Kabanata Lima

5K 76 10
                                    

Kaawa-awa na ngayon itong stressball ni Prof. C. ito na lang ang napagbuntunan ko ng kung anu-ano, ng stress, ng inis, ng panghihinayang. Nagpatuloy na lamang ako sa paglalakad. Tinanaw ko mula sa garden na ngayon ay kinatatayuan ko ang pintuan ng library.

Hindi ko alam kung bakit pero parang hinihila ako ng mga paa ko patungo sa library. Hindi maaari! Ayokong pumunta roon ngayon dahil nandoon siya. Hindi ko na rin alam kung ano ba talaga ang gusto kong gawin. Gusto ko ba siyang kausapin o hindi?

Masakit man ang paglalayo ng aming landas noon. Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin alam kung ano ang dahilan ng pag-iwas niya sa akin. Pero magkagayunman, para sa akin siya pa rin iyong kaibigan ko. Siya pa rin yung pinagkakatiwalaan ko. Siya pa rin!

Nagpakawala ako ng malalim na buntong hininga saka ako muling naglakad. Kung saan ako pupunta? Hindi ko rin alam.

Siguro nga, naduduwag na naman ako ngayon. Hindi ko na naman kaya na kausapin siya. Bakit ba inaatake pa ako ngayon ng karuwagan? Konti na nga lang ang nalalabi kong oras pero dinadaga pa rin ang dibdib ko. Minsan, hindi ko na rin maintindihan ang sarili ko.

Sabi niya sa akin noon, I should have faith. I should just believe. May mga bagay na mangyayari sa tamang oras. Ang kailangan ko na lamang gawin ay hintayin ang takdang panahon.

Takdang panahon?

Darating pa ba ang takdang panahon ngayong paubos na ang oras ko? Makakasalubong ko ba ang takdang panahon sa loob ng isang taon?

Ang cliché-cliché naman! Lahat na lang ba kailangang i-asa sa takdang panahon?

Kailan ba darating ang takdang panahon para muli kaming magharap ni Gab? Ng partner ko? Ng twin-flame ko?

Gab Mikhail Evangelio— iyon ang pangalan niya. Parang anghel lang. At oo, gaya ng nasabi ko kanina, siya ang partner ko, ang twin-flame ko, ang itinuring kong kakampi ko sa lahat ng bagay. Mistulang kambal na raw kami ayon sa iba dahil sa napakarami naming pagkakapareho. Hindi rin kami mapaghiwalay noon.

Ano nga ba ang nangyari? Bakit nga ba kami humantong sa ganito?  Pilit kong inalis sa isipan ko ang mga tanong na iyon. Sinubukan ko rin na pakalmahin ang sarili ko. Nararamdaman ko na naman ang paninikip ng dibdib ko. Hindi maganda ito.

Uuwi na lang ako, hindi na rin ako aattend ng afternoon classes ko. Eh ano naman kung mag-cut ako ng klase? As if naman makakagraduate pa ako.

Heto ako ngayon, nasa biyahe pauwi. Yung stress ball, pisil pisil ko pa rin. Pinipigilan ko ang nagbabadyang luha na gustong kumawala sa mga mata ko. Hindi ako iiyak. Hindi ako maaaring umiyak. Tama na iyong mga nailuha ko noong malaman ko ang kahihinatnan ko. Isa pa, nasa jeep ako ngayon. Nakakahiya naman kung dito pa ako iiyak, mapagkamalan pa akong baliw.

Pumikit ako ng mariin. Wrong move! Dahil sa pagpikit ko ay nakita ko na naman ang mukha niya. Ang mukhang iniharap niya sa akin noong huling beses na nag-usap kami. Kahit napakatagal na ang lumipas ay kabisado ko pa rin ang mukhang iyon. Ang malalim at singkit na abong mata nito na para bang tumatagos hanggang kaluluwa ko kapag natititigan ko.

'Gab, pwede bang ibalik natin ang dati? Iyong ikaw at ako ay friends forever?'

Friends forever? Niloloko ko ba ang sarili ko? Isang taon na nga lang ang ilalagi ko, nasaan ang salitang forever doon?

Huminto ang sasakyan. Narinig ko ang mga yabag ng mga paang palabas at papasok ng jeep. Iminulat ko ang mga mata ko. Lumingon ako sa may bintana. Nakita ko ang isang istraktura na umagaw ng atensyon ko.

Tumayo na ako at nakisabay sa pagbaba ng mga tao. Unti-unti akong hinila ng mga paa ko papasok ng tarangkahan ng simbahan. Ang tahimik. Ito ang kailangan ko ngayon, isang tahimik na lugar para makapag-isip ng maayos.

Umupo ako sa pinakalikod na row at muling ipinikit ang mga mata ko. Katulad kanina ay nakita ko na naman ang imahe niya. Parang pinipiga ang dibdib ko sa sakit. Pero sa hindi ko malamang dahilan ay hindi bumagsak ang mga luhang kanina ay gustong tumakas. Hindi ko alam kung bakit kahit sobrang sakit ay hindi ko magawang umiyak. Namanhid na ba ang mga mata ko.

Napamulat ako noong marinig ko ang pagdagsa ng patak ng ulan sa bubong ng simbahan.

Ang langit na ba ang umiiyak para sa akin?


 

Just Believe- PUBLISHED under LIB-Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon