Kabanata 5

140 42 16
                                    

Nagising ako dahil sa init na humahaplos sa balat ko. Napabalikwas ako ng bangon nang maalala na nakatulog ako sa kotse ni Fourth. Pero nang ilibot ko ang paningin ko sa paligid, wala na ako sa kotse kundi nasa kuwarto na. Kuwarto ko. Ang init na naramdaman ko ay dahil sa araw na sumisilip mula sa bintana. Hinatid ako ni Fourth panigurado iyon. Siguro binuhat ako ni papa patungo rito at si Tita naman ang nagbihis sa ’kin. O ‘di kaya’y si Dani. Tumayo na ako para iligpit ang higaan at mag-ayos. Sabado ngayon. Tutulungan ko ang mga katulong sa paglilinis. Kailangan ko rin asikasuhin ang hardin sa harap at likod ng bahay.

Matapos makaligo at makapagbihis, lumabas ako para puntahan si Dani. Yayayain ko siyang tumulong din ngayon kung wala siyang gagawin. Naabutan ko siyang nagbabasa ng libro habang nakahiga sa kama niya.

“Anong binabasa mo?” tanong ko at umupo sa tabi niya.

“Hindi mo maiintindihan,” aniya at ngumisi.
Napanguso ako dahil nabasa ko ang cover ng libro. Tungkol na naman sa batas.
“Batas nga ni papa hindi mo masunod, e” dagdag niya pa bilang pang-aasar. Mahina ko siyang hinampas ngunit tawa lamang ang iginanti niya.

“Wala ka bang ibang gagawin mamaya?”

Sumimangot siya at tinuro ang magulo niyang study table. Naintindihan ko naman agad. Marami pa siyang aaralin.

“Mahirap?” tanong ko. Tama si Tita sa sinabi niya. Hindi pa talaga ako nakakapili ng kukuning kurso. Naisip kong sumunod na lang sa yapak ni papa o ‘di kaya’y mag law na rin pero pakiramdam ko hindi ‘yun para sa ’kin.

“Sobra,” sagot niya at mas lalo pang sumimangot. “Mababaliw na ako!”

“Oh ayan, ginusto mo ‘yan, e” pang-aasar ko sabay tawa. Paminsan-minsan lang kaming nakakapag-usap nang ganito pero magkasundo naman kami sa ibang bagay. Si Dani ay anak ni Tita Dette sa una niyang asawa. Mas matanda sa ’kin pero ayaw niyang tawagin ko siyang ate kasi magka-edad lang naman daw kami kung sa mukha magbabase.

“Maiiwan na kita. Kita na lang tayo sa breakfast mamaya,” sabay tayo ko upang makaalis na.

“Uy! Wala ka bang iku-kuwento?”

Kunot-noo ko siyang binalingan.
“Tungkol saan?”

“Tungkol kagabi? Late na kayong umuwi nung Jacques ah? Saan kayo nagpunta? Ikaw ha...”

“Ha? Naglibot lang kami!” nahihiya kong sagot. Mas lalo naman siyang tumawa at binato pa ako ng hawak niyang libro. Buti agad kong nailagan.

“Sus! Masyado ba kayong nag enjoy sa paglilibot at late na kayo nakauwi? Buhat-buhat ka pa niya nang makita kita”

Nalaglag ang panga ko sa huli niyang sinabi. Buhat-buhat? Nino? Ni Fourth?
“Si Fourth ang nagbuhat sa ’kin!?” gulat kong bulalas.

Kumunot ang noo niya pero maya-maya ay mas lalo pang lumawak ang ngiti sa labi.
“Fourth? Call sign mo sa kaniya? Tangina, Ysa! Pakiusap, huwag muna. Ako muna please lang” natatawa niyang saad.

“Ano bang pinagsasabi mo riyan?”

“‘Diba Jacques ang pangalan niya? Saan mo napulot ang Fourth?”

Napakagat labi ako nang maalalang Jacques nga pala ang pagkakilala nila kay Fourth. Hindi ko alam kung papaano ko ipapaliwanag sa kaniya na narinig ko lang din ‘yun kina Mang Kanor.

“N-Narinig ko lang,” sambit ko at umiwas ng tingin. “Sige na. Lalabas na ako, marami pa akong gagawin” bago pa man siya makaangal, dali-dali akong tumakbo palabas.

Hindi pa rin ako makapaniwala. Siya ang nagbuhat sa ’kin patungo sa silid ko? Akala ko si papa.

Dumaan sa isipan ko ang narinig ko noon na reklamo mula kay papa habang nag-uusap sila ni tita. Sumasakit na raw ang likuran niya. Pinagalitan pa nga siya ni tita kasi hindi niya naman raw iniinom ang mga bitamina niya. Kaya niya siguro hinayaan si Fourth na buhatin ako kasi hindi na niya kaya.

Napahilamos ako sa mukha. Nakakahiya.
Baka masyado akong mabigat. Napatingin ako sa hagdanan na binabaan ko. Baka nahirapan siyang iakyat ako. Puro na lang talaga kahihiyan ang nagagawa ko.

Pilit kong iwinawala si Fourth sa isip at ginawa na ang nasa plano ngayong araw.
Una ko munang tinulungan sina Tita Dette at ang cook namin sa paghahanda ng makakain. Pagkatapos ng agahan ay naglinis na rin ako bago pumuntang hardin.
Nagbungkal ako nang kaunti at pinaulanan ng tubig ang mga tanim kong bulaklak at halaman.

Nang matapos, bumalik ako sa loob ng bahay para makapagpalit. Nadumihan kasi ang suot kong damit at nabasa rin. Hindi ko inasahang makita si Fourth doon, nakaupo kasama ni papa. May nakahandang tasa ng kape sa harapan niya at may nakalatag namang mga papel katabi nun. Nakuha ko ang atensiyon nila na naging dahilan kaya mas lalo akong nilamon ng hiya.

“Oh, tapos ka na?” tanong ni papa at sumimsim sa kape niya.

Sumulyap ako kay Fourth at tumingin kay papa. “Opo. Puwede po ba akong pumuntang tabing dagat mamaya? Pagkatapos kong gawin ang mga assignments ko”

Saglit na nag-isip si papa pero maya-maya ay tumango rin.
“Sige, mag-iingat ka”

Ngumiti ako at nagpaalam na para umakyat na sa taas. Sumulyap pa ko ng huling beses kay Fourth bago tuluyang pumasok sa silid.

Yes! Susubukan ko ulit mamingwit mamaya. Pero dapat mag-iingat na talaga ako. Baka mamaya mahulog na naman ako. Baka wala nang sumagip paniguradong lunod ang kahahantungan ko.

Ginawa ko muna ang mga takdang aralin bago nagbihis ulit para pumuntang tabing dagat. Bumaba ako at nakitang wala na roon sina papa at Fourth kaya dumiretso akong kusina para mag-impake ng mga pagkain na dadalhin. Balak kong magpalipas doon ng oras.

Nagpahatid ako kay Manong. Kinuha ko rin ang pamingwit kina Mang Kanor at umakyat ulit sa malalaking bato. Inilapag ko ang mga gamit ko at umupo. Damang-dama ko ang malamig na hangin at paminsan-minsan ay humahampas ang alon sa batong kinauupuan ko dahilan kaya mabasa ang suot kong damit.

Naalala ko ang paborito kong palabas. ‘Yung The Little Mermaid. Habang inaayos ang pamingwit, kinakanta ko ang kanta ni Ariel.

“I wanna be where the people are. I wanna see, wanna see ‘em dancin’. Walking around with what do you call ‘em? Oh, feet,” sabay galaw ko sa mga daliri ko sa paa.

“Up where they walk, up where they run. Up where they stay all day in the sun. Wanderin’ and free, wish I could be, part of that world,” sa huling nota ay isinabay ko ang pagtapon sa nakahandang pain sa dagat.

“Nice”

Gulat akong napalingon sa nagsalita. Si Fourth, nakatayo hindi kalayuan sa inuupuan ko habang nakausot ng itim na shorts at puting t-shirt.

“Little Mermaid, huh?” may pang-uuyam niyang sabi.

.

Through the Waves of TomorrowTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon