Chapter 20

29 2 0
                                    

Isang electronic mail ang natanggap ni Rome mag-aalas diyes y media ng umaga. Nakapasa siya sa aptitude test na ginanap kahapon. Kasama niya noon si Veronica at nagmemerienda sila sa canteen kaya't ibinalita kaagad ni Rome ang naging resulta ng eksaminasyon. Kita rin naman sa mukha ng babae ang tuwa dahil alam niyang magiging katuwang niya si Rome sa mga susunod pang kabanata ng buhay nila sa Aurora.

"Isipin mo 'yon, halos hindi ko natapos 'yong drawing pero nakapasa pa rin ako?" Masayang-masaya si Rome dahil alam niyang marami siyang matutunan at madidiskubre kapag naging miyembro na siya ng academy.

"Gusto mo puntahan natin si Prof?" nakangiting alok ni Veronica. Sumang-ayon naman kaagad si Rome dahil wala pa naman silang klase ng isa't kalahating oras kaya't pwedeng-pwede silang sumaglit muna sa opisina ng propesor.

Gayon nga ang ginawa ng dalawa. Pagkatapos kumain sa kantina ay dumertso na sila sa School of Arts kung saan naroon ang faculty. May maliit na glass window ang pintuan ng faculty kaya kita nila kung nasa loob noon ang guro.

"May klase ata si Sir." Si Rome ang sumilip sa pinto dahil mas matangkad siya kaysa kay Veronica.

"Mamaya na lang tayo bumalik," ani Veronica.

Paalis na sana ang dalawa nang makasalubong nila si Prof Jay na may dalang libro at white board marker gaya ng palagi niyang ginagawa sa klase.

"Sir!" halos magkasabay na bati ng dalawang estudyante.

"Oh, kumusta kayo? Congratulations pala, Rome," sabay abot ng kamay sa binata. "What can I do for both of you?"

"Ah, Prof, gusto ko lang po sana malaman ang rating ko sa aptitude test kahapon. Pwede po ba?" tanong ni Rome.

"Ahh 'yon ba? Pasensya na hijo kasi hindi namin pwedeng ibigay ang score na nakuha ng mga examinee sa aptitude test eh. At saka hindi mo naman kailangan kung ano ang score mo don," paliwanang ng guro. "Ang mabuti pa, paghandaan mo na ang kasunod na pagsusulit. Saglit at may kukunin lang ako."

Naiwan ang dalawa sa labas ng faculty room. Hindi inaasahan ni Rome na may kasunod pang examination na gagawin. Ang buong akala niya ay pasado na siya para maging isang miyembro ng LDA.

"Siyempre hindi basta-basta ang maging Dream Hunter 'noh?" ani Veronica. "Kung ako nga nahirapang makapasa sa pagiging Dream Guardian eh di lalo nang mas mahirap sa Dream Hunter."

"Akala ko magiging katulad mo ako?" nagtatakang sambit ni Rome.

"May nakitang potensyal sa'yo si Prof bago pa man magising ang Lucidity mo. Di hamak na mas nababagay kang maging isang Hunter kaysa isang Guardian na tulad ko na walang ibang trabaho kundi bantayan ang mga bata sa panaginip," tugon ng dalaga.

Lumabas na ang guro mula sa loob ng faculty. May hawak itong isang maliit na index card at iniabot iyon kay Rome. "Sa biyernes ng gabi, puntahan mo ang address na 'yan. Diyan gaganapin ang unang bahagi ng pagsusulit."

Binasa ni Rome ang nakasulat sa index card.

Vanilla Twilight Resto Bar

"Ano pong gagawin ko rito Prof?" walang ideya si Rome kung bakit binigyan siya ni Prof ng isang pangalan ng bar. Hindi naman siya umiinom ng alak at hindi rin siya mahilig kumain sa mga mamahaling restaurant.

Kung ano man ang totoong dahilan, siguradong pagpasok pa lang niya sa bar na iyon ay mag-uumpisa na ang pagsusulit kaya't kailangan maging mapagmatyag siya.

Tinapik si Rome ng guro sa balikat at ang sabi, "puntahan mo na lang 'yan pagtulog mo sa biyernes, okay? Mauna na ako at may kailangan pa akong asikasuhin."

The Dream Hunter (SELF-PUBLISHED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon