Kabanata 24

88 32 18
                                    

“Dani!” sigaw ko nang maabutan ko ang mga nagkukumpulang mga tao sa labas ng gate ng bahay namin. Nagkalat rin ang mga pulis at pinipigilan pa akong makapasok.

“Nasa loob ang kapatid ko, ano ba!” patakbo kong pinasok ang bahay namin. Nagulat ako dahil sobrang gulo ng mga gamit. Nagkalat rin ang mga dugo sa bawat parte ng bahay. Inakyat ko ang hagdanan at dumiretso sa silid niya.

“Dani!” muli kong tawag. Bumukas ang pintuan ng walk-in closet namin at sinugod niya ako ng yakap habang umiiyak.

“Wala na sila. Wala na sila, Ysa. Patay na sila. Wala na...” paulit-ulit niyang wika at mas lalo pang hinigpitan ang pagkakayakap sa ’kin.

“Nagbibiro ka lang ‘di ba? Nasaan si papa? Nasa trabaho ba? Si tita? May nilakad? Hindi ko sila nakita sa baba kaya—”

“Sabing wala na sila!” sabay tulak niya sa ’kin kaya napaupo ako sa sahig. Umupo siya sa kama at ginulo ang sariling buhok saka muling humagulhol.

“N-Nanalo si Papa sa eleksiyon. Gusto niya iyon ibalita sa ‘yo nang personal kaya tinawagan niya ako para pigilan akong ibalita ‘yon sa ‘yo. Papauwi na sila nang hinarangan sila ng mga armadong tao. Pinagbabaril ang sasakyan nila at wala ni kahit isa ang natirang buhay”

Nakaamang lamang ako habang nakatingin sa kaniya. Pilit kong iniintindi ang mga sinasabi niya ngunit hindi ko matanggap. Bakit ganito? Nakausap ko pa si papa noong isang gabi.

“A-Anong nangyari sa baba? Bakit magulo? Bakit may mga dugo?”

“P-Pinasok...” nanginginig niyang sambit. “Pinasok nila ang bahay. Alam nilang hindi ako kasama sa sasakyan. Mabilis akong nakatawag ng mga pulis pero pinatay na nila ang mga katulong natin. Natatakot ako kaya ayokong lumabas. Baka nasa labas pa sila! Baka hinihintay lang nilang umalis ang mga pulis! Umalis na tayo rito, Ysa. Tawagan natin ang lola mo. Humingi tayo ng tulong. Isama natin ang katawan nina papa at mama. Umalis na tayo, please...”

Wala sa tamang isip akong tumango-tango at inilabas ang cellphone mula sa bulsa. Nahulog pa iyon dahil sa panginginig ng mga kamay ko pero mabilis ko ‘yung dinampot para tawagan si lola.

Bumungad sa ’kin ang sunod-sunod na mensahe at missed calls galing kay Fourth. Muli kong binalingan si Dani para magtanong.

“Si Fourth...” panimula ko na ikinatigil niya. “Bakit ayaw mong pagkatiwalaan ko siya?”

Galit siyang tumayo at lumuhod para pantayan ako.
“He’s one of them! Narinig kong binanggit ng mga taong pumasok rito ang pangalan niya! Isa siyang traydor!”

“S-Sigurado ka ba?” hindi makapaniwala kong tanong. Si Fourth? Imposible ‘yon. Kasama ko siya nitong mga nagdaang Linggo. Isa pa, nasa Maynila siya. Imposible...

Mas lalong tumindi ang galit sa mga mata ni Dani.
“Sa tingin mo idadawit ko ang pangalan ng isang tao kung hindi ako sigurado sa narinig, Ysa? Tinawag nila siyang Fourth. Naaalala kong iyon ang tawag mo sa kaniya!”

“Pero bakit!? Bakit niya iyon gagawin!? Bakit!?” naguguluhan kong sambit sabay tulak sa kaniya.

Tinanggap namin siya nang buo. Tinanggap siya ni papa nang buong puso. Naging parte siya ng pamilya namin. Naging parte siya ng buhay ko. Sinabi niyang hindi niya ako sasaktan. Sinabi niya ‘yon! Kaya imposible. Imposibleng may kinalaman siya sa lahat ng ‘to!

“Hindi ko rin alam...” nanghihina niyang tugon. “Pero isipin mo. Bakit nga ba siya pumasok sa buhay natin? Imposibleng dahil lang iyon sa ipinatayo niyang mall!”

Tama siya. Imposible nga ‘yun. Pero hindi ko matanggap. Hangga’t hindi nanggagaling sa bibig niya ang katotohanan, hindi ko ‘yun matatanggap.

