• still better than nothing •
Alas-singko.
Alas-singko na ng hapon.
Kung hindi man ako nasa bayan para maglako malapit sa simbahan ay baka nasa munisipyo ako. Bitbit ang mga paninda, nilalakad ko ang mga lugar na 'yun. At sa paguwi ko, matanaw ko pa lang ang bahay kubo ay alam kong tinatanaw na ko ni Apollo, hinihintay ang pagbabalik ko.
At sa araw araw na ginawa ng Diyos, ang sasalubong sakin ay malambing at ang mapagaruga niyang boses. Tatakbo siya kahit na ilang metro pa ang layo ko at kukunin ang mga dala ko. Hawak-hawak ang isang bimpo ay susubukan niyang punasan ang pawis ko, pero pinipigilan ko.
Hindi niya kasi kailangan gawin iyon. Makikita ko ang sakit sa mga mata niya pero babalewalain ko. Mauuna akong maglakad pero hahabulin niya ang mga yapak ko. Magtatanong siya ng kung anu-ano tungkol sa araw ko pero sasagutin ko lang siya ng hindi o oo. Iku-kwento niya ang ginawa niya habang wala ako kahit di niya sigurado kung nakikinig ako.
Kapag malapit na kami sa pintuan ay uunahan niya ako. Ibababa niya ang mga dala at bubuksan ang ilaw sa sala. Haharap siya sakin at sasalubungin ulit ng ngiti. Ililibot niya ang mga mata niya sa akin at bubuntong hininga. Nang unang beses na ginawa niya sa akin iyon ay nagulat ako. Bigla niya akong niyakap at sinabihang mahal kita, 'di ako sumagot dahil alam ko. Alam kong hindi ako ang kaharap niya. Pinilit ko ang sarili kong magalit kahit naaawa ako. Kumalas siya sa yakap at nagpaumanhin, 'di na daw niya uulitin.
Mula noon, nagtitiis na lang siya sa tingin.
Tatakbo siya sa kusina at kukuha ng baso. Pagkatapos ay pupunta sa kwarto para kumuha ng unan, ilalagay niya iyon sa upuan at pauupuin ako. Tapos sasabihin niya na maghintay ako at maghahain lang siya ng ulam. Alam daw kasi niyang nagugutom na ako. Kukulitin niya ako at sesermonan, ba't daw ba kasi ayaw ko siyang pagbigyan na magtrabaho at tumulong. Hindi ako sasagot dahil alam na niya ang sagot ko. Magsasalita siya ng magsasalita, pilit na binubuhay ang paguusap pero lagi ko 'tong pinapatay.
Kakain kami na walang umiimik.
Uunahan niya akong maghugas ng pinggan. Sasabihin niyang siya na lang. Magdidiskusyon kami. Magaaway. Pero laging ako ang natatalo. Para sakin kasi, kahit dito man lang, siya ang manalo.
Magtatapos ang gabi. Bago ako pumasok sa aking silid. Titingin pa lang ako sa kanya'y nakatingin na siya sakin. Magpapakiramdaman kami. Sa isip ko'y mga katanungang gusto ko ng malaman ang sagot. Sa isip niya'y ako.
Ngingiti siya dahil alam niya. Alam niyang ayaw ko. Alam niyang hindi pwede. Pero hindi niya alam na hindi ang iniisip niyang ako ay ako.
Sa bawat gabi, sa pagwakas ang araw at bago magsimula ang panibago, na maglalandas ang paningin ko sa mga mata niya ay ang mga oras na lagi kong binibilang at mga tanong na hanggang kailan. Hanggang kailan ako magiging ganito. Hanggang kailan tayo magiging ganito.
Bago ako humakbang ay magsasabi siya ng mahal kita.
Isasarado ko ang pintuan kahit nakikita ko pa siya. Nakikita ko pa siyang hinihintay ako. Nakikita niyang tinatapos ko na. Tinatapos ko na naman ang araw na 'to na may panibagong sakit sa puso niya. At alam kong padami sila ng padami, palalim ng palalim.