Ilang buwan na ba ang nakalipas simula nung araw na nakilala ko siya. Sa buong buhay ko ay ngayon lang ako nakatagpo ng lalaking sa postura pa lang ay alam mong may kaya, sa aura pa lang ay alam mong mapapasunod ka niya sa lahat ng gusto niya. Sino ba ang makakapagsabing ang isang tulad ko na simple lang ay mapapasok sa mundong ginagalawan ng mga makapangyarihang taong gugulo sa buhay ko? Ano ba ang meron sa kanya at napasunod niya ako?
Tandang-tanda ko pa. Nagpunta ako sa presinto para i-deliver ang order ng mga suki kong mga pulis. Ang buhay dito sa Norte ay simple lang. Hindi naghihirap ang mga tao dahil ang lahat ay may kanya-kanyang maliliit na pinagkakakitaan. Walang mayaman. Walang mahirap. Nag-iisa na lang ako sa buhay at nakakaya ko naman ito. Ang pagbebenta ng suman ang ikinabubuhay ko, nakakaraos ako dahil ang sarili ko lang naman ang iintindihin ko. Hindi na ako naghahangad ng mas pa sa buhay na meron ako ngayon dahil kuntento na ako.
Nung gabing iyon, nagbago ang lahat.
"Chief, ito na yung suman na pinagawa mo. May extra minatamis pa 'yan!"
Pagkapasok ng pagkapasok ko sa presinto ay napansin ko agad ang isang lalaking nangingibabaw sa kakisigan. Nakatayo ito. Kapansin-pansin kasi sino ba namang lalaki ang magsusuot ng suit sa baryong ito. Nakatingin ito sa lalaking nakaupo at hindi rin naman nagpapahuli ngunit ang pinagkaiba lang ay ang lalaking ito sa unang tingin ay parang mahahabag ka. Mga bagong salta. Mga poging salta. Ipinilig ko ang ulo ko nang marinig ko si chief.
"Uy saktong sakto! Teka, tawagin ko lang yung mga kasama ko. Magkano na ba lahat 'yan, Cali?"
Sasagot pa lang sana ako nang bigla na lang may humablot sa'kin at niyakap ako ng sobrang higpit.
"Sir! Sir! Ay ano ba yan?! Bigla bigla na lang pa lang may mangyayakap na pogi dito? Hello po! Kamusta naman po kayo?" Hindi ko na nga rin alam kung anong pinagsasasabi ko. Ngayon lang may yumakap sa'kin ng ganito. "Ang higpit naman po ng yakap niyo. Bibili po ba kayong suman?"
Hindi ako binitawan ng lalaki. Hinigpitan niya pa lalo ang yakap sakin at paulit-ulit na sinasabin, "Caly, caly, caly..." Sino yun? Kapangalan ko pa. Imposibleng ako ang tinutukoy ng lalaking ito dahil ngayon ko lang siya nakita sa buong buhay ko! Nanlaki ang mga mata ko.
Mas lalong nanlaki ang mata ko nung nakita kong papalapit naman sa akin yung lalaking naka-suit! Ano ba ang meron sa araw na to jusko! "Miss, pasensya ka na."
Ang lalim. Sobrang lalim ng boses ng lalaking 'to. Tumayo ang balahibo ko. "Apollo." Apollo pala ang pangalan nito. Hindi ako makagalaw. Hindi na nga rin ata ako makahinga. Pinilit kong tanggalin ang pagkakayakap ni Apollo sakin at nagpumiglas ito.
"No! Baby, no! Please, don't. Don't push me away. Don't!" Nakakalungkot. Maging ako na hindi lubos na kilala si Apollo ay nasasaktan. Punong-puno ng hinanakit ang boses nito at tila nagmamakaawa. May kung anong humaplos sa puso ko nang marinig ang boses niya. Anong nangyari sayo? Kung anong lakas ng presensya ng lalaking nakitingin lang sa amin ay gayun naman kahina kay Apollo.
Pinilit nilang tanggalin ang pagkakakapit ni Apollo sa akin ngunit nagpupumiglas pa rin ito. Hanggang sa may mga lumapit na mga lalaking nakauniporme ng puti at tinurukan ito ng kung ano na naging dahilan kung bakit ito nanghina. Hanggang sa panghihina ay banggit banggit pa rin nito ang pangalan ng babaeng kanina ko pa naririnig. Pero hindi ako ang babaeng iyon Apollo. Hindi ako.