A Daughter's Story

164 10 0
                                    

A Daughter’s Story
by vanunulat

Napabangon si Janine sa pagkakahiga sa kama nang marinig niya ang mga katok ng ina niya na kasing lakas din ng sigaw nito. Agad niyang itinali ang kanyang buhok at halos madapa pa siya sa pagtakbo papuntang pinto para buksan ito.

"M-Ma.." Sambit niya pagbukas niya ng pinto. Namilog ang mga mata niya nang sapakin siya nito bigla.

"Bwisit ka! Ako pa talaga ang unang nagising kaysa sa 'yo! Ang sarap din ng buhay mo, ah. Punyeta! Nasaan na ang agahan?!" Bulyaw nito.

"Pasensiya na po, Ma. Sige po, maghahanda agad ako." Sabi niya.

"Bilisan mo, ah. Ayoko sa lahat ang pinaghihintay ako lalo na sa pagkain. Dapat pagbalik ko may makakain na ako." Saad nito bago talikuran siya. Sumeryoso siya nang humarap uli ito.

"Janine, umayos ka." Wika nito bago tuluyang umalis.

Napabuntong hininga na lamang siya at nagsimulang maghanda ng agahan. Hindi na bago sa kanya ang ibang pakikitungo ng kanyang ina sa kanya. Sanay na siya rito. Mula no'ng bata pa lang siya, ganito na 'to sa kanya. Hindi niya rin naman ito masisisi. Mula nang magkaisip siya, itinatak na nito sa isipan niya ang dahilan kung bakit malayo ang loob nito sa kanya.

Bunga siya ng isang pananamantala. Hinalay ang kanyang ina at siya ang naging bunga ng pang-aabusong ito. Masakit din naman sa kanya na bunga siya ng gano'ng pagkakamali pero kahit saang bandang tingnan, wala siyang kasalanan.

Nadagdagan pa ang dahilan para siya'y kamuhian ng sarili niyang ina nang iwan ito ng asawa't anak nito. Sinisisi siya nito na siya ang dahilan kung bakit nawala ang mga ito. Isa raw siyang malaking kamalasan sa buhay nito. Lahat na lang daw ng idinudulot niya ay puro kamalasan. Ngunit iniwan talaga siya ng mga ito dahil sa kanyang masamang bisyo na paninigarilyo at panunugal.

Kahit anong masasakit na salita ang binabato nito sa kanya, hinahayaan niya lang ito. Nagbibingi-bingihan na lamang siya kahit 'yong totoo ay halos mawasak na ang puso niya sa sakit. Nagtitiis na lang din siya sa malamig nitong pakikitungo sa kanya. Kahit minsan gusto niya ring sumbatan ito sa mga ginagawa sa kanya, hindi niya magawa. Ayaw niyang saktan ito. Ayaw niyang batuhin din ito ng mga masasakit na salita tulad ng ginagawa nito sa kanya. Kahit papa'no, iniisip niya na lang na maswerte pa rin siya dahil binuhay siya nito.

Ilang beses nang may nagsabi sa kanyang iwanan niya na ito kung gano'n lang din naman ang ginagawa nito sa kanya pero hindi niya kayang gawin 'yon. Mananatili siyang nasa tabi ng kanyang ina hanggat hindi nito sinasabing maglaho na siya sa paningin nito.

-

Nakangiti siya habang pinagmamasdan ang perang inipon niya kapag nagsu-sweldo siya sa kanyang trabaho. Matagal na siyang nag-iipon para sa kaarawan ng kanyang ina. Pinaghandaan niya ito para naman kahit isang beses ay makita niyang napasaya niya ito.

Maaga siyang nagising para agad na magluto ng agahan. Tulog pa ang kanyang ina nang silipin niya ito sa kwarto nito. Hindi mawala ang ngiti niya dahil sa kanyang iniisip na plano para sa gagawin niyang surpresa rito mamaya.

"Ma, magandang umaga po." Bati niya sa kanyang ina nang lumabas ito sa kwarto.

"Maghain ka na ng makakain ko." Ang tanging sagot na nakuha niya rito bago naupo sa harap ng mesa.

Mabilis siyang kumilos kaya agad niya itong nabigyan ng pagkain. Sumabay na rin siya rito. Minsan ayaw nitong nakakasabay siyang kumain kaya akala niya ay aangal ito pero hindi naman ito umimik.

Kinakati na ang kanyang bibig na batiin ito ng happy birthday pero hindi pa ngayon ang oras para gawin niya 'yon. Nanatili na lang siyang tahimik habang kumakain.

One-Shot StoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon