My Only One
by vanunulat
Hi, MOO! Kumusta ka na? Masaya ka ba ngayon? Hindi ka ba nalulungkot? Sana nasa maayos kang kalagayan kasi kahit hindi na tayo magkasama, hindi na tayo nagkikita, ikaw pa rin ang para sa akin. Lumipas man ang mga araw. Matuyo man ang mga dahon sa puno. Mawala man ang lahat kong ngipin. Maging pilak man ang kulay ng mga hibla ng aking buhok at kumulubot man ang aking balat, you will always be... My only one.Natatandaan ko pa rin 'yong sandali na tayo'y unang nagkita. Mag-isa ako noon sa taas ng bubong ng bahay. Madilim sa taas ng bubong pero nandoon naman 'yung buwan at makikinang na mga bituin para paliwanagin ang tambayan kong 'yun.
Palagi akong nasa taas ng bubong kapag nalulungkot ako, 'pag umiiyak ako o 'pag nasasaktan ako. Ang bubungan lang kasi ang payapang lugar para labasan ng nararamdaman ko. Once na nahiga na ako sa bubong, sisimulan ko na rin ang pag-connect ng mga stars sa langit para makabuo ng iba't-ibang hugis.
Isang gabi noon, napagalitan ako ng Itay dahil nasunog 'yung sinaing ko. Nakakuha ako ng masasakit na sumbat galing sa Itay. Napuno ang puso ko ng sakit at tila puputok na ito sa dami. Tumakbo ako palabas ng bahay at 'yun ang unang beses na tinalikuran ko si Itay habang patuloy pa rin ito sa panunumbat sa 'kin.
Tinungo ko ang daan papunta sa bubungan. Dahan-dahan akong humakbang sa bubungan para hindi ako makagawa ng kahit konting ingay. Doon ako umiyak at kinausap ang Diyos kung ba't ganoon si Itay. Doon din kita nakita, MOO.
Humahagulgol ako no'n sa iyak kaya marahil na-ingayan ka sa 'kin. Sinungitan mo 'ko. Grabe. Daig mo pa ang babae sa sobrang kasungitan mo. Sa halip na tumigil ako sa kaiiyak, mas lumala pa 'yung pag-iyak ko. Dumagdag ka pa kasi sa sakit at bigat ng nararamdaman ko. Ang sakit mo kasi magsalita.
Pero hindi ko alam kung ba't ako natigilan sa pag-iyak nang yakapin mo ako. Napakalma mo ako gamit ang mga salitang talaga namang magpapalubag sa bigat ng aking nararamdaman. Tila isa akong sanggol at ikaw ang aking babysitter na sisiw mong paaluhin. May powers ka ba sa pagpapatahan?
Mahinahon mo akong kinausap. Iyong kaninang sobrang sungit na lalaki ay bigla na lamang napalitan ng isang maamo at mala-anghel na mukha. Tinanong mo ako kung ba't umiiyak ako ng oras na 'yun. Sinagot naman kita. Ikuwenento ko sa 'yo lahat. Kahit hindi pa naman tayo lubusang magkakilala, feeling ko mapagkakatiwalaan ka naman kaya madali kong naibahagi ang drama ko sa buhay.
Vice versa 'yung nangyari. Binahagi ko ang kwento ng buhay ko at gayon din ikaw. Mula noon, naging malapit tayo sa isa't-isa. Naging best of bestfriends nga tayo eh.
Halos gabi-gabi tayong magkasama sa bubong. Palagi tayong nakatingin sa kalangitan habang bumubuo ng bagay sa pag-connect ng mga bituin. Hobby natin ang mag-stargazing sa gabi. Sa araw, hindi tayo nagkikita kasi pareho tayong pumapasok sa eskwela. Hindi tayo schoolmates. Eh, pa'no, sa private school ka nag-aaral samantalang ako ay sa public. Langit ka kasi at lupa lang ako. Ngunit hindi naging sagabal sa friendship natin ang estado natin sa buhay.
Alam mo, hindi ko na nga namalayan na magda-dalawang taon na tayong magkaibigan. Naging matatag pa ang friendship natin. Palagi tayong masaya kapag kasama ang isa't-isa. At dahil sa masayang company natin, may dumating na hindi ko inaasahan.
Nagkaproblema ako. Hindi ko 'yun masabi-sabi sa 'yo. Alam kong bawal sa atin ang mag-sikreto pero ano ang gagawin ko? Natatakot ako na masira ang samahan natin kapag nalaman mo ito. Naging salbahe kasi ang puso ko. Dapat bestfriend lang tayo forever kaso lumalim ang pagtingin ko sa iyo. Mahal kita bilang bestfriend pero sumobra ang pagmamahal ko sa 'yo bilang bestfriend eh. Ayokong magtapat sa 'yo na mahal kita higit pa sa pagiging bestfriend. Labis akong natatakot sa maaaring kalalabasan. Ayokong mawala ka.