False Hope

66 6 0
                                    

False Hope
by vanunulat

Lumabas ka ng bahay ninyo para pumasok ng school. Naglakad ka papuntang waiting shed para doon mag-abang ng masasakyan. Pagdating mo roon ay umiral agad ang kalandian mo nang may isang lalaki kang naabutan dito na umaapaw ang kagwapuhan.

Kimi kang naupo ilang pulgada ang layo mula rito. Nakasuot ito ng simpleng puting T-shirt at jogging pants na mukhang kagagaling lang sa pag-jogging. Ang bango pa rin nito kahit pawisan. Dahil may lahi kang tsismosa, tiningnan mo ang pinagkakaabalahan nito sa cellphone at nakita mong naglalaro ito ng Mobile Legend.

Habang nasa cellphone ang focus nito, para-paraan ka. Kinuha mo ang cellphone mula sa bag at palihim mo siyang kinunan ng litrato. Napangiti ka pa nang makunan mo ito nang maayos.

Saan kaya siya nakatira? Ngayon ko lang siya nakita pero sigurado akong dito lang siya nakatira sa village. Baka sila yung bagong lipat sa tapat ng bahay namin. My God! Ang swerte ko kung tama ang hula ko.’

Ganyan ang laman ng isip mo imbes na yung quiz ninyo mamaya. Sige lang. Landi pa more, bagsak later.

“Good morning!”

Nagulat ka nang bigla itong tumingin sa ‘yo at bumati. Huli na para umiwas ka ng tingin. Nakangiti naman ito kaya mukhang hindi naman nainis sa ginawa mong pagtitig kanina.

“Good morning din,” nahihiyang tugon mo. “Bagong lipat?”

“Oo, noong isang araw,” anito. “Nice to meet you. I’m Josh by the way.”

Napakagat ka ng labi nang ilahad nito ang kamay for a handshake. Pilit mong pinigilan ang pagpuslit ng ngiti sa ‘yong mga labi.

“Shiela,” sagot mo bago tanggapin ang kamay nito.

“I have to go. See you around,” anito bago naglakad paalis.

Pinagmasdan mo lang siya hanggang sa mawala na siya sa paningin mo. Kinikilig mong inamoy ang kamay mo. Halos mapatili ka sa kalandian este sa sobrang kilig.

-

Excited ka nang sumapit ang uwian. Agad kang umuwi ng bahay para maglakad-lakad sa buong village kasi balak mong hanapin kung saan nakatira yung Josh. Kung hindi mo man malaman ang bahay nila, aabangan mo na lang siya tuwing umaga sa waiting shed kung saan kayo nagkita.

Pagdating mo ng bahay, may babaeng kausap ang Mama mo. Magkaedad lang sila kung titingnan. Pareho silang napatingin sa ‘yo.

“Ayan si Shiela, ang pangalawang anak namin," sabi ng Mama mo sa ginang na kausap nito. “Shiela, magmano ka sa tita mo.”

Kahit hindi mo ito kilala, sinunod mo na lang ang sinabi ng Mama mo. Nagmano ka sa ginang. Nakangiti ito habang nakatingin sa ‘yo.

“Ang laki mo na, ah? Three years old ka pa lang nang huli kitang makita,” sabi nito. “May boyfriend ka na?”

Napakamot ka sa ulo sa tanong ng tita mo dahil wala ka naman jowa. Pero kinilig ka sa naisip mo bigla. Iniisip mo na wala kang boyfriend pero mukhang malapit ka nang magkaroon dahil na-meet mo na siya kanina.

“Naku, tita! Sa panget niya, walang gustong maging boyfriend niya.”

Narinig mo ang boses ng sira ulo mong Kuya na si Victor. Napalingon ka sa kanya para kontrahin ang sinabi niya pero natigilan ka nang makita ang kasama niyang lalaki. Si Josh.

“Oh!” gulat nitong sambit habang nakaturo sa ‘yo. “Ikaw yung nakilala ko kanina sa waiting shed, ‘di ba? Nice to see you again.”

Napangiti ka dahil naisip mong mukhang nakatadhana talaga kayong dalawa. Binabalak mo pa lang siyang hanapin pero nahanap ka na niya agad. Napatingin ka sa Kuya mo nang magsalita ito.

“So, nagkita pala kayo kanina? Malamang hindi kayo nagkakilala. Ang bata niyo pa kasi noon kaya siguradong limot niyo na ang isa’t isa.”

“Ha?” nagugulahan mong tanong.

“Shiela, si Josh, pinsan natin na madalas mong kalaro noong bata ka pa. Umalis sila ni tita at tumira sa Amerika kaya hindi na kayo nagkasamang lumaki.”

Biglang tumigil ang mundo mo sa sinabi ng Kuya mo. Ang akala mong magkakaroon ka na ng boyfriend ay naging false hope.

One-Shot StoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon