Chapter 12

49 3 0
                                    

"Ano 'yan?" tanong ni Veronica nang ipatong ni Rome ang dala niyang lumang pocket watch sa mesa kung saan nagtatype ng kung ano si Veronica sa computer.

"Dream Talisman ko."

Tumigil si Veronica sa kanyang ginagawa upang inspeksyunin ang ipinatong ng binata sa mesa. Kukunin na sana ni Veronica ang orasan pero hinablot ito kaagad ni Rome bago pa ito makuha ng dalaga. Napangiti naman si Veronica sa reaksyon ni Rome.

"Good, natututo kana," sambit ng babae, "paano mo naman iyan gagamitin?"

Nag-alangan pa si Rome kung sasasabihin ba niya kay Veronica kung paano niya gagamiting reality checker ang pocket watch na dala niya.

"Okay lang kung ayaw mong sabihin," sambit ni Veronica.

Napilitan si Rome na sabihin kung paano niya gagamitin ang pocket watch niyang dala dahil tiwala naman siya kay Veronica na hindi siya nito imamanipula sa loob ng panaginip.

"Tingnan mo," sabay pakita ni Rome sa relo, "hindi gumagana ang pocket watch na ito. I'm going to condition my mind na kapag nananaginip ako, gagana ito bigla."

"Paano ka nakasisiguro na hindi iyan gagana sa waking life?" tanong ni Veronica.

"Tinanggal ko ang marami sa mga parte nito sa loob kaya't kahit anong gawin natin dito ngayon ay hindi talaga ito gagana," paliwanag ni Rome.

"I see," ani Veronica, "well, mula ngayon, maaari mo nang hindi inumin ang gamot na ibinagay ko sa'yo."

Alam ni Rome na muli nang mati-trigger ang kanyang Lucidity sa pagtigil niya sa pag-inom ng gamot na bigay sa kanya. Nagkaroon siya ng konting pangamba nang maalala niya ang kalbong sumakal sa kanya noong minsang managinip sya gayon din ang aninong humahabol sa kanya. Hindi lingid sa kanyang kaalaman na maaari na naman niyang ma-encounter ang mga ganoong uri ng nilalang.

"Kung ayaw mong lamunin ka ng bangungot mo, huwag kang magpapahalata na alam mong nananaginip ka."

Nabigla si Rome sa sinabi ni Veronica.

"Kung mapapansin mo, mas kokonti ang namamatay dahil sa bangungot. Sila ang mga taong depressed at may mabibigat na pinagdaraanan. May kinikimkim na galit sa kanilang puso at dala-dala nila ito sa kanilang pagtulog. Ang iba pang biktima ng bangungot ay ang mga Lucid Dreamer. Inaakala ng marami na kayang talunin ng isang Lucid Dreamer ang kanyang bangungot. Nagkakamali sila," seryosong paliwanag ni Veronica.

Nadagdagan ang bilis ng kabog sa dibdib ni Rome. Alam niya kung ano ang maaaring mangyari kapag nasanay siya sa pagiging Lucid niya sa panaginip.

"Anong dapat kong gawin?" tanong ng lalaki.

"Sa amin ka matulog mamayang gabi."

Tila biglang sumambulat ang dugo mula sa ilong ni Rome sa sinabi ni Veronica. Seryoso ba ito sa kanyang sinabi? Anong gustong mangyari ni Veronica? Bakit kailangang sa kanila pa matulog? Magkatabi kaya silang dalawa sa higaan? Kung anu-ano ang pumasok sa utak ni Rome. Hindi niya ito naitago at kita ang pamumula ng kanyang mukha.

"May extra akong kwarto sa bahay na pwede mong tulugan. Kailangan malapit ako sa'yo para pag biglang nagkaproblema, mabilis kitang magigising," seryosong wika ng babae kahit napansin ni niya ang pamumula ng mukha ni Rome.

"Naiintindihan mo ba?"

"Uhm," biglang nanumbalik sa katinuan si Rome, "Uh, oo, saan ang bahay ninyo?"

Ibinigay ni Veronica ang address ng bahay niya. Mahigpit ang bilin ni Veronica na dalhin ni Rome ang kanyang dream talisman.

Bumalik na ang dalawa sa klase. Hindi pa rin mabura sa isip ni Rome ang pwedeng mangyari mamayang gabi. Hindi siya makapag-concentrate sa klase kakaisip kay Veronica.

"Ugh! Ano bang iniisip mo, Rome?" wika niya sa kanyang sarili.

Sinikap ni Rome na manatili sa focus sa kanyang mga klase pero maghapon na puro mukha ni Veronica ang nasa isip niya. Nang matapos ang lahat ng kanyang klase, umuwi na siya kaagad sa bahay para magpalit ng damit at ihanda ang kanyang susuotin kinabukasan. Hindi na siya naghanda ng uniporme dahil Biyernes naman at okay lang na mag-sleepover siya sa ibang bahay. Madilim na nang matapos ang paghahanda ni Rome ng kanyang dadalhin kina Veronica. Ibinulsa na rin niya ang kanyang pocket watch at saka lumabas ng apartment.

Mag-aalas-siyete na nang makarating si Rome sa tapat ng isang bahay na may maliit na bakuran. Hindi kalakihan ang bahay pero maganda ang disenyo nito at may ikalawang palapag pa. Napaisip si Rome na maaaring mayaman ang pamilya ni Veronica dahil may sariling bahay sila.

Nang lumapit niya sa gate ay may papel na nakasingit sa tarangkahan nito. Kinuha ito ni Rome a binasa ang nakasulat:

"Pumasok ka na. Pakisara na lang ng gate pagpasok mo. ---V."

Pumasok nga si Rome matapos basahin ang note. Isinara nga niya ang gate gaya ng bilin sa kanya. Nang lumapit si Rome sa pintuanng bahay, kumatok siya.

"Tuloy," wika ni Veronica na noon ay nasa kusina.

Pumasok nga si Rome sa bahay at nalanghap niya ang nilulutong adobo ni Veronica. Sinabi ni Veronica na maupo muna sa sofa si Rome habang hindi pa siya tapos sa paghahanda ng hapunan.

"Pasensya kana ha, pinalambot ko pa kasi itong karne," pasubali ng dalaga.

Hindi naupo si Rome sa sofa. Inilagay lang ni Rome ang dala niyang bag doon at nakatayong nagmasid sa loob ng bahay.

"Solo ka lang ba rito?"

Malapit lang ang sala sa kusina kugn kaya't rinig ni Veronica ang tanong ni Rome.

"Hindi, kasama ko ang pinsan ko na dito rin nag-aaral. Nasa kaklase lang siya ngayon at may gagawin raw silang project."

"Ah," tugon ni Rome. Lumapit si Rome sa isang larawan na nakasabit sa pader ng bahay. Isang picture ni Veronica na may katabing lalaki. Nakaupo sila sa aplaya at nakatanaw sa karagatan. Hindi niya namumukhaan ang lalaki dahil parehong nakatalikod ang dalawa sa larawan. Nakaramdam ng konting selos si Rome dahil sa kanyang nakita. Itatanong sana ni Rome kung sino ang lalaki pero minabuti na lamang niya na huwag nang magtanong. Obvious na naman na boyfriend iyon ni Veronica.

"Halika na, kumain na muna tayo," alok ng dalaga.

Nahihiya man ay dumulog na si Rome sa mesa at sinaluhan si Veronica sa pagkain ng hapunan. Hindi halos malunok ni Rome ang kanyang kinakain dahil parang biglang naging akward ang pakiramdam dahil hindi gaya ng mga unang salu-salo, ngayon ay parehas silang tahimik habang kumakain. Parang nagpapakiramdaman sila kung sino ang unang iimik.

Natapos ang hapunan nang walang pinag-usapan ang dalawa. Napansin man ni Veronica na kanina pa tumititig si Rome sa kanya habang kumakain, pinabayaan na lamang niya ito at tahimik na itinuloy ang pagkain.

Pagkatapos kumain ng dalawa ay uminom pa sila ng kaunting red wine para sa digestion. Lalong naisip ni Rome na mayaman itong si Veronica dahil may wine pa every dinner. Panakaw pa rin ang tingin ni Rome sa dalaga hanggang sa isama na siya ni Veronica sa kwartong tutulugan niya. Pagbungad ay namangha si Rome sa kwarto. Malinis ito at maayos. Halatang pinag-handaan ito ni Veronica. Bago lumabas si Veronica sa kwarto ay ibinigay niya kay Rome ang isang maliit na botelya na parang pabango.

"Ano ito?" tanong ni Rome.

"Mamayang alas-diyes, magpatak ka ng isa sa panyo at amuyin mo. Makakatulog ka pagkatapos and apparently, it will trigger REM sleep."

Tumingin si Rome sa wall clock. 9:24 pa lang ng gabi at may ilang minuto pa siya para mag-nightwash. Matapos magsipilyo at maglinis ng katawan, nagpalit siya ng damit. Nag-pajama siya at T-shirt na puti. Bumalik siya sa higaan limang minuto bago ang alas-diyes. Umupo si Rome sa malambot na kutson, kinuha ang animo'y pabango at sinunod ang bilin ni Veronica. Napapikit si Rome dahil sa bango ng likidong ipinatak niya sa panyo. Hindi niya namalayan na natumba na siya sa kama.

The Dream Hunter (SELF-PUBLISHED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon