His Past Time Girl by LittleRedYasha
Chapter Six
May maliit na terrace ang condo ni Jeric. Hindi ko alam kung ano ang saktong floor pero nang puntahan ko 'yon sobrang taas na nakakalula tumingin sa baba. Gayunpaman maganda pa rin tingnan ang paligid. Lalo na siguro kapag gabi at sobrang liwanag ng paligid.
Mas maganda siguro puntahan ang nasa ibaba. Marami kasing tao. Pero wala naman akong kilala sa kanila at hindi dapat ako magtiwala sa kahit na kanino. Bilin pa naman ni Jeric na wag akong lalabas mag-isa dahil hindi ligtas.
Bumalik ako sa loob. Maganda nga ang terrace kaso may kulang naman. Dapat lagyan ng mga naka-pasong halaman. At saan naman kaya ako kukuha nun? Baka kailangan ko pang bilhin yun. Pero wala naman akong pera. Hay. Ah, alam ko na. Kapag sumweldo ako bibili ako ng mga halaman.
Sa ngayon, ano ba ang magandang gawin? Kahit sa probinsiya hindi talaga ako mahilig maggagala. Mas gusto ko lang na nasa bahay at magbasa, manood ng tv at maglibang sa ganung paraan. Kaya lang iba dito sa lungsod, ang tataas ng mga gusali, mas maraming sasakyan kaya tiyak na hindi nawawalan ng libangan ang mga tao. Sana isang araw malibot ko din 'to.
Nilabhan ko ang mga damit ni Jeric nang matapos ko nang maglinis. Bakit ganun, hindi man lang nangangamoy kahit hinubad na niya? Bakit ang sarap pa ring amuyin? Teka, bakit ba pinagdidiskitahan ko pa? Eh kung labhan ko na lang kaya para may maisuot pa siya sa mga susunod na araw?
Tss. Oo na. Aaminin ko na. May nararamdaman akong paghanga sa kanya. Pero paghanga lang naman. Walang big deal dun. Hindi niya kailangang malaman. Bakit nga ba hindi ko siya hahangaan eh siya ang tagapagligtas ko?
Mabuti na lang at may isang kagaya niya na hindi nagdalawang-isip na tulungan ako mula sa gustong manamantala sa akin.
Nang dumating na ang hapon, nakatanggap ako ng tawag mula kay Jeric.
"Sandy, 'wag ka munang magluto ng dinner mamaya, ha?"
"Ha? Bakit naman? Hindi ka ba uuwi?" takang tanong ko.
"Uuwi. Same time. Basta 'wag ka na lang magluto ng dinner okay? Hintayin mo 'ko mamaya."
"Okay. Sabi mo,eh."
"Good. I have to go now. Bye, Sandy!"
"Bye,"
Bakit kaya? 'Wag niyang sabihing siya ang magluluto? Ano pa man ang dahilan, hindi dapat ako magluluto ng dinner at hihintayin ko dapat siya.
***
Nang dumating na siya, nagmamadali siyang hubarin ang office suite niya.
"Magpalit ka ng damit, Sandy. May pupuntahan tayo,"
"Ha? Saan naman? Tsaka ano'ng klaseng damit?"
"Kahit ano basta komportable ka. Lalabas tayo ngayong gabi. Yon ang dahilan kung bakit hindi kita pinagluto ng dinner. Sa labas tayo kakain,"
Naguguluhan pa din ako. Kami? Lalabas?
"Jeric kasi.. ."
"Sige na, Sandy. Magbihis ka na and that's an order."
Sumunod naman ako. Kumuha ako ng t-shirt at jeans. Wala naman akong pormal na damit at isa pa komportable ako sa ganoon. Si Jeric naman ay nagshower at nagpalit ng casual lang din na damit. As usual, ang gwapo ng dating niya. Nahiya tuloy akong tumabi sa kanya dahil lalo lang akong nagmumukhang yagit.
"Saan ba kasi tayo pupunta? Tsaka di ba gabi na? Hindi ba delikado?" tanong ko pa ng makalabas na kami ng condo niya.
"Mamasyal lang tayo. At okay lang yun kasi kasama mo naman ako."
