On the Wedding Day
by vanunulat"Cindy, mahal kita. At mamahalin kita habang-buhay. Pangako," sabi ng boyfriend mong si Jayson.
Napansin mong may hinugot siya sa kanyang bulsa at mula sa bulsang iyon ay lumabas ang isang maliit na pulang kahon. Kumawala bigla ang luha sa 'yong mga mata nang makita mo ang isang singsing pagbukas niya ng kahon.
Lumuhod siya sa harapan mo habang ikaw naman ay patuloy sa pagluha. Hindi mo mapigilan ang sayang nararamdaman at sa pagluha mo ito inilabas.
"Will you marry me?"
Dahil sa mga katagang iyon, mas lalo ka pang napaluha. Napuno ng kaligayahan ang puso mo dahil tinutupad ngayon ni Jayson ang pangarap mo na makasama siya habang-buhay.
"Oo, Jayson. I will marry you."
Masaya ka nang matapos ang araw na iyon at makalipas ang isang taon...
Nakatayo ka sa harapan ng simbahan at hindi mo alam kung anong dapat na maramdaman. Kinakabahan. Nagdadalawang-isip. Humugot ka ng malalim na hininga bago maglakad papasok sa loob.
Agad na nahagip ng mga mata mo si Jayson na nakatayo sa unahan at bakas ang saya at pagkasabik sa mukha. Ngumiti ka nang magsalubong ang mga mata ninyo. Ngumiti rin siya at kumaway pa sa 'yo.
Nakatulala ka lang habang pinagmamasdan ang nakangiting bride na naglalakad sa aisle. Hindi mo napigilan ang pagbagsak ng iyong mga luha. You were supposed to be the bride of this wedding but you turned out to be a guest.
Pero hindi ka dapat magsisi o manghinayang. Pinakawalan mo siya dahil hindi mo na siya pwedeng makasama habang-buhay. God knows how much you love him but you have to let him go. Hindi mo siya kayang itali sa 'yo kung iiwan mo lang din sa huli. Sa natitirang oras mo sa mundo, gusto mong makita siyang masaya kahit hindi ka na parte noon. Dapat maging masaya ka para kay Jayson. Hindi ka dapat malungkot dahil iiwan mo siyang masaya kasama ang babaeng pwede niyang makasama habang-buhay.