaga sa tabing dagat, papa. Pagbigyan mo na po ako. Debut ko naman, e.”

Bumuntong hininga siya at tumango.
“Sige. May gusto ka pa ba? Gusto mo bang imbitahan natin lahat ng mga kaklase mo at mga kakilala?”

Nanlaki ang mga mata ko sa tanong niya. Ibig ba nung sabihin, kahit sino? Kahit ‘yung mga taong hindi niya gusto?
“Lahat po ng mga kaklase ko at kakilala? Kahit na... Alam mo na?” paninigurado ko pa. Ayokong sumama ang loob ni papa pero gusto ko talagang imbitahan sina Josh, at ‘yung mga kakilala ko sa tabing dagat.

“Oo, kahit sino. Basta siguraduhin mo lang na hindi sila magdadala ng gulo sa party mo”

Napapalakpak ako sa tuwa at saglit na humalik sa pisngi niya. “Yes! Salamat po! Ililista ko ang mga pangalan nila. Salamat po ulit!” nagtatatalon pa ako habang papaakyat sa hagdanan papunta sa silid.
Magiging masaya ‘to. Inubos ko ang oras sa paglista ng mga pangalang gusto kong imbitahan. Tiyak akong matutuwa sila. Nang matapos, muli akong bumaba para ibigay iyon kay papa. Naabutan ko siyang kausap si Tita Dette at sinasabi ang gusto kong mangyari. Nakangiti akong binalingan ni Tita.

“Magandang plano iyon, Ysa. Akin na ang mga listahan para maipadala ko sa taga-gawa ng invitation card”

Mabilis ko iyong iniabot kay tita. Binasa niya muna iyon saglit sabay tayo niya.
“Tatawagan ko lang si Xian para masabi ang pagbabago ng plano. Ysa, mamayang hapon ay samahan mo kami para makapagpasukat ka na ng gown mo. Sabihan mo rin si Dani. Aalis tayo after lunch”

“Sige po!” tuwang-tuwa kong sagot at tumakbo paakyat sa silid ni Dani.
“Dani! Pumayag si papa na sa tabing dagat idaos ang 18th birthday ko!” masaya kong balita. Gulat siyang sumulyap sa ’kin.

“Talaga? Wow! Himala ‘yan ah?”

“Kaya nga, e. At may isa pa. Pumayag siyang imbitahan ko ang mga kaklase, kaibigan, at kakilala. Kahit ‘yung mga hindi natin kapantay!”

“Wow! Puwede ko rin bang imbitahan ang mga kaibigan at kakilala ko?”

Tumango ako. “Ilista mo lang at ibigay sa mommy mo” Sigurado naman akong ayos lang kay papa iyon.

“Talaga!? OMG! Sige, sige, maglilista ako. Gusto kong imbitahan sina Kallista, Ben, Pauline, Henry, Bea, at iba pa!” excited niyang sambit at napabalikwas sa kama para mapaupo sa study table niya. Kinuha niya ang ball pen na nasa tabi at nagsimulang maglista. Nakangiti ko siyang pinanuod habang ginagawa iyon.

Hindi na ako makapaghintay. Nailista ko nga rin pala sina Fourth at Cavin. Siyempre bilang pasasalamat sa pagligtas niya sa ’kin kahit na alam kong iimbitahan din naman siya ni papa.

.

Through the Waves of TomorrowTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon