Nawala ang inis ni Rome nang matanawan niya ang paligid oras na makalayo sila sa siyudad.
"Wow, ganito pala kaganda sa panaginip," paghangang sambit ng binata. Kasalukuyan sila ngayong bumabagtas sa kalyeng umiilaw ang mga linya. Sa magkabilang gilid nila ay tanaw ang mga animo'y alitaptap na lumilipad. May mga sasakyang matutulin silang nakakasalubong at ang iba ay mga nakamotor din na kagaya ng sinasakyan nila ni Veronica. Mas pinatulin ng dalaga ang pagpapatakbo sa motor hanggang sapitin nila ang pampang ng isang lawa.
"Anong gagawin mo? Teka! Vica!"
Humigpit lalo ang pagkakakapit ni Rome sa babae dahil dere-deretsong tinungo nila ang lawa. Napanganga na lang si Rome at nanlaki ang mga mata nang makitang hindi sila lumulubog sa tubig. Parang gumugulong sa salamin ang dalawang gomang patuloy pa rin ang mabilis na pag inog. Hindi makapaniwala si Rome sa mga nangyayari habang tahimik lang si Veronica at lihim na nakangiti. Hindi pansin ni Rome na kanina pa siya nakayapos kay Veronica mula sa likuran. O baka naman sadya lamang na nagkukunwari siya na hindi niya alam.
Maya maya pa ay natanawan na ni Rome ang isang cliff na nasa kalagitnaan mismo ng lawang kanilang binabagtas. Nang sumapit sila sa paanan noon ay may bahagi iyon na tila ba isang kweba pero kita ang kabilang dulo. Sa ilalim noon ay may malapad na bato at doon ipinarada ni Veronica ang motor. Mula roon ay inakyat na nila ang itaas na bahagi ng talampas. Nanginginig man ang mga binti ay patuloy pa rin sa pag akyat si Rome sa mabatong gilid ng cliff.
"Bagal mo naman, kuya," biro ni Veronica.
"Ano bang mangyayari kapag namatay tayo sa panaginip?" tanong ni Rome.
"Who knows," tugon ng dalaga, "try not to die na lang para sure."
Unang nakaakyat sa ibabaw ng cliff si Veronica at kasunod si Rome. Hindi mapagsidlan ng tuwa ang puso ni Rome nang makita ang tanawin mula sa patag na kinatatayuan niya ngayon. Kita niya mula roon ang siyudad na pinanggalingan nila. Parang Christmas light ang iba't ibang kulay na likha ng mga ilaw mula sa siyudad. Tanaw rin ni Rome ang ilang matatayog na bundok sa gawing kanan. Malayang iginala ni Rome ang kanyang paningin at nakangangang humanga sa kagandahan ng Aurora.
Niyaya ni Veronica na maupo muna silang dalawa at magpahinga habang nagmamasid ng magagandang tanawin. Pareho sila ngayong nakatanaw sa kulay pink na kalangitan. Sa bandang likuran nila ay kulay blue-green. Wari ba'y nag aagawan ang tatlong kulay sa kalangitan.
Kalmado lang at nakangiti si Veronica sa pagtanaw ng magagandang lugar mula sa kinauupuan. Tila kumikislap ang bilugang itim sa kanyang mga mata. Ilang minuto rin ang itinagal ng ganoong ekspresyon niya sa mukha nang biglang tumalim ang kaninang maamo niyang mata. Sa ilang segundo ay alam niyang may masamang mangyayari at hindi nga siya nagkamali.
Walang anu-ano'y biglang lumitaw sa kanilang likuran ang isang napakalaking halimaw. Halos hindi nila ito naramdaman. Datha na rin nang mapansin ni Veronica ang presensiya noon.
"Rome!"
Sa unang pagkakataon ay tinawag ni Veronica si Rome sa kanyang pangalan. Hahablutin na sana ni Veronica ang lalaki subalit tinamaan na sila pareho ng isang galamay ng halimaw. Kapwa tumalsik palayo sina Rome at Veronica. Malakas ang naging splash ng tubig nang bumagsak roon si Rome.
Bago pa man bumagsak sa tubig ang babae ay umikot ang katawan niya na parang sirkera. Saktong ang mga paa niya ang lumapag sa tubig. Di tulad ni Rome, nakatayo at nakatakbo pa sa ibabaw ng tubig si Veronica pagkatapos umikot. Kumaripas siya kung saan bumagsak si Rome.
"Kainis!"
Malalim na ang pagkakalubog ni Rome sa tubig. Bigla namang tumalon patungo sa kanila ang halimaw. Nahirapan mang magdesisyon, tumalon na lamang si Veronica pailalim ng tubig para sagipin si Rome. Nagsumikap na kumampay nang malakas at mabilis ang dalaga upang maabot ang braso ni Rome. Lumangoy na rin ang halimaw na humahabol sa kanila. Nang mga oras na iyon ay naabot na ni Veronica ang kamay ni Rome.
Lumangoy paitaas si Veronica at hinila niya si Rome. Napansin noon ng babae na tila bumagal ang halimaw na humahabol sa kanila kaya't nang maiahon niya si Rome, dagli niyang kinuha ang libro niya at inutusan ang motosiklo na kusang lumapit sa kanila. At gayon nga ang nangyari. Mabilis na umandar ang motor palapit ng kanilang kinaroroonan kahit wala itong sakay. Iniangkas ni Veronica ang walang malay na lalaki at mabilis na pinaandar ang motor papalayo sa peligro.
Sa isang hindi pamilyar na lugar ihininto ni Veronica ang sasakyan at inihiga niya ang walang malay na lalaki sa damuhan.
"No, no, no..gising.." natatarantang sambit ni Veronica. Nagperform siya ng CPR para lumabas ang tubig mula sa sikmura at baga ni Rome. Nang mapansin niya na hindi pa rin humihinga ang lalaki, ay mouth to mouth resuscitation naman ang kanyang sinubukan. Ilang beses pang pag push sa gawing dibdib ni Rome, ilang pagdaop pa ng kanilang mga bibig, biglang umubo ng malakas si Rome at lumabas ang tubig mula sa kanyang bibig.
BINABASA MO ANG
The Dream Hunter (SELF-PUBLISHED)
FantasyROME discovers that he is a lucid dreamer. Like many others, he thought he could harness all the powers and abilities in the dream world without limitation and consequences. Little did he know that lucid dreamers are usually prey to mardrums, monstr...