“Plano niya ‘to, Ysa. Ang pagpasok niya sa buhay natin, ang pagiging malapit niya sa ‘yo! Nasa plano niya lahat! Siguro kaya siya pumayag na isama ka dahil hindi ka niya kayang madamay sa mga plano niya!”

Nagpa-panic na pinindot ko ang tawag mula kay lola.
“La...” hindi ko mapigilan ang mapaiyak. Sobra-sobra na ang mga nalaman ko. Hindi ko na kaya.

“Ysa! Narinig ko ang nangyari. Ayos ka lang ba, apo?”

Umiling ako at tumingin kay Dani.
“Wala na po sila, lola. Tulongan mo po kami. Baka balikan nila kami rito”

“Mag-impake na kayo. May mga tao akong ipinadala riyan para kunin kayo”

Narinig iyon ni Dani kaya agad siyang tumayo at inilabas ang mga damit at iba pang gamit.

“P-Pero si papa at si Tita Dette...”

Ayokong iwan sila. Kahit na natatakot rin ako na baka balikan kami rito, ayokong maiwan sila.

“Tahan na, apo. Ako na ang bahala sa kanila. Ang importante ngayon ay ang makalayo muna kayo riyan”

Tumango-tango ako habang pinapakinggan ang plano niya sa pag-alis namin. Dumaan muna ang ilang oras bago dumating ang mga taong ipinadala ni lola. Dinampot nila ang mga dadalhin naming gamit at iginiya kami palabas. May mga tao at pulis pa rin ngunit wala ni isa ang pumigil sa ’min.

Sumakay kami sa isang sasakyan patungo sa tabing dagat kung saan naghihintay ang isang bangka. Sa hindi kalayuan ay nakita namin ang malaking barko na naghihintay. Ang kailangan lang naming gawin ay sumakay sa bangka patungo sa barko.
Naisip ni lola na delikado kung dadaan kami sa lupa dahil baka maulit lamang ang nangyari kina papa.

Agad na sumakay si Dani. Nilingon ko ang malalaking bato kung saan ko unang nakita si Fourth.

Bumalik sa alaala ko ang nakita kong larawan sa kuwarto ni Fourth at napatingin sa bahay nina Mang Kanor at Aling Matilda. May alam sila kay Fourth.

“Hindi po tayo kakasya. Mauna po muna kayo. May kailangan lang akong kausapin” paalam ko na agad nilang ikinaalma.

“Ano ba, Ysa! Sumakay ka na!” sigaw ni Dani.

“Ma’am, ang bilin po sa ’min ng lola niyo ay siguraduhin na makakaalis kayo agad” saad naman ng babae.

“Balikan niyo na lang ako. Importante lang talaga ‘to” muli kong paalam at nagsimulang tinahak ang daan patungo sa bahay nina Mang Kanor. Narinig ko pa ang mga sigaw ni Dani ngunit hindi ako nagpaapekto. Maya-maya pa ay may sumabay sa paglalakad ko.

“Samahan na namin kayo, ma’am”

Tumango ako at nagpatuloy sa paglalakad.

“Mang Kanor? Aling Matilda?” tawag ko sa kanila. Mabilis na nagbukas ang pinto at lumabas mula roon ang mag-asawa.

“Ysa!” tumakbo palapit sa ’kin si Aling Matilda saka ako niyakap.
“Mabuti at ayos ka lang! Gusto ka sana naming puntahan ngunit may pumigil sa ’min”

“Si Fourth po ba?” malamig kong tanong. Nagulat sila sa pagkakabanggit sa pangalan ni Fourth pero agad na lumungkot ang mga mukha.

Lumapit si Mang Kanor para aluin ang asawa. “Ysa, natitiyak naming walang kinalaman dito si Fourth. May galit siya sa pamilya niyo lalo na sa papa mo, oo, pero siguradong nawala na iyon dahil sa ‘yo”

“May galit?” hindi ko pinansin ang huli niyang linya. Mas pumukaw sa pansin ko ang salitang galit. Muling pumasok sa loob ng kanilang bahay ang si Aling Matilda at nang lumabas siyang muli ay may hawak na siyang picture frame. Ibinigay niya ‘yun sa ’kin na agad ko ring tinanggap para tingnan.

Kapareho nito ang litrato na nakita ko sa silid ni Fourth.
“Siya si Fernando. Papa ni Fourth. Malapit kong kaibigan,” panimula ni Mang Kanor na nagpagulat sa ’kin.

“Hindi tunay na Villamor si Fourth, Ysa. Inampon lamang siya ng mga Villamor. Si Fernando ang tunay niyang ama, at ang papa mo ang naging dahilan kaya siya namatay.”

Through the Waves of TomorrowTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon