Kabanata 28

99 18 17
                                    

“Welcome back po sa inyo, ma’am!” salubong sa amin ng sekretarya ni lola. Ngumiti ako at nagpatuloy sa paglalakad habang hawak-hawak sa magkabilang kamay ang mga anak ko.
Nagpaiwan si lola sa Hong Kong dahil may gagawin pa raw siya roon kaya kami na lamang ang umuwi.

Bago pa man ako nag-desisyon, kinausap ko muna ang dalawa lalo na si Carson. Pumayag naman siya kahit na nakikita ko sa mga mata niya ang kaba.

“Saan po tayo, ma’am?” tanong ng driver nang makapasok kami sa sasakyan.

Ibinaba ko ang suot na salamin.
“Sa bahay po, Manong”

Sa loob ng maraming taon, sinubukan naming kontakin si Dani subalit ni isa sa mga tawag, texts, at emails, ay hindi niya sinagot. Tapos malalaman kong kasama niya si Fourth sa pagpapakilos sa kaso? Akala ko ba galit siya sa kaniya? Napatunayan na bang walang kasalanan si Fourth?
Gusto kong malaman ang lahat.

“Jess, nalaman mo na ba kung nasaan si Dani ngayon?” tanong ko habang inaayos ang buhok ni Yvianne na nililipad na ng hangin dahil nakabukas ang kabilang bintana ng sasakyan. Iyon ang gusto niya kapag nasa byahe.

“Opo, ma’am. Nasa Quezon po, may kinita na kliyente”

Napag-alaman naming isang ganap na abogado na si Dani. Masaya ako para sa kaniya pero marami rin akong tanong.

“Ito po...” sabay bigay niya sa isang calling card. Tinanggap ko iyon at tiningnan.
“Nakuha ko sa isang kaibigan. Personal niya pong numero ‘yan”

Tumango ako at ngumiti.
“Maraming salamat, Jess”

“Walang anuman, ma’am. Ginagawa ko lamang po ang trabaho ko”

Nang makarating sa bahay, pinagpahinga ko muna ang mga bata sa living room kasama si Jess habang ako naman ay dumiretso sa kusina para magluto. May cook naman dito pero mas gusto kasi ng mga bata ang luto ko kahit noong nasa Canada pa kami.

Habang hinihintay ko na maluto ang nilutong adobo na paborito ng kambal, kinuha ko mula sa bag ang cellphone at ang calling card na ibinigay ni Jess kanina.

To : 092837*****

Dani, si Ysa ‘to. Kumusta? Puwede ba tayong mag-usap?

Nang makitang naipadala ko na ‘yun, inilapag ko ang cellphone para ihanda ang naluto nang ulam.

“Yvianne! Carson! Kakain na!” tawag ko sa mga bata matapos maihanda ang mesa.

“Oh, kakain na raw. Wash your hands first”

Ngitian ko si Jess. “Salamat”
Iginiya niya ang mga bata sa mesa matapos makapaghugas ng mga kamay.

“Kumain ka na rin, Jess. Marami ‘yang niluto ko”

“Salamat po, ma’am”

Muli kong dinampot ang cellphone nang makitang umilaw iyon.

From : 092837*****

Okay. Where and what time?

Nagsimula akong magtipa ng sagot at pinadala iyon bago tumabi sa kanila para kumain na rin.

“Jess, puwede bang ibilin ko muna sa ‘yo ang mga bata? May kailangan lang akong puntahan” sabi ko habang nagliligpit ng mga pinagkainan. Nasa kaniya-kaniya ng mga silid ang kambal na ipinahanda ko bago kami dumating.

“Oo naman po. Mababait naman ang mga anak niyo. Hindi mahirap alagaan”

“Salamat. Babalik agad ako”

Through the Waves of TomorrowTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon