"Hijo, Romano, hindi ganyan," wika ng lolo ni Rome, "dalawang kamay ang gamitin mo."
Iginiya ng matanda ang mga kamay ni Rome sa tamang paghawak ng kahoy na espada. Noong mga panahong iyon ay bata pa lang si Rome. Bagama't matanda na ay kakikitaan pa rin ng kisig sa katawan ang lolo ni Rome. Puti na ang buhok nito at kita na rin ang kulubot sa mga balat pero sa kanyang tindig ay hindi mo mapapagkamalan na ilang taon na lamang ang nalalabi para sa matanda. Sa di kalayuan naman ng kanilang bakuran ay nanunuod ang ama ni Rome at ang iba pa niyang mga kapatid.
"Lolo, bakit po dalawang kamay dapat ang gagamitin ko?" tanong ng paslit.
Pumwesto ang matanda at ipinakita kay Rome kung paano ang tamang porma ng paghawak ng nasabing kahoy na espada.
"Kailangan matatagag ang paghawak mo sa katana. Hindi ito dapat mawalay sa'yo. Sa oras na hawak mo ang iyong katana, karugtong na ito ng iyong buhay," wika ng matanda.
"Parini na kayo! Nakahanda na ang pananghalian!" pagtawag ng nanay ni Rome. Hudyat iyon para magpahinga na muna ang dalawang mag-lolo sa kanilang ensayo. Bago sila pumasok sa bahay ay lumapit ang matanda kay Rome at inakbayan ito sa balikat habang naglalakad.
"Palagi mong tatandaan, hijo, hindi lang dapat sa husay at lakas ka aasa kapag dumating na ang oras," hindi naunawaan ng musmos na isipan ni Rome ang pananalitang iyon, "bagkus ay dapat armasan mo ang iyong sarili dito," sabay turo sa kaliwang bahagi ng dibdib ni Rome.
Matapos silang mag-agahan, nakaugalian na ng matanda na kwentuhan si Rome at iba pa niyang kapatid sa ilalim ng puno ng kaymito na nasa loob lang ng bakuran nila. May nakapwesto doong papag na yari sa kawayan at doon sila madalas humiga at magpahangin lalo pa at katanghalian. Kay sarap matulog sa lugar na iyon na maririnig mo lamang ay huni ng mga ibon, ilang ingay ng mga sasakyan na bihira pa sa lugar nila, at ang pagaspas ng mga dahon na likha ng preskong hangin.
Paulit-ulit man ay hindi pa rin nagsasawa ang mga bata sa kwento ng lolo nila noong bata pa ito, kung paano siya tinuruan ng isang sundalong Hapones na gumamit ng isang katana. Dahil puro lalaki ang magkakapatid, madali nilang nagustuhan ang istorya ng lolo nila dahil tungkol ito sa karanasan noong bata pa ring tulad nila ang kanilang lolo at bilang estudyante ng isang sundalong hapon na ayon sa lolo nila ay isa sa mga huling samurai. Matagal nang na-abolish ang traditional samurai noong ikalawang digmaang pandaigdig pero ikinwento ng lolo sa kanila na may ilan pa ring mga nanatili sa ganoong klaseng tradisyon.
Dinukot ng matanda ang isang pocket watch mula sa kanyang bulsa. Namangha lalo ang mga bata nang makita iyon.
"Bigay ito ng aking master," sambit ng matanda, "ibinigay rin daw ito sa kanya ng kanyang kaibigang puti."
Lalong nanlaki ang mga mata at butas ng ilong ng magkakapatid nang buksan ng matanda ang takip nito. Napakaganda ng disenyo ng orasan na iyon. Kitang-kita sa istilo nito ang pagiging antigo sa kalumaan pero gumagana pa rin at umiikot ang mga kamay nito habang binabaybay ang mga numerong romano na nakapalibot sa orasan. Kumislap pa ang pilak na kabuuan niyon nang tamaan ito ng sinag mula sa araw. Matapos itong ibida ay iniabot ito ng matanda kay Rome.
"Sa akin na lang po, lolo?" gulat pang wika ng apo.
"Oo, hijo. Para hindi ka maiwan at malampasan ng oras. Ang oras ay mas mahalaga kaysa sa kahit anong ginto. Ito ang pinakamatalas na armas na maaari mong gamitin balang araw."
"Paano po magiging armas, lolo?" tanong ni Rome.
"Malalaman mo rin ang sagot balang araw," sagot ng matanda
Nag-alburuto ang dalawang kapatid ni Rome dahil hindi sa kanila ibinigay ng lolo ang orasan. Pinasubalian na lamang sila ng ng matanda na bibigyan din ng regalo kapag sumapit na sila sa edad na kagaya ni Rome.
Hindi na iyon nangyari nang pumanaw ang matanda makalipas ang tatlong buwan. Binangungot ito at hindi na nagising mula sa pagkatulog. Iyon ang paliwanag sa kanila ng manggagamot na tumingin sa bangkay. Labis ang hinagpis ng pamilya ni Rome dahil sa pagkawala ng mahal nila sa buhay.
Sa huling hantungan, hawak ni Rome ang relong bigay sa kanya. Makulimlim pero hindi umuulan ng araw na iyon. Mugto ang matang tiningnan ng bata ang ataul ng lolo na dahan dahang tinatabunan ng lupa.
BINABASA MO ANG
The Dream Hunter (SELF-PUBLISHED)
FantasyROME discovers that he is a lucid dreamer. Like many others, he thought he could harness all the powers and abilities in the dream world without limitation and consequences. Little did he know that lucid dreamers are usually prey to mardrums, monstr...