Hinila niya ako papasok sa elevator at hindi niya inalis ang pagkakaakbay sa akin habang nasa loob kami.
So mamasyal kami? Mukhang masaya nga yun. Lalo pa at siya ang kasama ko. Kaya naman sumusunod lang ako kung saan niya 'ko hilahin.
Sumakay kami ng kotse niya. Hindi ko alam kung pa'no maglagay ng seatbelt. Nung una kasi hindi naman ako nagsuot nu'n nung unang sakay ko dito sa kotse niya.
"Wait, ganito lang 'yan,eh,"sabi niya nang mahulaan ang iniisip ko.
Inabot niya ang seatbelt at lumapit sa akin. Hindi maiwasan na bumilis ang tibok ng puso ko nang mga sandaling iyon. Ewan ko ba kung bakit may ganoon. Abnormal yata ako,eh.
"Okay na," tapos tiningnan niya 'ko sa mata. Sobrang lapit naman ng mukha niya!
"S-salamat,"
"No problem,"ngumiti lang siya at ini-start na yung engine.
***
"Sa'n ba talaga tayo pupunta?"tanong ko na naman nang nasa biyahe na kami.
"Basta nga. Don't worry malapit na din naman tayo,eh."
Ilang sandali pa nga ay nagpark ang kotse sa napakalapad na parking lot. Asan ba kami?
"We're here!"kinalag na niya ang seatbelt niya at mabilis na bumaba.
Ako naman ay kinalag ko din ang seatbelt ko at saktong binuksan niya ang pintuan ng kotse sa side ko.
"Let's go," sabi niya at inabot ang kamay niya.
Inabot ko naman ang kamay niya at ilang sandali pa ay hinanap na namin ang entrance ng kung ano man yung pinuntahan namin.
Nakaka-bother lang kung bakit kailangan pa niyang hawakan ang kamay ko pero ilang sandali pa ay nalaman ko ang dahilan kung bakit.
Nasa isang mall pala kami at nakakalula ang laki! Napamaang agad ako. Pasensiya na, probinsyana lang.
"'Wag kang lalayo sa 'kin para hindi ka mawala, understand?"
Tumango lang ako. Takot ko lang na lumayo kay Jeric, ano. Sa sobrang dami ba naman ng tao kahit gabi na.
"Tara na,"hinila niya ako papunta sa escalator para umakyat sa susunod na palapag.
Ang daming tindahan ng kung anu-anong paninda. May mga boutique, toy stores, jewelry shops, mga kainan, meron din nga ng mga produktong pampaganda. Pero ano ba talaga ang gustong gawin ni Jeric dito kasama ako?
"Jeric, ano ba talaga ang gagawin natin dito?"
"Ibibili kita ng mga kailangan mo,"
"Ha? Naibili mo na 'ko, ah?"
"Tingin ko kulang pa 'yon."
"Sobra-sobra na nga,eh!"
"Sandy, 'wag ka nang kumontra,okay? Sumunod ka na lang sa 'kin,"
Hinila niya ako papunta sa isang botique.
"Good evening, ma'am, sir! What can I do for you?"salubong ng sales girl yata doon.
"She needs dresses for formal occasions and shoes to match. Pwede mo ba siyang i-assist?"
"Sure, Sir! No problem!"
"Sandy, go, pumili ka na ng mga damit na gusto mo,"sabi niya sa akin.
"Pero Jeric, bakit pa eh wala naman akong paggagamitan ng mga 'yon?"
"Sandy, isang pero pa at sisisantehin na talaga kita,"
Natigilan naman ako sa banta niya.
"Halika na po, Ma'am. Ako na po ang bahala sa inyo," nakangiting sabi pa ng babae.
Atubili akong sumunod at si Jeric naman ay naupo sa sofa doon at nagbasa ng mga magazine.
BINABASA MO ANG
His Past Time Girl (Published)
RomantizmSynopsis: Sandy was young, innocent, and so full of dreams. Kahit hindi kabisado ang mabangis na lungsod ay nakipagsapalaran siya para tulungan ang kanyang pamilya. Pero hindi niya inakalang isang bangungot ang kalalabasan ng lahat. Mabuti na lamang...