Chapter 1

209 13 10
                                    

Nabulahaw si Rome sa tunog ng kanyang cellphone na halos kalapit lang ng kanyang ulo. Mumukat-mukat pa niyang kinapa iyon upang tumigil na ito sa sunod-sunod na paglikha ng ingay dulot ng alarm.

Lunes na naman at kailangan niyang bumangon ng maaga upang dumalo sa flag ceremony ng school. Malamig ang tubig sa bayang kanyang tinitirhan kaya't nang nasa banyo na si Rome ay matagal siyang tulala at nakatitig sa timbang unti-unti nang napupuno ng tubig mula sa gripo. Nagdasal pa si Rome na sana ay huwag siyang ma-stroke oras na ibuhos na niya ang mala-yelo sa lamig na tubig sa kanyang katawan.

Pagkatapos maligo at magdamit, kinaltis ni Rome ang stove at isinalang doon ang kaldero na may lamang kaning-lamig, ang kanyang isinaing pa kagabi. Prinito na rin niya ang nalalabing itlog na kinuha niya sa pridyider at saka nag-agahan matapos ihanda ang mga almusal.

Solo lang si Rome sa apartment na inuupahan dahil ayaw ng mga magulang ni Rome na may mga 'bad influence' na kasama ang kanilang anak. Baka sa halip na mag-aral ay puro lakwatsa at inom lamang ang matutunan nito. Kaya naman, kahit medyo mahal ay napagdesisyunan ng mga magulang niya na sa isang affordable pero maayos na apartment na lang siya tumira. Ang tita niyang nasa US ang nagpapadala ng allowance niya at ang mga magulang naman niya ang nagbabayad ng upa sa bahay.

Maagap nakarating si Rome sa eskwelahan gaya ng araw-araw niyang ginagawa. Ayaw nya kasi nang nahuhuling pumasok. Naka-puting polo si Rome, naka-slacks na pantalon at nakasapatos na balat. Kalahati na ng unang semester noon. First year college siya sa pinapasukan niyang unibersidad at sa awa ng Diyos ay hindi pa naman bumabagsak.

Siya si Rome Hernandez, 17 taong gulang at isang Psychology student sa isang unibersidad sa Quezon. Payat o yatz ang tawag ng karamihan sa mga lokong kaibigan niya.

"Good morning, Sir!" bati niya sa isang gurong nakasalubong niya umagang-umaga.

Sa paglalakad ni Rome matapos ang flag raising ay nakasalubong niya ang isa pang senior faculty na naging guro pa niya sa High school. Nagsawa na siguro ito pagtuturo sa mga makukulit na bata kaya't sa kolehiyo na nagturo. Lumapit si Rome sa kanya at nagmano. Nakaugalian na rin nito na magmano sa mga nakatatanda sa kanya lalo pa at ito ay naging malaki ang bahagi sa kanyang paglaki.

"God bless you, hijo. Ikaw ay sumama muna sa akin at tayo ay magkakape muna sa canteen." Alok ng matandang guro.

"Salamat na lang po, Ma'am. May klase pa po kasi ako," sagot ni Rome.

"Ah, eh sige, hijo. Sa susunod ay isama mo rito ang sweetheart mo at kayo ay ililibre ko," pabirong wika ng guro.

Napatawa na lamang si Rome dahil wala pa naman siyang sweetheart. Besides, napakabata pa niya para magkaroon ng katipan. Hindi rin niya alam kung magkakaroon ba talaga. Marami siyang nagugustuhan sa school pero wala namang may gusto sa kanya.

Nagpaalam na ang matanda at tinungo na ni Rome ang room 206 ng kanilang building upang maghanda sa unang klase.

Habang naglalakad si Rome sa corridor, may nakasalubong siyang babaeng naka-uniporme. Maputi ito, matangos ang ilong, makinis ang balat at fierce ang mga mata. Medyo may kaliitan nga lang siya kumpara sa mga magagandang babaeng nakikita niya sa campus.

Nakatawag siya ng pansin kay Rome dahil tila ba pamilyar ang kanyang itsura. Parang matagal na silang magkakilala at noon lang muli nagkita. Pakiramdam ni Rome na parte na ng kanyang sarili ang kasalubong na dalaga.

Dulot ng habol-tingin ni Rome, natisod siya sa isang maliit na basurahang nasa gilid lamang ng kanyang dinaraanan. Nagulat na lamang ang mga estudyanteng nakakita at karamihan sa mga ito ay humalakhak ng malakas nang masaksihan ang katangahan ng binata.

Sa muling paglingon niya ay wala na ang babae. Maaaring lumiko na ito kung saan o dahil na rin sa dami ng estudyante sa daan kaya't nawala siya sa paningin ni Rome.

Limang minuto din ang lumipas bago siya makapunta sa klase dahil inayos muna niya ang kanyang sarili mula sa pagkakatisod sa basurahan. Muntik pang mahuli si Rome sa klase dahil sa nangyari.

Sinumulan kaagad ng guro nila ang klase sa Sikolohiya at pagkatapos, pumunta muna si Rome sa library dahil may ipinapahanap sa kanila ang kanilang Professor na sa libro lamang matatagpuan at wala sa internet.

Habang nakaupo, abala ang buong paligid. May tahimik na nagbabasa, may mga guro at empleyadong nagtsi-tsismisan, may kumakain at merong nag-ffb kahit nasa loob ng library. Samantalang si Rome, tulala at pilit na inaalala kung saan nga ba niya nakita ang babae noon. Alam ni Rome sa sarili niya na nakita o nakasama na niya ang dalaga pero hindi niya maalala kung kelan, saan at paano. Nanatili sa isip ni Rome ang itsura ng babae hanggang sa umupo siya upang magbasa-basa ng kaunti.

Nakauniporme ang misteryosong babae kaya't alam niya na doon rin ito pumapasok. Ang pilit ipinagtataka ni Rome ay kung bakit bigla siyang may naalalang kung ano oras na makita niya ang mukha ng babae.

"Sino ka?" bulong niya sa kanyang sarili.

The Dream Hunter (SELF-PUBLISHED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon