Chapter 2

3K 67 0
                                        

Napaigtad ako ng marinig ko ang pagkalabog sa kwarto ni Papa Melchor. Marahil ay lasing na naman ito. Rinig ko kasi ang ingay ng mga nabasag na bote. Kung hindi ako nagkakamali ay kanina pa ito umiinom at ngayon nga ay lasing na ito. Sanay na ako sa ganitong mga ginagawa niya lalo na sa tuwing problemado siya.

Ang tanging pagkakataong nakikita ko siyang ngumingiti ay sa tuwing may pera siya. Pera lang naman ang nagpapasaya sa kanya. Nagtataka ako kung bakit lately ay naging mas lalong mainitin ang ulo niya. Hindi ko alam kung anong nangyayari sa kanya dahil hindi naman ako makapagtanong. Kapag ginawa ko iyon ay baka sampalin lang niya ulit ako o dili kaya'y pagbuhatan na naman niya ako ng kamay.Kaya naman kahit pa nag-aalala ako sa kanya ay mas pinili ko na lang na balewalain iyon dahil alam ko namang hindi niya ako kailangan.

Kasalukuyan akong andito ngayon sa maids quarter ng bahay namin o niya pala. Hindi nga pala ako ni minsan itinuring na anak ng may-ari rito dahil hindi naman ako pinakilala ni Papa Melchor sa mga taong nagagawi rito sa bahay lalo na sa mga kagaya nitong businessman.

Sa tuwing may okasyon kasi sa bahay ay ikinukulong niya ako sa basement o kung minsan naman ay nasa kusina lang ako tumutulong kay Yaya Poring. Ayaw kasi ni Papa na may makakita sa akin. Hindi ko alam kung katakot-takot ba ang itsura ko o sadyang ikinakahiya lang niya ako sa mga tao. Masakit man isipin pero mas mabuti na rin ang ganito.

Ayaw ko rin namang maging tampulan si Papa ng mga tanong na alam kong ayaw niyang sagutin lalong-lalo na ang tungkol sa Mama ko na kahit picture ay wala akong makita dito sa bahay. Ang sabi ni Yaya Poring,magandang babae daw ang Mama ko at kamukhang-kamukha ko raw. Ayaw ko sanang maniwala pero dahil sa napakatagal na ni Yaya na nagtatrabaho rito ay alam kong madami siyang alam tungkol sa pamilya ko.

Ang hindi ko malilimutang sinabi niya ay pinangako daw ni Mama na babalikan niya ako. At hanggang ngayon ay iyon pa rin ang pinanghahawakan ko. Alam ko sa puso ko na babalik si Mama at kukunin niya ako rito.

Hinawakan ko ang necklace na may locket sa leegan ko. Ito raw ang pabilin ng Mama ko sa akin at sabi ni Yaya wag ko raw itong iwawala dahil ito raw ang palatandaan ng Mama ko kapag kukunin na niya ako. Umaasa akong babalik siya para tuluyan na akong makawala sa impyernong ito kasama ang ama ko.

"Andrea!"

Dumagundong ang nakakatakot na boses ni Papa Melchor sa buong kabahayan kaya naman ay mabilis akong napatayo sa kama ko at lumabas na rin ng kwarto. Kapag ganito ay alam ko na ang mangyayari. Nakita ko si Yaya Poring na humahangos na lumapit sa akin pero nginitian ko lang siya ng mapait. Kahit hindi ko man sabihin ay alam kong alam na niya ang mangayayari.

"Ana...." naiiyak niyang tawag sa akin at saka nilapitan niya ako at niyakap.

"Okay lang po,Yaya. Huwag po kayong mag-alala..." sabi ko na lang sa kanya.

"Andrea! Ano ba! Bilisan mo diyan! Gusto mo ba talagang mas grabe pa sa latigo ang matikman mo sa akin!" muling rinig kong bulyaw ni Papa mula sa may paanan ng hagdan.

Kaya naman pala rinig na rinig namin ni Yaya ang boses niya dahil sa nakababa na pala siya ng hagdan. Nakita ko ang mapupula niyang mga mata at ang mukha niya ay puno na naman ng galit. Nang dumako ang tingin ko sa kamay niya ay nakita kong may hawak na siyang sinturon. Biglang kumabog ang puso ko dahil alam ko kung para saan iyon.

"Ana..." sambit muli ni yaya sa pangalan ko. Nilingon ko ulit siya saka hinawakan siya sa magkabilang balikat.

"Yaya,sige na po,pumasok na kayo sa kwarto at saka ilagay niyo na lang po ulit yung headphone sa tenga niyo." matatag kong sabi sa kanya.

Ito lagi ang pinapagawa ko kay Yaya sa tuwing pinaparusahan ako ni Papa. Ayaw ko marinig niya ang mga impit kong ungol dahil sa sakit sa tuwing sasaktan ako ni Papa.

"Pero,Ana..hindi pa magaling ang mga sugat mo sa iyong likuran.." puno ng pag-aalala nitong wika sa akin.

Oo. Hindi pa nga magaling ang mga sugat ko na nakuha ko noong isang araw lang. Nabasag ko yung mahal na vase ni Papa ng hindi sinasadya kaya naman ay nilatigo niya ako. Buti pa ang vase ay mahalaga sa kanya pero ako na anak niya ay parang balewala lang sa kanya.

Noon pa man ay gusto na akong isama ni Yaya Poring na umalis ng bahay pero ako mismo ang ayaw. Dito ako iniwan ng Mama ko kaya naman dito ko siya hihintayin para balikan ako. Magtitiis ako hanggang sa balikan ako ni Mama.

Kaya kong tiisin lahat ng pagpapahirap ni Papa para manatili lang ako rito at magkita kami ni Mama. Wala naman kaming tutuluyan ni Yaya kapag lalayas kami rito. Wala akong kakilala at wala akong kaibigan na pwedeng magpatuloy sa amin at isa pa maraming bantay sa labas ng bahay kaya mahihirapan kami ni Yaya na tumakas. Ayoko ring pati si Yaya ay mapagbuntunan ng galit ni Papa.

"Sige na,iwan niyo na po ako rito."sabi ko pa. Malungkot lamang niya akong tinignan saka tumalikod na siya sa akin.

Nang nakapasok na si Yaya sa kwarto namin ay humarap naman ako sa gawi ni Papa at unti-unting naglakad palapit sa kanya.

Pakiramdam ko ay nagliliyab na ako sa klase ng titig niya sa akin. Para bang gusto niya akong patayin sa mga matatalim niyang tingin. I couldn't see love for me in his eyes. Sa halip ay muhi ang lagi kong nakikita sa tuwing tinitignan niya ako. Ni hindi niya gustong tawagin ko siyang Papa dahil wala raw siyang anak na hayop. Wala na yatang mas sasakit pa doon di ba? Pero gaya nga ng sabi ko,sanay na ako. Pagod na akong magalit at mamuhi sa kanya dahil lampas pa roon ang nararamdaman ko.

Pagkalapit ko pa lang sa kanya ay hinigit niya ng marahas ang braso ko kaya naman ay napangiwi ako sa sakit.

"Ikaw na babae ka! Bakit ba ang tagal mong lumapit? May pa-drama-drama pa kayo ng matandang iyon! Halika nga rito at ng maparusahan kita! " kinuyog niya ako papunta sa basement. Dahil sa tindi ng hawak niya sa akin ay bigla akong nanghina at mabilis na tumulo ang luha ko.

Binuksan niya ang pinto ng basement at marahas akong isinalampak sa sahig. Napaigik ako ng tumama ang tuhod ko sa semento. Alam kong nagkasugat ako doon dahil nakaramdam agad ako ng sakit.

"Ikaw! Ikaw talaga ang malas sa buhay ko! Simula ng isinilang ka nagkandaletse-letse na ang buhay ko!" palatak niya sa akin na sinundan niya ng pag-hataw ng sinturon.

Tumama iyon sa braso ko at agad na mas humapdi ang pakiramdam ko. Hindi pa siya nakuntento at patuloy lang siya sa paghataw hanggang sa sunod-sunod na iyon na tumama sa lahat ng parte ng katawan ko.

Gaya ng dati ay pakiramdam ko'y mawawalan na ako ng ulirat. Magkahalong hapdi at sakit ang dumadaloy ngayon sa katawan ko. Hapong-hapo na ako na hindi ko alam kung humihinga pa ba ako.

Ni hindi ko magawang magsalita dahil sa sabog ang labi ko at nalalasahan ko na ang dugo sa aking bibig.

"Hindi lang yan ang aabutin mo kapag bukas ay hindi ako makautang ng kapital sa business firm ng mga Mondragon. Kaya magsimula ka ng manalangin diyan sa diyos mo!" angil pa nito bago tuluyang nilisan ang basement.

Naiwan naman akong hinang-hina na napahiga sa malamig na semento sa basement.Ang init at ginaw ng pakiramdam ko. Wala akong lakas para tumayo at wala akong maapuhap na salita dahil napakatuyo ng lalamunan ko.

Mama.

Tanging nasabi ko bago ako tuluyang nawalan ng ulirat.


In Your Loving ArmsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon