Nang dahil sa wattpad

77 8 2
                                    

Nang dahil sa wattpad
by vanunulat

Parang baliw akong naglalakad pauwi ng bahay. Malapit lang ang school sa bahay kaya nilalakad ko na lang pauwi kapag trip kong maglakad. Bukod sa nakakatipid ako sa pamasahe, multi-tasking pa dahil nakakapagbasa ako ng wattpad habang naglalakad.

Hindi ko napigilang mapahalakhak nang may mabasa akong nakakatawa sa istoryang pinagkakaabalahan ko ngayong basahin. Pinagtitinginan tuloy ako ng mga nakakasalubong ko. Iniisip siguro nila na may saltik ako. Bahala sila. Wala akong pakialam.

Napahinto ako sa paglalakad at pinakiramdaman ang paligid. Parang may sumusunod sa akin. Para malaman kung tama ang kutob ko, lumingon ako sa likuran. Nanlaki ang mga mata ko nang makita kung sino ito pero agad din akong nakabawi sa pagkagulat.

"Huli ka!" sigaw ko. "Huwag kang magkakaila! Sinusundan mo ako 'no? Ini-stalk mo ako para malaman mo kung saan ako nakatira? Bakit? May gusto ka sa akin?"

"Teka la-" Agad kong pinutol ang balak niyang pagsasalita.

"At dahil gusto mo ako, palihim mo akong sinusundan at hinahatid nang hindi ko nalalaman. Wala ka pang lakas ng loob magtapat sa akin ng nararamdaman mo sa akin kaya tinatago mo muna ito. Pero kapag nagkaroon ka na ng lakas ng loob, magtatapat ka na sa akin. At dahil crush naman kita, agad kitang sasagutin nang walang ligawan. Magiging tayo. Pakikiligin mo ako sa paghawak mo ng kamay ko, pagyakap at paghalik sa akin. Ipaparamdam mo sa akin na ako lang ang pinakamagandang babaeng mamahalin mo. Tapos-"

"Shh!" bulalas niya saka inilagay sa gitna ng labi ko ang hintuturo niya para patigilin ako. "Baliw ka ba?"

"Hindi. Sinasabi ko lang ang mangyayari."

"Walang gano'ng mangyayari. Sinundan lang kita para ibalik itong nahulog mong ID." Kinuha niya ang kamay ko at inilagay sa palad ko ang ID ko.

I got speechless. Parang tumiklop ang bibig ko sa kahihiyan. Tiningnan niya ako at bumaba ang tingin niya sa hawak kong cellphone.

"Kaya naman pala," sambit nito saka napailing. "Kaka-wattpad mo 'yan," dagdag pa nito bago ako nilayasan.

One-Shot StoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon