"Apollo, diba sinabi ko na sayo na bawal kang mapagod?" Baka magalit sakin si Chaos. Isipin pa niyang inaalipin kita dito. "Akin na nga 'yan. Napakatigas talaga ng ulo mo."
Kinuha ko ang mga bitbit niyang mga timba sa magkabilang braso niya. Hindi naman ako nahirapan dahil sanay na ko sa mga ganitong gawaing bahay. Lumaki ako nang nagiisa kaya wala lang sakin ang mga ito. Pero itong alaga ko ay napakatigas ng ulo. Hangga't kaya niya talagang pumuslit at unahan ako sa mga gawain ay ginagawa niya.
Alas-sais talaga ako dapat nagigising para makapag-igib at nahimbing lang ako sa tulog dahil nagpunta akong bayan kagabi.
Si Chaos kasi...
Sa biglang pagpasok niya sa isip ko ay parang may kung anong humaplos sa puso ko. Hindi na talaga ito tama pero hindi ko naman mapigilan. Alam kong hinding-hindi niya ako magugustuhan. Mahirap lang ako at ang isang katulad niya ay hindi nababagay sa tulad ko. Pero hindi naman masama, hindi ba? Hindi naman masamang umasang magugustuhan niya rin ako.
Hindi naman masamang umasa...
"I just really want to help you, love. Please, let me." Love.
Tumindig ang balahibo ko. Narinig ko ang mga yapak ni Apollo na nakasunod sa akin papunta sa kusina. Ipinilig ko ang ulo ko bago ko pa mabigyan ng pansin ang sinabi niya. Hindi ko na lang siya sinagot at inabala ang sarili ko sa paglilipat ng tubig sa lagayan.
Narinig ko siyang bumuntong hininga sa likod ko. Ramdam na ramdam ko ang lapit niya dahil kinilabutan ako sa init ng presensya niya.
Kapag naririnig kong tinatawag niya akong mahal ay nalulungkot ako. Parang gusto kong umiyak dahil nasasaktan ako. Nasasaktan at nagagalit ako sa sarili ko. Ilang beses ko na bang gustong magtapat sa kanya. Ilang beses ko na bang gustong sabihing hindi dapat ako ang kasama niya. Na hindi dapat ako ang tinatawag niyang mahal, na hindi dapat ako ang alagaan niya. Nagsisinungaling ako sa taong walang ginawa sa akin. Naaawa ako sa estado ng pagmamahalang meron si Apollo at Caly dahil saksi ako sa mga humahadlang para maging masaya sila. At kahit saan mo man tignan ay isa ako sa mga ito.
Kung hindi lang dahil kay Chaos ay matagal ko nang ipinagtapat kay Apollo ang lahat.
Dahil naisip kong wala namang magbabago kung sabihin ko kay Apollo ang totoo. Hindi ba't mas mabuti kung gan'on? Hindi ko na kinakailangang magpanggap. Hindi ko na kinakailangang magsinungaling na ako ang babaeng mahal niya. Maaaring tama ang dahilan ng pagpapanggap namin na ito ni Chaos pero hindi ba't hindi lang naman ito ang pwedeng gawin? Pwede ko siyang kupkupin dito nang hindi nagpapanggap na ako si Caly. Hindi na masasaktan si Apollo pag umiiwas ako sa kanya. Nahihirapan na din ako kapag naglalambing siyang ganito dahil ayokong makita ang hinanakit sa mga mata niya. Pero bakit nga ba?
Bakit nga ba hindi ko pa rin kayang sabihin sa kanya ang totoo?
"Please," Nanigas ako nang maramdaman ko ang marahan niyang paghawak sa bewang ko. Parang natatakot siyang iwasan ko ito katulad ng ginagawa ko pag nararamdaman kong nangungulila siya sa kanya. "Please, let me take care of you. I want to take care of you."